0

ANG KAGITINGAN NG MGA SUNDALONG PILIPINO SA SULTAN KUDARAT AT MAGUINDANAO

Posted on Thursday, 11 June 2020


ANG KAGITINGAN  NG MGA SUNDALO NOONG DEKADA 70 ,  ANG 1ST MECHANIZED INFANTRY (MAAASAHAN) BRIGADE SA SULTAN KUDARAT AT MAGUINDANAO, AT SI PRESIDENTE RODRIGO DUTERTE
Ni Apolinario Villalaobos

Ang mga una kong naging kaibigang sundalo ay kabilang sa 12IB na naitalaga noong dekada 70, sa bayan ng Esperanza , Sultan Kudarat…. kainitan ng bakbakan sa pagitan ng “Black Shirts” at “Ilaga”.  Nasa kolehiyo ako pero nagtatrabaho na rin sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Naigawa ko pa ang mga kaibigan ko ng marching song na, “Ballad of the 12IB”. Noon ko unang naunawaan ang hirap na dinadanas nila para tumupad sa tungkulin na ang kapalit ay maliit na suweldo nang panahong yon.  At, yan ay sa kabila pa rin ng nararamdaman nilang pangamba araw-araw.

Kasama naming mga taga-DSWD ang ilan sa kanila bilang escort tuwing mamudmod kami ng relief goods sa mga evacuation center ng mga Kristiyano at Muslim. Nakita ko sila kung paanong makipagbiruan sa mga anak ng mga Muslim evacuees. Isang beses ay nakita ko ang isa sa kanilang nagbigay ng biscuit sa anak ng isang buntis na Muslim evacuee. Ang nabanggit na tanawing hindi ko makalimutan ang nag-udyok sa akin upang magsulat tungkol sa mga kagitingan ng mga sundalo noong nasa Manila na ako at nagtatrabaho  sa Philippine Airlines. Nalulungkot lang ako noon tuwing mabalitaan ko sa mga dating kasama sa DSWD ang pagkamatay sa bakbakan ng mga kaibigan naming mga batang-batang  sundalo.

Naulit ang pakikipagkaibigan ko sa mga sundalo noong 2018, nang makilala ko ang mga nakatalaga sa 1st Mechanized (Maaasahan) Brigade sa Camp Bienvenido M. Leono, Kalandagan, Tacurong City na noon ay nasa pamumuno ni BGen. Bob Dauz nang magdaos sila ng isang mahalagang okasyon. Nasundan  ito ng isang proyekto na isinagawa ng mga empleyado ng  Fitmart Mall – ang pagtanim ng mga puno sa paligid ng kampo.  Nakikiisa rin ang mga kasundaluhan ng nasabing kampo sa LGU ng Tacurong tuwing maglinis ng mga kanal sa paligid ng lunsod.  Maganda ang naging epekto ng mga ginawa ng mga sundalo ng 1st Mechanized Brigade dahil  mula noon, nawala ang kaba ng mga taga-Tacurong  kahit may makitang armored car o military truck na puno ng mga sundalo na dumadaan sa lunsod. Ang nasabing brigada ay nasa Camp Bienvenido B. Leono, Jr. mula pa noong March 1, 2017.  Malaking tulong ang nagawa ni Bogz Jamorabon, hepe ng CDRRM-Tacurong City upang magamit ng brigada ang lupaing pinagkaloob ng dating mayor ng lunsod na si Lina Montilla.

Mapalad ako dahill nakilala ko si Maj. Rolando M. Ocharan, Jr.  na itinalaga bilang CMO Officer ng 1st Infrantry (Maaasahan) Brigade na nakitaan ko ng sipag sa pagpapakalat ng mga impormasyon tungkol sa mga ginagawa ng brigada upang lalong maunawaan at masuportahan sila ng mga mamamayan ng mga probinsiya ng Sultan Kudarat at Maguindanao.  Magaling siyang sumulat at malinaw ang mga pagkakaulat ng mensahe kaya madaling maunawaan ng nagbabasa.

Mula sa mga ulat na nilathala ni Maj. Ocharan, Jr. batay sa kautusan ng nakatataas sa kanya, nalaman ko noong si BGen. Bob Dauz ay pinalitan ni BGen. Efren D. Baluyot bilang pinuno ng Camp Leono,  at nagpatuloy sa pagsilbi sa 6 na bayan at isang lunsod ng Sultan Kudarat at 7 bayan ng Maguindanao bilang bahagi ng “Development Support and Security Operations (DSSO) ng brigada.

Sa ngayon, ang 1st Infranty (Maaasahan) Brigade ay inilipat sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao at nasa pamumuno  ni Col. Jesus Rico D. Atencio. Si  BGen. Efren P. Baluyot naman ay itinalaga bilang Assistant Division Commander, Armor (Pambato) Division ng Philippine Army. Samantala, ang 601st Infantry Brigade sa pamumuno ni  BGen. Roy M. Galido ang nasa Camp Leono, Kalandagan, Tacurong City, sa kasalukuyan.



Ang sakrispisyo ng mga sundalo ngayon ay nabigyan ng angkop na pagkilala ni Presidente Rodrigo Duterte na ang isa sa mga unang ginawa ay pagpapalaki ng kanilang sahod. Kung noon ay may mga pangangatiyaw na  lumalabas sa internet na mga larawan ng combat boots na nakanganga at halos punit-punit na uniporme dahil sa kakapusan ng budget kaya hindi agad nakakabili ng supply, ngayon ay  matitikas na ang mga sundalo dahil maagap nang natutugunan ang kanilang pangangailangan.  Ang tiwala at pagkilala sa mga sundalo na ibinigay ng president ng Pilipinas ay sinuklian naman nila ng kasipagan at sigla sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa bayan….SAMANTALA, ANG HANGAD NAMAN NILA MULA SA MGA KABABAYAN AY RESPETO, SUPORTA AT  TIWALA.










Discussion

Leave a response