ANG KASAKIMAN AT SIBILISADONG LIPUNAN by Apolinario Villalobos
Posted on Saturday, 10 October 2020
ANG KASAKIMAN AT SIBILISADONG
LIPUNAN
Ni Apolinario Villalobos
Mula sa mga ginagawa ng mga
barbaro na naging bahagi ng kanilang lipunan, na ang pagpataw ng hustisya ay batay sa aktwal na
pagkakita ng krimen o kasalanan, ngayon ay ibinabatay sa inaasahang matalinong
paliwanagan, kaya ang simbolo ng Hustisya ay isang babaeng may piring ang mga
mata at may hawak na timbangang nagpapakita ng pantay na bigat ng dalawang
pinggan sa magkabilang dulo.
Sa kasamaang palad, sa
sobrang talino ng tao ay nakagawa siya ng paraan kung paanong maikutan ang mga
batas para sa kanyang kapakanan o bentaha. At, dahil may piring ang mga mata ng
babaeng simbolo ng hustisya, hindi niya nakikita ang mga nangyayaring panloloko. Hinahayaan ng babaeng simbolo ang
pagpapalitan ng mga legal na paliwanag ng mga bayarang abogado sa bulwagan ng
hustisya…na ang desisyon sa bandang huli ay mula sa huwes o judge. Ang problema
lang ay kung may pera ang kriminal at kayang magbayad ng malaking halaga sa
matalinong abogado para pagtakpan ang kanyang pagkakasala…at ang inosente naman
ay walang pambayad sa magaling ding abogado, o di kaya ang libreng abogadong
pinagamit ng gobyerno o grupo ay matatalo…lalo na kung masasangkot din ang
huwes sa “palusutan” dahil sa pera! Hindi maipagkakaila ang mga balita tungkol
sa mga bayaran o corrupt na mga huwes.
Kadalasan ay nakakarinig tayo
ng kasabihan, “sa bawat alituntunin ay may dapat bigyan ng pang-unawa at
konsiderasyon”, kaya kahit ang pinakamagandang batas ay maaaring palusutan…at,
ang “konsiderasyon” ay depende sa kapal sa dami ng perang papel. At, dahil sa
ganitong kalagayan, paano na ang “hustisya”?
Ang isa pang kasabihan ay,
“kung walang magrereklamo, ibig sabihin ay walang nangyaring masama”.
Kalimitan, itong kasabihan ay lalong nagpapalugmok sa mga mahihirap na hindi
nagrereklamo sa paniwalang wala ring mangyayari. Ang mahirap ay walang
kakayahang magbayad ng “matalinong abogado” kaya hanggang pa-blotter sa
barangay o sa presinto ng pulis ang kaya niyang gawin. ANG MATINDI PA, KUNG
MAYAMAN ANG GUMAWA NG KASALANAN, PWEDE SIYANG MAGBAYAD SA MAGIGING “FALL GUY”
NA PAPALIT SA KANYA…AAKO NG KASALANAN!
Ang batas ng sibilisadong
lipunan ay inaasahang magpoprotekta ng mga mamamayan at inaasahang gagawin ito
ng gobyerno ng ano mang bansa. Sa Pilipinas ay may libreng serbisyo ng mga
abogado na binibigay ang gobyerno sa pamamagitan ng PAO…at, may mga grupo ring
nagbibigay ng kahalintulad na libreng serbisyo. Sa kasamaang palad, personal na
obserbasyon ko lang na kung hindi sensational ang kaso, hindi pinapansin…KALIMITAN
AY INAABOT NG SIYAM-SIYAM….HIGIT SA LAHAT, ANDIYAN PA RIN ANG MGA MATATALINONG
ABOGADONG KAYANG BAYARAN NG MGA KRIMINAL…KAYA BALIK NA NAMAN SA DAHILAN KUNG
BAKIT NASA BALAG NG ALANGANIN ANG HUSTISYA SA PILIPINAS…..DAHIL SA PAGKASAKIM
NG ILANG PILIPINO
Discussion