0

Dalawang Masikap na Single Moms, Masaya at Kuntento sa Buhay....sina Hilda Ibayne at Tessf Quintance

Posted on Sunday, 12 March 2017

Happy Women’s Month!

Dalawang Masikap na Single Moms, Masaya at Kuntento sa Buhay
…sina Hilda Ibayne at Tess Quintance
Ni Apolinario Villalobos

Maraming single moms ang naninirahan sa Maynila kung saan ay maraming oportunidad kaya nakakaraos sila kahit papaano basta masipag lang, tulad nina Hilda Ibayne at Tess Quintance.

Si HILDA ay nakapuwesto sa isang sulok ng Avenida (Sta. Cruz) at ang pinagkikitaan ay paglilinis ng mga kuko sa kamay at paa, bilang manikurista. Suki niya ang mga “Avenida cruisers”, mga nagtitinda ng aliw (prostitute) na nasa mga puwesto na nila sa kahabaan ng Avenida 7AM pala.  Php50 ang singil niya sa pedicure o manicure at kung “set” o manicure at pedicure ang gagawin ay pwedeng tawaran. Kung walang nagpapalinis ng mga kuko, nagre-repair naman siya ng mga sandal at sapatos, at nagtitinda ng kendi at sigarilyo.

Nang kausapin ko siya isang umaga ay nagre-repair siya ng isang pares na sandal. Taong 2000 pa daw siya “sapatera” halos katitin-edyer pa lang niya at tatay niya ang nagtiyagang magturo sa kanya. Nang makipag-live siya sa isang sapatero din, pinaubaya sa kanila ng kanyang tatay ang puwesto. Subalit pagkatapos siyang maanakan ng tatlo ay iniwan na daw siya ng kinasama niya at umuwi na ito sa Cebu. Sa halip na mapanghinaan ng loob, nag-aral siyang maglinis nang kuko at bumili ng mga gamit. Kalaunan ay nagkaroon na siya ng mga suki. Upang madagdagan ang kinikita sa paglilinis ng mga kuko, nagre-repair pa rin siya ng mga sapatos at sandal, at nagtinda na rin ng sigarilyo at kendi.

Ang mga anak niyang nasa hustong gulang na upang mag-aral ay pumapasok. Ang panganay niya ay 11 na taong gulang, sinundan ng 9 na taong gulang, at ang bunso ay 6 na taong gulang naman. Sa awa daw ng Diyos ay nakakaraos silang mag-iina, yon nga lang, dahil sa K-12 program ng DECS ay nadagdagan ang kanyang pasanin. Ayon kay Hilda, pinipilit niyang umuwi sa barung-barong nila sa Baseco Compound (Tondo) bago kumagat ang dilim upang makapaghanda ng hapunan nila. Kuntento siya sa buhay at walang sinisisi sa kanyang kalagayan. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay makatapos ang kanyang mga anak maski senior high school man lang.

Si TESS naman ay nakapuwesto sa Quiapo, labasan ng shrine o luklukan ng Black Nazarene. Nakausap ko siya nang bumili ako ng underwear na napag-alaman kong sarili pala nilang gawa, subalit nilagyan lang ng etekita ng isang kilalang brand. Dahil kaunti lang nakalatag ay nagtanong ako kung sapat ang kanyang kinikita niya na sinagot naman niya ng okey lang daw. Mga tira daw ang inilatag niya mula sa mga dinileber niya sa mga kostumer na may mga puwesto. Tulad ni Hilda, iniwan din si Tess ng kanyang kinakasamang pulis pagkatapos nilang magkaroon ng 7 anak. Taong 2013 nang iwanan silang mag-iina ng kanyang asawa upang makisama sa ibang babae.

Sa simula ay hindi niya alam ang gagawin nang iwanan sila ng pulis. Mabuti na lang daw ay may nagyaya sa kanyang pumasok sa isang patahian na malapit lang sa kanila. Todong pagtitipid ang ginawa nilang mag-iina kaya pati pag-aaral ng mga anak ay naapektuhan dahil mas binigyan niya ng halaga ang mga gastos para sa pagkain at upa sa tinitirhang kuwarto. Nang maging bihasa o esksperto na sa pagtabas at pagtahi ay naglakas-loob siyang umutang upang may maipambili ng makina. Tumulong sa kanya ang apat niyang nakakatandang mga anak sa pagtahi ng mga simpleng damit pambata at kalaunan pati mga underwear ay sinubukan na rin nilang gawin. Ang mga nakakabatang anak naman ay nagpatuloy sa pag-aral.  

Ang panganay niyang anak na tumutulong din sa pagtabas ay nagtitinda na rin ng mga alahas na pilak na sinasabay ang pagbenta tuwing mag-deliver siya ng mga ino-order na mga underwear. Nakakapag-deliver daw sila sa Baclaran, Pasig, Bulacan at Caloocan. Pabulong niyang sinabi na ngayong maysakit daw ang dati niyang asawa ay lumalapit ito sa kanya upang humingi ng pambili ng gamot, at binibigyan daw naman niya. Nang tanungin ko kung saan siya humugot ng lakas upang makaraos silang mag-iina, itinuro niya ang simbahan ng Quiapo. Nakatira silang mag-iina sa Taguig (Rizal).


Sina Hilda at Tess ay mga halimbawa ng tunay na pagsisikap ng tao…nagtitiyaga at hindi umasa kahit kanino, at ang bukod-tanging hiningi sa Diyos ay madagdagan pa ang lakas ng kalooban at katawan…hindi pera. Wala rin silang kinimkim na galit sa dati nilang asawa. Kabaligtaran sila ng ibang babae na kahit nakahiga na sa salapi ay hindi pa rin kuntento sa buhay, kaya upang lumago pa ang kanilang yaman ay nagnanakaw sa kaban ng bayan o nanloloko ng kapwa. May isa ngang babae na bukod sa nang-agaw ng asawa ay nagkanlong (protect) pa ng mga drug lord kaya sagana siya sa sustento hanggang sa maikulong. Yong iba pa ay hindi alam ang gagawin sa sobra-sobrang pera kaya kung anu-ano ang mga pinaggagawa sa katawan upang mabago ang ginawa ng Diyos, kinarma naman kaya ang iba ay tumabingi ang ilong, nagkaroon ng nana (pus) ang suso at puwet dahil sa inilagay na silicone, o nagkaroon pa ng kanser!



Discussion

Leave a response