Ang Utang
Posted on Tuesday, 18 July 2017
Ang Utang
Ni Apolinario Villalobos
Tatlong uri ang utang – ang may collateral, ang walang
collateral, at ang utang na loob. Ang
may collateral ay talagang negosyo dahil may pirmahang nangyayari, subalit ang
walang collateral ay maituturing na banal dahil nakasandal lang sa tiwala sa
pagitan ng magkakaibigan. Ang pagkakaroon naman ng utang na loob ay nangyayari
sa panahon ng pangangailangan ng inaabutan o nag-aabot.
Ang collateral ng SSS o GSIS loan ay ang naipong
contribution ng umuutang na miyembro. Sa mga malakihang utang na ang pinapataw
na interes ay kapareho na halos ng Bombay style na 5/6, and kalimitang
collateral ay bahay at lupa o upa, o di kay ay kotse at alahas na mamahalin. Sa
ganitong uri ng utangan, kadalasang panalo ay ang nagpautang makapag-remata man
o hindi dahil sa laki ng interes. Marami pang ibang utang na tulad ng
nabanggit.
Sa mga walang collateral na utangan sa pagitan ng
magkakaibigan, ang batayan ay ang magandang samahan, at ang iba ay “pay when
able” pa. Masaya ang ganitong uri ng utangan dahil sa nangyayaring “taguan”
kapag nakahalata ang nagpautang na ang kaibigang umutang ay walang intensiyong
magbayad. Ibig sabihin, inabuso ng umutang ang magandang samahan. May umuutang
pa na nanunumbat kapag siningil na kung ang nagpautang naman ang nangailangan.
Sasabihin ng balasubas na kaibigan sa kawawang inutangan na, “ang yaman-yaman
mo na nga naniningil ka pa”. Ugaling hudas ang ganitong uri ng kaibigan na sana
ay tamaan ng kidlat!
Ang “utang na loob” ang pinakamatinding uri ng utang at
maraming bansa ang nasira dahil diyan. Sa panahon ng kampanyahan para sa
eleksiyon, namimigay ng pera ang mga tusong kandidato. Ang makakatatanggap ay
automatic na nagkaroon ng utang na loob kapag tinanggap niya ang pera na sa
katotohanan ay halaga ng boto niya. Kapag nanalo ang namili ng boto, ang mga
taong naging biktima niya ay nagkaroon ng utang na loob. Wala na silang magawa
kapag nangurakot ang nanalong kandidato sa kaban ng bayan upang mabawi ang
nagastos na pinambili ng mga boto!....ganyan sa Pilipinas!...kaya hindi
nakapagtataka kung bakit lugmok na lugmok ang mga Pilipino sa mahirap
i-describe na pagdurusa. Marami pang ibang uri ng utang na loob na kung
ililista lahat ay aabutin ng maraming pages.
Ang pinakamadaling bayaran na utang ay ang utang
sa Panginoon dahil sa pagbigay Niya sa atin ng buhay. ANG MGA SIMPLENG
KABAYARAN LANG SANA AY: MAGPAKABAIT TAYO, MAKISAMA NG MAAYOS SA ATING KAPWA,
HUWAG MANLAMANG....AT HIGIT SA LAHAT MAGMAHAL AT MAGRESPETO SA KANYA. BAGO TAYO
MAMATAY MAGBAYAD TAYO NG MGA UTANG LALO NA SA ATING PANGINOON!
Discussion