Lorna at Vanni Quimpo...magpuputo at magtuturon ng Tacurong
Posted on Wednesday, 26 July 2017
Lorna at Vanni Quimpo
…magpuputo at magtuturon ng Tacurong
Ni Apolinario Villalobos
Nakilala ko sina Vanni at Lorna nang minsang kumain ako ng
puto na tinitinda nila, napakamura sa halagang Php5 bawa’t isa. Tinikman ko rin
ang turon na Php5 ang dalawang piraso. Dahil nasarapan ako, nakakahiya mang
i-reveal, nakaubos ako ng 7 puto at 8 turon! Nang time na yon ay napilitan
akong uminom ng softdrink na ang halaga naman ay Php10 dahil wala silang
mineral water at ayokong mabulunan sa harap nila, dahil lalong nakakahiya. Sa
pagkain ko nga lang ng marami nilang paninda ay manghang-mangha sila.
Tanghalian ko na ang nilantakan kong pagkain dahil feeling bundat na ako.
Ang puto na natikman ko ay talagang gawa sa purong bigas,
hindi malagkit. Tama lang din ang tamis kaya siguro hindi ako naumay, tuloy
nakabubos ako ng 7 piraso. Ang turon naman ay may halong langka at ang wrapper
ay napakalutong! Ang nakakatuwa pa ay hantad ang ginagawang pagluto ng
mag-asawa, mula sa pagtimpla ng giniling sa bigas para ilutong puto, at ang
deep-fry ng turon. Wala silang trade secret. Pati nga ang tulugan nila ay
hantad din kaya na-touch ako sa pagsisikap nila. Tiyempo namang may natanggap
akong donation mula sa isang viewer na taga-Koronadal, at para sana sa mga
kaibigan ko sa Baseco Compound (Tondo), pero pinagamit ko na muna sa kanila
para pambili ng dagdag na trapal para sa “kusina” nila dahil magtatag-ulan na.
Sa kuwentuhan namin, nalaman kong naigagapang ng mag-asawa
ang pag-aaral ng kanilang mga anak sa pagtinda ng turon at puto sa loob ng mahigit
sampung taon mula nang dumating sila mula sa Iloilo. Dahil sa hindi mabawasan
at nadadagdagan pang obligasyon, hindi sila nagkaroon ng pagkakataong
makapagpundar ng tirahan o nakakapamasyal man lang.
Ang puwesto nila ay inamin nilang “iskwat” lamang at alam
nilang ano mang oras ay mapapaalis sila kaya ang mga materyales na ginamit nila
ay pang-temporary lamang upang madaling baklasin. Bumilib ako sa kanila dahil
may dangal sila kahit nang-iiskwat lamang upang kumita, hindi tulad ng ibang
iskwater na kailangan pang pakiusapan upang umalis sa iniskwatang lupa…at
hihingi pa ng pera!
Dalawang anak nila ang may trabaho na, subalit ang dalawang
nakakabata ay nag-aaral pa. Tabi-tabi sila sa pagtulog sa isang papag na ang
dingding ay pinagtagpi-tagping yero at trapal. Ang lutuan nilang kawa ay
nakapatong sa isang lutuan na ginagatungan ng mga hininging basurang papel sa
isang opisina. Kung minsan ay nakakabili si Vanni ng ilang sakong bao ng niyog
(coconut shell) sa palengke.
Si Lorna ay hindi puwedeng magluto dahil operado ang kanyang
mga mata kaya hanggang sa pagtinda na lamang siya. Si Vanni ang namimili ng mga
iluluto, madaling araw pa lang. Inamin ng mag-asawa na kahit mahigit sampung
taon na sila sa lunsod ay hindi sila gaanong nakakapamasyal dahil ang buong
panahon nila ay ginugugol sa pagtitinda. Ayon kay Vanni, napakalaking kawalan
nila kapag hindi sila nakapagtinda sa loob ng isang araw.
Kahit hirap sila sa buhay, pinipilit ng mag-asawang mapagtapos
ang dalawa pa nilang anak ng senior high school man lang dahil edukasyon lamang
daw ang kaya nilang maipamana sa kanilang mga anak.
Discussion