ANG KAGITINGAN NG MGA
SUNDALO NOONG DEKADA 70 , ANG 1ST
MECHANIZED INFANTRY (MAAASAHAN) BRIGADE SA SULTAN KUDARAT AT MAGUINDANAO, AT SI
PRESIDENTE RODRIGO DUTERTE
Ni Apolinario Villalaobos
Ang mga una kong naging kaibigang sundalo ay kabilang sa
12IB na naitalaga noong dekada 70, sa bayan ng Esperanza , Sultan Kudarat…. kainitan
ng bakbakan sa pagitan ng “Black Shirts” at “Ilaga”. Nasa kolehiyo ako pero nagtatrabaho na rin sa
Department of Social Welfare and Development (DSWD). Naigawa ko pa ang mga
kaibigan ko ng marching song na, “Ballad of the 12IB”. Noon ko unang naunawaan
ang hirap na dinadanas nila para tumupad sa tungkulin na ang kapalit ay maliit
na suweldo nang panahong yon. At, yan ay
sa kabila pa rin ng nararamdaman nilang pangamba araw-araw.
Kasama naming mga taga-DSWD ang ilan sa kanila bilang escort
tuwing mamudmod kami ng relief goods sa mga evacuation center ng mga Kristiyano
at Muslim. Nakita ko sila kung paanong makipagbiruan sa mga anak ng mga Muslim
evacuees. Isang beses ay nakita ko ang isa sa kanilang nagbigay ng biscuit sa
anak ng isang buntis na Muslim evacuee. Ang nabanggit na tanawing hindi ko
makalimutan ang nag-udyok sa akin upang magsulat tungkol sa mga kagitingan ng
mga sundalo noong nasa Manila na ako at nagtatrabaho sa Philippine Airlines. Nalulungkot lang ako
noon tuwing mabalitaan ko sa mga dating kasama sa DSWD ang pagkamatay sa
bakbakan ng mga kaibigan naming mga batang-batang sundalo.
Naulit ang pakikipagkaibigan ko sa mga sundalo noong 2018,
nang makilala ko ang mga nakatalaga sa 1st Mechanized (Maaasahan)
Brigade sa Camp Bienvenido M. Leono, Kalandagan, Tacurong City na noon ay nasa
pamumuno ni BGen. Bob Dauz nang magdaos sila ng isang mahalagang okasyon.
Nasundan ito ng isang proyekto na
isinagawa ng mga empleyado ng Fitmart
Mall – ang pagtanim ng mga puno sa paligid ng kampo. Nakikiisa rin ang mga kasundaluhan ng
nasabing kampo sa LGU ng Tacurong tuwing maglinis ng mga kanal sa paligid ng
lunsod. Maganda ang naging epekto ng mga
ginawa ng mga sundalo ng 1st Mechanized Brigade dahil mula noon, nawala ang kaba ng mga
taga-Tacurong kahit may makitang armored
car o military truck na puno ng mga sundalo na dumadaan sa lunsod. Ang nasabing
brigada ay nasa Camp Bienvenido B. Leono, Jr. mula pa noong March 1, 2017. Malaking tulong ang nagawa ni Bogz Jamorabon,
hepe ng CDRRM-Tacurong City upang magamit ng brigada ang lupaing pinagkaloob ng
dating mayor ng lunsod na si Lina Montilla.
Mapalad ako dahill nakilala ko si Maj. Rolando M. Ocharan,
Jr. na itinalaga bilang CMO Officer ng 1st
Infrantry (Maaasahan) Brigade na nakitaan ko ng sipag sa pagpapakalat ng mga
impormasyon tungkol sa mga ginagawa ng brigada upang lalong maunawaan at
masuportahan sila ng mga mamamayan ng mga probinsiya ng Sultan Kudarat at
Maguindanao. Magaling siyang sumulat at
malinaw ang mga pagkakaulat ng mensahe kaya madaling maunawaan ng nagbabasa.
Mula sa mga ulat na nilathala ni Maj. Ocharan, Jr. batay sa
kautusan ng nakatataas sa kanya, nalaman ko noong si BGen. Bob Dauz ay pinalitan
ni BGen. Efren D. Baluyot bilang pinuno ng Camp Leono, at nagpatuloy sa pagsilbi sa 6 na bayan at
isang lunsod ng Sultan Kudarat at 7 bayan ng Maguindanao bilang bahagi ng
“Development Support and Security Operations (DSSO) ng brigada.
Sa ngayon, ang 1st Infranty (Maaasahan)
Brigade ay inilipat sa Barangay Kamasi, Ampatuan, Maguindanao at nasa
pamumuno ni Col. Jesus Rico D. Atencio.
Si BGen. Efren P. Baluyot naman ay
itinalaga bilang Assistant Division Commander, Armor (Pambato) Division ng
Philippine Army. Samantala, ang 601st Infantry Brigade sa pamumuno
ni BGen. Roy M. Galido ang nasa Camp
Leono, Kalandagan, Tacurong City, sa kasalukuyan.
Ang sakrispisyo ng mga sundalo ngayon ay nabigyan ng
angkop na pagkilala ni Presidente Rodrigo Duterte na ang isa sa mga unang
ginawa ay pagpapalaki ng kanilang sahod. Kung noon ay may mga pangangatiyaw na lumalabas sa internet na mga larawan ng combat
boots na nakanganga at halos punit-punit na uniporme dahil sa kakapusan ng
budget kaya hindi agad nakakabili ng supply, ngayon ay matitikas na ang mga sundalo dahil maagap nang
natutugunan ang kanilang pangangailangan. Ang tiwala at pagkilala sa mga sundalo na
ibinigay ng president ng Pilipinas ay sinuklian naman nila ng kasipagan at
sigla sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa bayan….SAMANTALA, ANG HANGAD NAMAN
NILA MULA SA MGA KABABAYAN AY RESPETO, SUPORTA AT TIWALA.