0

Mga Panahon ng Buhay

Posted on Thursday, 2 March 2017

Mga Panahon ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Hindi lamang kalikasan ang may mga panahon na tulad ng panahon ng tagtuyot o tag-init at panahon ng tag-ulan o tag-baha. Ang buhay man ay may mga panahon na dumadating sa iba’t ibang yugto nito.

Ang mga yugto ng iba’t ibang panahon sa buhay ng tao ay nagbibigay ng kulay o nagsisilbing pagsubok sa kanya habang pinipilit niyang maabot ang kanyang layunin o mapaglabanan ang sakit na dulot ng kabiguan o kawalan ng minamahal sa buhay. Dahil dito, hindi lahat ng panahon ay masaya…. mayroon ding makabagbag-damdamin o nakakapanlumo.

Ang panahon ng kabataan ang pinakamaselang yugto ng buhay ng tao dahil sa panahong ito hinuhubog ang kanyang pagkatao. Malaki ang papel na ginagampanan ng magulang at kapaligiran sa paghubog ng kanya. Kasama na rin dito ang mga guro at paaralan. Dito dapat natututuhan ng kabataan ang mga magagandang kaugalian lalo na ang paggalang sa matatanda. Para sa kanyang ispiritwal na aspeto, malaking bagay ang nagagawa ng pagiging maka-Diyos ng magulang o paaralan.

Mula sa pagiging bata, ang tao ay tutuntong sa yugto ng adolensiya o pagiging tin-edyer kung saan ay may mga pagkakataon na siya ay malilito kung kanino papanig – sa barkada ba na palagi niyang natatakbuhan at nakakaugnayan o magulang na maski nagbigay ng buhay sa kanya ay sa wari niya, hindi niya “mapagkatiwalaan” tungkol sa ilang bagay. Kung matibay ang pundasyon niya bilang bata, hindi siya basta na lang matitinag mula sa mga nakalakhan nang gawi na naaayon sa kabutihan. Subali’t kung naging pabaya ang magulang at mga guro o paaralan na nakalimot nang magturo ng mga magagandang asal, hindi malayong siya ay mahila ng kanyang mga barkada tungo sa daang baluktot.

Ang panahon ng pagiging nasa tamang gulang ay yugto kung saan ay gagawa ng maselang desisyon ang tao kung siya ba ay papasan na ng responsibilidad na maghahanda sa kanya bilang magulang na may sariling tahanan para sa darating na mga supling. Mabigat sa kalooban para sa iba ang basta na lang iwanan ang tahanan kung saan siya ay iniluwal at lumaki sa kalinga ng mga magulang at mga nakakatandang kapatid. Subali’t dahil sa sinusundang pag-inog ng buhay, hindi maaaring siya ay mag-atubili kung siya ay handa na rin lang.  Sa panahong ito maaalala ng isang tao ang hirap na dinanas ng kanyang mga magulang upang siya ay mapalaki ng maayos at hindi salat sa mga pangangailangan.

Ang panahon ng katandaan ay siyang naghahanda sa tao upang magpaalam sa mundo. Ang mga naniniwala sa Diyos na nagpapaalalang hindi madadala sa kabilang buhay ang yaman, pinamimigay nila ito. Ang iba namang hindi maatim na iwanan ang kanilang yaman ay nahihirapang magpaalam sa mundo dahil nadadaig sila ng panghihinayang sa kanilang pinaghirapan.

Ang mga panahong nabanggit ay nakukulayan ng saya o lungkot, depende sa pananaw ng tao. Kung ang tao ay hindi naghahangad ng luho, o masaya na sa kaunting kaginhawahan, lahat ng yugto sa buhay niya ay nakukulayan ng kasiyahan. Subali’t kung kabaligtaran naman ng nabanggit ang kanyang pananaw dahil gusto niyang mas nakakaangat sa iba, ano mang dami ng yaman niya ay hindi makakapagbigay sa kanya ng kasiyahan hanggang sa kanyang kamatayan.


Discussion

Leave a response