0

Si Rex at ang Kanyang Pamilya

Posted on Monday, 13 March 2017

Si Rex at ang Kanyang Pamilya
ni Apolinario Villalobos

Nagkurus ang landas namin ni Rex (ayaw niyang ipabanggit ang apelyido niya) sa 7-11 store, tapat ng Robinson’s-Imus. Nagkakape ako noon habang hinihintay ko ang pagbukas ng mall kung saan naroon ang store ng computers na may magaling na technician na naging suki ko na, si Allen. Nang umagang yon, ang suot na pantalon at polo shirt ni Rex ay halatang hindi na-plantsa pero hindi naman gusot talaga, at ang sapatos na suot ay mumurahing rubberized na itim pero naka- medyas naman siya.

Napansin kong nakatingin siya sa kape ko kaya inalok ko siya, at nang tumanggi ay tumayo  pa rin ako upang ibili siya. Sa halip na inumin agad ang kape, medyo nahihiya pang nagtanong kung pwede daw akong magpasa sa kanya ng load dahil iti-text daw niya ang supervisor ng inaaplayan niyang grocery, bilang merchandiser. Papasahan ko na sana pero nalaman kong Globe ang gamit niya at ako naman ay Smart kaya hindi puwede. Binigyan ko na lang siya ng sampung pisong pang-load. Bago umalis upang magpa-load ay saka pa lang siya nagpakilala at iniwan din ang belt bag.

Nang makabalik pagkatapos magpa-load ay nag-text agad sa supervisor ng inaaplayan niya para i-confirm na darating siya.  Ipinagtapat niya na naglakad lang daw siya mula sa kubo nila sa isang bukid na malapit sa isang kilalang subdivision. Wala daw talaga siyang pera dahil ang kinita niya sa pagbenta ng ilang taling kangkong at talbos ng kamote sa palengke ng Imus, madaling araw pa lang ay ibinili niya ng dalawang kilong bigas at apat na pirasong tuyo para may makain ang dalawa niyang kapatid bago pumasok sa eskwela….siya ay hindi na nag-almusal para may matirang kanin at ulam sa nanay niyang maysakit. Ang natirang barya ay ibinigay niya sa kanyang nanay para maipon at maipambili ng gamot. Bago daw umalis ay naglaga na rin siya ng talbos ng kamote para pandagdag sa inihaw na tuyo – almusal ng kanyang nanay. Sa nabili niyang apat na tuyo, bale tig-isa sila at ang share niya ay kakainin niya sa tanghalian.

Ang pambayad sana sa pagpa-repair ng laptop ko ay ibinigay ko na lang sa kanya at sinabihan ko siyang kapag natanggap sa trabaho ay ipagpatuloy niya ang ginagawa niyang pag-alaga sa mga kapatid at maysakit na nanay. Sa patuloy na pagkuwento niya, maliit pa lang daw sila ay iniwan na sila ng tatay nila, kaya kung saan-saan daw sila tumira, pati sa bangketa ng Baclaran hanggang makarating sila sa Imus kung saan ay  nakakita sila ng matalahib na bukid. Nagpaalam daw sila sa may-ari ng lupa bago naglinis ng lalagyan nila ng tulugan – actually, tarpaulin na nagsilbing bubong. Mga karton na palagi nilang dala ang higaan nila.

Nakaipon ng mga kahoy ang dalawa niyang kapatid na namumulot ng junks kung walang pasok kaya unti-unti nilang nabuo ang kubo. Noon ay tumambay daw siya sa Imus market upang magkargador at magtawag ng pasahero sa termina ng jeep. Pinayagan silang magtanim ng gulay sa paligid at ang tubig na pandilig ay galing sa poso (deep well pump) ng may-ari ng lupa. Nang magkaroon ng pagkakataon ay nag-aral siya ng Refrigetation sa TESDA. Ang TESDA certificate ang ginamit niya bilang patunay ng tinamong educational attainment sa pag-apply ng trabaho bilang merchandiser. Kahit matanggap bilang merchandiser, magtitinda pa rin daw siya ng kangkong at talbos ng kamote sa madaling araw. Kung palarin, baka madadagdagan ang paninda niya ng kalabasa dahil ilang buwan na lang ay malalaki na ang bunga. Nag-usap na daw sila ng mga kapatid niya kung paano silang makatulong sa pag-ani ng mga talbos tuwing hapon na ibebenta naman niya sa madaling araw. Ang dalawa niyang kapatid ay sa isang public school na nasa tabi ng LTO-Imus, nag-aaral…naglalakad sila sa pagpasok at pag-uwi. Si Rex ay 23 years old, sinundan siya ng 9 na taong gulang na kapatid na lalaki at ang bunsong babae ay 7 years old naman…ang nanay naman nila ay 52 years old. Nangako akong papasyalan ko sila dahil alam ko naman ang binanggit niyang bukid.


Kung ang KARAMIHAN MAN LANG SANA ng mga kabataang Pilipino ay tulad nina Rex at mga kapatid niya, SANA AY WALANG GAANONG PROBLEMA ang ating bansa….

Discussion

Leave a response