ANTONETTE...nakadanas mangalakal at tumira sa bangketa, hanggang maging eskolar sa kolehiyo
Posted on Tuesday, 22 October 2019
ANTONETTE…NAKADANAS
MANGALAKAL AT
TUMIRA SA BANGKETA, HANGGANG MAGING ESKOLAR SA KOLEHIYO
Ni Apolinario Villalobos
TUMIRA SA BANGKETA, HANGGANG MAGING ESKOLAR SA KOLEHIYO
Ni Apolinario Villalobos
Si Antonette ay nag-iisang anak
ni Minda na nagtitinda ng kape, tinapay at tsitserya sa bangketa malapit sa
Sta. Monica St. ng Ermita na nai-blog ko two days ago. Nahiya akong tanungin
noong unang nag-usap kami kung single mom si Minda pero mabuti na lang at siya
mismo ang nagsabi na maliit pa si Antonette ay namatay na ang tatay nito nang
magkita kami uli. Bumalik ako sa puwesto ni Minda upang maghatid ng kumot at
ilang gamit. Mabuti rin at napaunlakan ang pakiusap kong makita si Antonette
kaya walang kaabug-abog na sindundo siya ni Minda mula sa inuupahan nilang
maliit na kuwarto.
Sa mabilis na pag-uusap namin ni
Antonette, nalaman kong eskolar pala siya, kaya sa isang semester ay mahigit
lang ng kaunti sa sampung libong piso lang binabayaran sa Universidad de Manila
subalit malaki ang nagagastos pa rin sa mga project at iba pang requirements
para sa kurso niyang Business Administration. Ang allowance niya sa isang araw
ay 150pesos. Second year na siya at napansin ko ang hawak niyang lumang
cellphone na inamin niyang ginagamit niya sa kanyang pag-research. Tulad ng
ginagawa ng ibang mga kinakapus na estudyante, naghahanap siya ng libreng wifi
site upang makapag-browse. Hindi nila kaya ang bayad sa internet café na ang
singil ay hindi bababa sa 30pesos kada oras. Hindi ko na tinanong kung saan
galing ang cellphone dahil baka isipin niyang masyado akong maurirat.
Nang makiusap ako kung pwede
akong sumama sa kanya sa inuupahan nilang kuwarto ay malugod niya akong
pinagbigyan. Mula sa puwesto ng nanay niya ay nilakad namin ang di-kalayuang
kanto ng Sta. Monica at pumasok kami sa isang maliit na sidestreet. Naalala ko
ang mga eskinita sa Baseco compound na pinapasok ko habang binabaybay namin ang
eskinitang maputik at sa isang gilid ay mga barung-barong. Akala ko, nang
pumasok kami sa isang maliit na pinto, nandoon na ang kuwarto. Ang ground floor
ay marami ring maliliit na kuwarto. Pumasok pa kami sa isang maliit na pinto
bago itinuro ni Antonette ang butas sa itaas na animo ay manhole lang sa laki.
Ito ang “lulusutan” papunta sa “second floor”.
Sa tabi ng matarik o halos
patayong hagdan papunta sa “second floor” ay may isa pang kuwarto na ang
pinakatakip ay kurtina. Hahawiin ko sana out of curiosity kung hindi ko narinig
ang, “may tao pa kuya”….CR pala! Unang “lumusot” si Antonette sa butas papunta
sa “kuwarto” niya at sumunod ako. Dahil sa kalakihan ko ay halos hindi ako
kasya at kinabahan pa ako dahil sa dulas ng matarik na hagdanang gawa lang sa
maliliit na pinagtagpi-tagping kahoy.
Ang kuwarto ay talagang maliit.
Kung ako siguro ang hihiga sa loob ay nakalabas ang mga paa ko sa pinto. Para
lang itong malaking cabinet. Walang bintana at ang pinanggagalingan ng hangin
ay isang maliit na electric fan. Ang upa sa kuwarto ay 1,500 pesos isang buwan,
libre nga lang ang tubig at ilaw kaya pinagtitiyagaan ng mag-ina. Ang
nakakabahala lang ay kung magkaroon ng sunog. Siguradong lahat ng nakatira sa
lugar na yon ay masasawi.
Nang bumalik ako kay Minda,
tinanong ko siya kung bakit wala halos siyang paninda ganoong maaga pa. Wala
raw siyang pambili at ayaw pa muna siyang pautangin ng Bombay at nagpaparinig
pa daw ito na mahirap maningil kaya dapat ay magbayad pa daw muna siya ng
balance. Nag-alala nga daw siya dahil sa sinabi ng anak na aabot na sa mahigit
600pesos ang mga kailangan para sa kanyang mga kailangan sa eskwelahan. Mabuti
na lang at hindi ko pa nagastos ang 500pesos na pambili sana ng mga payong kaya
inabot ko na muna sa kanya upang magamit nila. Pati ang payong na gamit ko ay
iniwan ko kay Antonette dahil wala pala itong payong. Dahil kulang na ang
pamasahe ko pauwi sa Cavite, pinagkasya ko ang mga barya hanggang sa Buendia
(Pasay) at dahil umuulan ay patakbu-takbo ako upang makarating sa bahay ng
isang kaibigan na inutangan ko ng pera para magamit sa pagbili ng mga payong sa
Baclaran bago umuwi sa Cavite. Mabuti na lang at inabot ko ang kaibigan kong
paalis na sana kung hindi bumagsak ang ulan. Ang mga payong ay para sa mga
pinangakuan kong mga estudyante noon pa, at ang iba ay pambenta ng mag-asawang
may sanggol na nakilala ko sa Luneta.
Babalikan ko
sina Minda upang dalhin kay Antonette ang mga gamit na naitabi ko na magagamit
niya tulad ng laptop bag dahil ang ginagamit niya ay maliit na backpack lang….
Discussion