Mga Dahilan Kung Bakit Ako Enjoy sa Pag-Blog
Posted on Wednesday 20 December 2017
Mga Dahilan Kung Bakit Ako Enjoy sa Pag-blog
Ni Apolinario Villalobos
Kung minsan ay hindi ko maunawaan kung paanong dumaloy ang
mga kataga mula sa aking isipan patungo sa screen ng laptop ko. Basta masimulan
ko kasi, tuluy-tuloy na hanggang sa huling tuldok. At, pagkatapos kong mag-upload
ng sanaysay man o tula, nakakalimutan ko na sila kaya todo ang pag-ingat ko sa
pag-save. Sa kabila niyan, ini-enjoy ko na lang ang pagsusulat dahil sa mga
“kapalit” tulad ng mga sumusunod:
·
Kaylan lang, isang OFW sa Gitnang Silangan ang
nakakita ng larawan ng isa niyang anak na kasama sa mga nai-post ko para sa
blog tungkol sa Casilda P. Venus Elementary School. Masaya siya subalit
napahagulhol pa rin daw ayon sa koment niya kaya “nagnakaw” ako ng dalawang
photos sa fb niya at nilagyan ko ng Christmas greeting para sa kanya at iginawa
ko pa silang mag-iina ng tula.
·
Ang isang babaeng may katandaan na at nabubuhay
sa pagiging “dispatcher” o “barker” ng mga aircon van sa Liwasang Bonifacio
(Lawton Plaza) sa Maynila ay “natagpuan” ng kanyang mga kamag-anak sa blog ko.
Ang mga kamag-anak na nasa abroad ay matagal na palang naghahanap sa kanya.
Sila ay taga-Cebu.
·
Dahil sa blog kong nabasa yata ng taga-Manila
City Hall ay nabuksan ang matagal nang saradong toilet sa Liwasang Bonifacio
para magamit ng mga namamasyal. Ang Metropolitan Theater ay nabakuran na rin
dahil noong nakatiwangwang ito, ang paligid ay ginawang ihian kaya mapanghi.
·
Ang isang losyang nang female bold star na
nagpipilit pa ring magbenta ng aliw sa Avenida, Sta. Cruz, Manila ay natagpuan
ng kanyang pamangkin dahil sa larawan niyang nai-post ko pero walang pangalan
niya, three years ago, sa isang slum area na ngayon ay na-demolish, sa gilid ng
ilog ng Reina Regente sa Binondo, Manila.
·
Ang isang batang babaeng mahilig magbasa ng mga
libro subalit walang pambili ng mga ito ay napadalhan ng mga encyclopedia na
pambata ng isang viewer na nasa California.
·
Ang isang tin-edyer na nagbebenta ng aliw sa
Avenida upang may panggastos sa pag-aaral ay inampon ng mag-asawang Pilipino na
nakatira sa Amerika nang mabasa ang kuwento ng buhay niya sa blog ko.
·
Ang mag-asawang matandang gusto nang mamahinga
sa probinsiya nila sa Antique ay nakauwi at ang lalaki ay namatay doon ilang
linggo pagdating nila…parang “homecoming” upang mamatay sa birthplace. Ang
viewer kong taga-Amerika ang nagbigay ng pamasahe nila.
·
Nagkaroon ako ng grupong “sharers” sa Maynila na
ang mga kasapi ay isang doktor na taga-Canada, isang negosyante sa Amerika, at
isang dating “call boy” na nagka-asawa ng anak ng negosyanteng Intsik sa
Binondo. Pinagtagpo kami ng mga blogs ko tungkol sa mga ginagawa ko sa Tondo
area. Mahilig din pala silang mag-“adventure” sa slums tulad ko.
·
Ang dalawa kong viewers na walang tiwala sa
sarili at nagkakasya lang noon sa pagkoment ng mahaba sa blogs ko ay gumagawa
na rin ng blogs dahil napilit ko sila, kahit sa simula ay gumaya muna ng style
ko….huwag lang ang pagmumura. Natutuwa ako at marami na silang followers ngayon
dahil matatalino naman talaga sila.
·
May dalawang black evangelists sa isang bansa sa
Africa ang nag-eemail sa akin tungkol sa binabasa nilang blogs ko…natutuwa sila
at nadadagdagan daw ang kaalaman nila tungkol sa mga nangyayari sa Pilipinas.
Hindi daw kasi sila familiar sa Pilipinas. Yon nga lang, akala nila ay Kastila
ako dahil sa pangalan ko.
·
Iba’t ibang uri ng tao ang nagkokonek sa akin sa
pamamagitan ng iba ko pang sites. May isang Russian model/photographer
blogger…may mga nature lovers…may mga foodie bloggers…pero mas marami ang mga
literary bloggers – lahat sila mga taga-ibang bansa. Curious yata sila kung
anong “uring tao” ang mga Pilipino. May nagtanong pa kung paano daw akong
natutong mag-English at gumawa ng poem.
Nahihirapan din ako kung minsan lalo na kung walang internet
dahil sa inutil na mga server kaya naiipunan ako ng mga incoming emails at pm
sa facebook. Ang matindi pa ay nakiki-wifi lang ako kaya parati akong
nagmamadali upang hindi nakakahiya sa naiistorbo kong maybahay....pero as I
shared earlier, enjoy pa rin ako kahit kinakapalan ko na lang ang mukha
ko….sanayan lang naman yan.
Paunawa lang….hindi ako mayaman, nagko-commute lang ako kaya
madalas ay nagha-hiking ako kung walang masakyan, second hand na palyado pa ang
laptop ko, palaging pamasahe lang ang laman ng bulsa, at sa tabi-tabi kumakain
upang makatipid….yon nga lang naniniwala ako sa kasabihang, “God will provide”….at,
higit sa lahat, malaking pasalamat ko dahil wala akong hikâ, migraine, rayuma o arthritis,
pati UTI kaya hindi ako nagkakabalisawsaw, at hindi naging addict! Ang mga
tulong na naipaparating ko sa mga taong naba-blog ko ay galing sa mga may
magandang kalooban. Ang kailangan kong iabot ay extra na barya sa bulsa ko.
MERRY CHRISTMAS NA LANG SA LAHAT NG MGA NAPASAYA AT
NAPA-HIGH BLOOD NG BLOGS KO!
Discussion