0
SI JULIET...AT ANG KANYANG "FEEL-AT-HOME" CARINDERIA
Posted on Friday, 26 April 2019
SI JULIET, WALANG KANANG KAMAY...AT ANG KANYANG “FEEL- AT- HOME” CARINDERIA
Ni Apolinario Villalobos
Isang fb friend, si Mark Anthony M. Casero ang nagbanggit
tungkol sa akin tungkol kay Juliet na ang nakatawag ng pansin sa kanya ay ang
kawalan nito ng kanang kamao subalit masigasig sa pagka-karinderya. Mura pa raw
ang mga ulam na paninda.
Kaninang umagang-umaga, bago mag-7AM ay pumunta na ako sa
address na tinukoy ni Mark...lampas kaunti sa simbahan ng Iglesia ni Kristo,
papasok ng San Pablo, bago makarating sa Fernandez Elementary School. Pagdating
ko ay tiyempong nagluluto na si Juliet pero walang tindang kape. Nahalata yata
na ayaw kong umalis kaya sabi niya ay bumili na lang ako ng kape at may mainit
na tubig siya. Tinapat ko agad siya tungkol sa pakay ko na i-blog siya at sa
simula ay tumanggi siya dahil nahihiya subalit nang sabihin kong makakatulong
ang kuwento niya upang ma-inspire ang iba ay pumayag din.
Apat ang anak niya at ang namayapang asawa ay tricycle
driver. CASIṄO
ang apelyido niya noong dalaga pa siya. Apat
ang anak niya at tinutulungan siya ng kuya niya sa pamamagitan ng pagpapaaral
sa bunsong anak. Ang panganay na nasa Grade 9 ay nagtatrabaho sa isang tindahan
tuwing Sabado at Linggo kaya nakakaipon at lumalabas na self-supporting. Ang
sumunod na nasa Grade 4 ay nakakatulong na sa karinderya. Nang umagang pasyalan
ko siya ay nakita ko rin kung paano siyang tinutulungan ng kanyang nanay at
kuya.
Anim na putahe ang niluluto nina Juliet kaninang umaga –
pata, dinuguan (Ilocano style), ensaladang labanos, papaitan, at ginisang
monggo. Mainstay o permanente sa menu ang papaitan, pata at dinuguan. Ang mga
gulay ay pabago-bago. 7AM pa lang ay maramin nang tumitigil para magtanong kung
may naluto na. Ang unang inilatag ay ang ensaladang labanos na hindi inabot ng
twenty minutes...ubos agad. Ang mga dumating upang kumain ay nag-ulam ng pata
at ilang sandal pa ay inilatag na rin ang dinuguan at papait...pinakahuli ang
monggo. Wala pang dalawang oras ay ubos ang panindang ulam! Napansin ko ang
parang bahay na atmosphere ng karinderya na parang “dirty kitchen” lang at ang
mga kostumer ay libreng maghagilap ng kailangan nila tulad ng sili, at kung ano
pa.
Habang nag-uusap kami ni Juliet nang umalis na ang kostumer ay
nagsimulang maghugas ng pinagkainan ang anak niyang babae na siya ring nagluto
ng monggo. Marami kaming napag-usapan ni Juliet na tumalakay sa pasasalamat
niya sa suporta ng kanyang nanay at mga kapatid kaya hindi siya nahirapan sa
pag-alaga ng mga anak. Hindi siya conscious sa kanyang kapansanan kaya lalo
akong bumilib sa kanya. Hindi daw siya susuko sa pagsikap hangga’t kaya niyang
kumilos dahil may responsibilidad pa siyang gagampanan para sa kinabukasan ng
kanyang mga anak.....MABUHAY KA, JULIET!....SANA AY TULARAN KA NG IBA.