Mga Batang May Pangarap...tulad ko rin noon
Posted on Thursday, 15 March 2018
Mga Batang May Pangarap
…tulad ko rin noon
Ni Apolinario Villalobos
Isang tanghaling katatapos ko lang kumain sa pastilan ni Luz,
ay biglang may nagdatingang mga grupo ng kabataan….mga pupils ng Tacurong Pilot
Elementary School. Ang pastilan ay malapit lang sa eskwelahan at sa labas ng
plaza. Noon ko lang napansing alas dose na pala ng tanghali. Sabi ni Luz, sa
kanya kumakain ang mga bata kapag “bitin” ang pera nila kaya nagkakasya na
lamang sa isang balot na pastil na halagang Php10 at yong okey lang sa kaning
tutong, ito ay libre na, pati ang sabaw. Kaya pala kung minsan ay wala akong
naaabutang tutong. Akala ko ay inuubos ni Luz na mahilig din sa tutong. Ang
ilan sa mga bata ay nakita ko na sa palengke na nagtatrabaho bilang tagatapon
ng basura ng mga tinder at “errand boys”. Umamin ang karamihan sa mga batang
wala silang pambili ng pastil at sumama lang sa mga kaibigan nila upang
mamasyal sa plaza kaya ginawan na lang ng paraan upang lahat sila ay makakain
ng pastil.
Maliban sa dalawa na Grade 5 pa lang, ang iba ay Grade 6 na
kaya tinanong ko sila kung gusto pa rin nilang mag-aral sa Tacurong…sa National
High School. Tatlo ang nagsabing sa Griῆo
National High School, sa barangay Griῆo
para hindi na daw gagastos sa pamasahe….taga-roon kasi sila. Nang tanungin ko kung gaano kalayo ang bahay
nila mula sa school, binanggit nila ang estimated distance mula sa kinalalagyan
namin hanggang sa isang maliit na mall…na ang tantiya ko ay isang kilometro ang
layo! Ganoon kalayo ang lalakarin nila mula sa bahay nila hanggang sa eskwela
sa umaga at pauwi sa tanghali para mananghalian at babalik para sa klase sa
hapon, at pauwi na pagkatapos ng klase….total na lalakarin sa isang araw ay 4
na kilometro!
Yong isa ay kukunin ng tatay na nasa Cebu…hindi na ako
nagtanong kung bakit nandoon ang tatay at baka may makabagbag-damdaming
madiskubre lang ako tungkol sa pagkatao niya. Yong iba ay sa Tacurong National
High School na lang daw dahil may mga “suki” sila sa palengkeng
“pinagtatrabahuhan”…pagtatapon ng basura at bilang “errand boys” kaya maski
papaano ay may kikitain sila.
Lahat sila ay may mga pangarap na “maging” pagdating ng
panahon. Apat ang nagsabing gustong maging pulis, dalawa ang gustong maging
“army”, ang iba ay gustong maging titser
at ang isa ay gustong maging engineer. Ang
isang nahiyang kumain ay binigyan ko na lang ng pera para may pambili siya ng
kanit banana cue kapag nagutom dahil may mga nagtitinda naman sa labas ng gate
ng school nila. Pero binulungan niya ako ng, “babaunin ko ito bukas, uncle…”.
Bilib ako sa kanila dahil lahat sila ay malinis ang
pinagkainan…wala ni isang mumo (wasted rice) na naiwan sa dahon ng saging na
pinagbalutan ng pastil at pinggan. Wala
ring natirang sabaw sa mangkok. Ang mga pinakita nila ay palatandaan na
karapat-dapat silang tulungan.
Nakita ko sa mga batang nakausap ko ang buhay ko noong nasa
elementary ako na nag-aaral din sa “Pilot” na ang dating pangalan ay “Tacurong
Elementary School”. Hindi kalayuan sa kinaroroonan naming carinderia ni Luz ay
ang bakery na pag-aari ng mga Garcia at sa tambakan nila ay namumulot ako ng
mga pakikinabangan pa, lalo na mga malalaking plastic na supot na ginagamit
kong “bag” para sa mga gamit ko sa eskwela at ang mga mas malalaki pa ay
pinagtatagpi-tagpi ko upang maging rain coat. Ilang dipa lang din mula sa
carinderia ay ang kapitbahay naming may puno ng sampalok na ang mga lagas o mga
nahulog na hinog ay pinupulot ko upang ibenta sa eskwela para may pambili ako
ng papel man lang. Meron din silang puno ng balimbing na ang mga manibalang na bunga
ay hinihingi ko para ibenta sa palengke pati ang mga hinog na bunga ng kaimito
(star apple) namin, tuwing Sabado at Linggo. Nagtinda din ako noon ng pandesal
sa madaling araw.
Tulad ng mga bata ay nangarap din ako noon…libre lang naman
kasi!
Discussion