0

Walang Perpektong Pamahalaan, Subali't....

Posted on Friday, 21 July 2017

Walang Perpektong Pamahalaan, Subali’t…..
Ni Apolinario Villalobos

Saan mang panig ng mundo ay walang matatagpuang perpektong pamahalaan. Kahit ang mga kinabibilibang bansa ngayon tulad ng Japan at Singapore ay may mga tiwali o corrupt  rin na mga opisyal sa kani-kanilang gobyerno. Hindi lang sila napapansin dahil napakaliit ng mga nagagawa nila kung ihambing sa mga bansa kung saan ay talamak ang korapsyon. Sa Singapore ay wala pang nagpatiwakal na opisyal dahil inimbestigahan tungkol sa katiwalian. Subalit sa Japan ay meron nang ilan.

Sa puntong ito, kahit ang sinasabing pusod ng Kristiyanismo, ang Vatican at ang malawak nitong nasasakupan sa buong mundo ay tadtad din ng korapsyon at mismong ang bagong santo Papa na si Francis ay dismayado dahil dito. Paulit-ulit siyang nanawagan sa mga kasama niyang “pastol” na magbago, subalit tulad ni Duterte, kahit nagkandapaos na siya sa kanyang paulit-ulit na panawagan ay wala halos nakinig. Malayo kasi ang Vatican at walang ultra-powerful CCTV camera na aabot sa mga parishes sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan ay may mga tiwaling kura paruko.

Sa Pilipinas, ang itinuturing na pundasyon ng pamahalaang nasyonal, ang Barangay ay hindi na rin maaasahan dahil karamihan sa kanila ay kinokontrol ng mga mayor na korap. At, dahil sa pangyayaring yan, walang nangyari sa pinangarap na sana ang mga matitinong opisyal ng pamahalaan ay matuto ng lahat nang dapat malaman ng mga susunod na ibobotong opisyal. Pati ang mga Kabataang Barangay ay nadamay dahil saksi sila sa mga ginagawang katiwalaan, kaya marami sa kanila ang natuto na ring “magpalusot”.

Inaasahan ang pangungurakot saan mang gobyerno. Ang pinakaswabeng katumbas ng “kurakot” ay “gift” at ang medyo mabigat ay “komisyon”. Kung magpakasimple lang sana ang mga opisyal ng gobyerno pagdating sa “komisyon” na ang standard ay 10%, wala sanang problema. Subalit marami ang hindi kuntento dahil ang gusto ay 40% at ang iba pa nga ay 70%! Ang ibang buwayang opisyal ay humihingi pa ng buong floor ng condo building na ang kapalit ay pirma niya upang maaprubahan ang pagpapagawa ng project. Ang iba namang garapal ay humihingi ng puwesto sa kumpanyang bubuksan sa lunsod na nasasakupan nila.

Ang nangyayari sa gobyerno ng Pilipinas ay isa na yata sa pinakagarapal na kurakutan sa buong mundo. Hantaran ang garapalan at kung umasta ang mga kurakot, animo ay sarili nila ang kaban ng yaman ng Pilipinas! Sa Pilipinas lang makakakita ng talamak na ghost projects!

WALANG PERPEKTONG PAMAHALAAN, SUBALI’T HINDI ITO DAPAT GAMITING DAHILAN NG MGA OPISYAL O EMPLEYADO NG GOBYERNO UPANG GAYAHIN ANG GINAGAWA NG MGA KASAMA NILANG HANTARAN KUNG MANGURAKOT DAHIL SA KAPAL NG APOG SA MUKHA!


Discussion

Leave a response