Ang Panahon ng Graduation sa Pilipinas...at pagkalipas nito
Posted on Monday, 13 March 2017
Ang Panahon ng Graduation
Sa Pilipinas…at pagkalipas nito
Ni Apolinario Villalobos
Ilang buwan na lamang ay magkakaroon na
naman ng mga sunud-sunod na graduation – grade school at kolehiyo…ang 4-year
high school ay inabot ng kamalasan dahil sa K-12 program. Sa panahong ito,
parang sirang plaka na naman ang DECS at CHED sa pagpapaalala sa mga eskwelahan
na iwasan ang magastos na graduation. Kasama sa paalala ang pagdaos na lang ng
seremonyas sa kanilang sariling auditorium o gym, at kung maiiwasan ang pagpapasuot
ng toga ay mas maganda.
Subalit, tulad ng inaasahan, walang
nasusunod sa mga paalala, at upang hindi mapahiya ang dalawang ahensiya,
sasabihin uli nila ng kung ilang libong beses na, na wala silang “police power”
upang magparusa sa mga hindi susunod. Ganyan katindi ang palpak na sistema ng
edukasyon sa Pilipinas! Ang nagpatindi pa sa kapalpakang ito ay ang ugali ng
mga mayayabang na magulang na kahit walang pera ay pilit mangungutang
upang maibili ang mga anak ng bagong
sapatos at damit. Pagkatapos ng seremonyas sa Philippine International
Convention Center (PICC) o mamahaling hotel at halos walang katapusang kodakan,
lalagapak sila sa katotohanang wala pala silang hapunan pag-uwi ng bahay!
Pagkatapos ng graduation, masuwerte ang mga
dati nang may trabaho bilang crew ng mga fastfood chains dahil sigurado na
silang may kikitain habang naghihintay ng mas magandang pagkakataon. Ang mga
mapoporma naman na kinunsinte ng mga magulang sa pag-akalang mayaman sila, ay
naghihintay ng managerial position dahil “management course” kuno ang tinapos
nila at sa prestigious pang university kuno!...aba’y kung di ba naman mga
gunggong… akala nila dahil may diploma ng “management course” na sila ay ganoon
kadaling makakuha ng trabaho!
Yong ibang matatalino kuno dahil sa
matataas na gradong nakuha, tamimi naman pala o mahiyain kaya halos
magkanda-ihi pagharap sa mag-iinterbyu. Yong ibang sobrang bilib sa sarili kaya
walang pakialam sa trapik na susuungin sa paghanap ng maaaplayang trabaho,
gigising ng eksakto 7AM para sa interview na 8AM…marami akong kilalang ganyan
ang ugali, kaya halos dalawang taon na ay wala pa ring trabaho…dahil hindi lang
mayabang kundi tanga pa! Sa libu-libong applicants na dumadagsa sa mga job
sites, hindi ulol ang mga interviewer upang hintayin ang mga tangang walang
pakialam sa oras.
Yan ang masaklap na katotohan tuwing
panahon ng graduation at pagkalipas nito….paulit-ulit dahil walang gustong
matuto ng leksiyon, kaya hindi dapat isisi sa gobyerno lang ang paghihirap ng
ibang Pilipino kundi pati na rin sa kanila dahil sa kanilang kayabangan at katangahan.
Discussion