Showing posts with label Philippine Martial Law. Show all posts

0

Kung Hindi Nagmatigas si Marcos...Komunista na ang Pilipinas

Posted on Thursday, 23 June 2016

Kung Hindi Nagmatigas si Marcos
…Komunista na ang Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Hindi nawawala ang anumang banta sa kahit anong bansa. Nariyan ang banta sa ekonomiya na maaring sinasabotahe ng malalaki at gahamang kaalyado daw o katuwang at kaibigang bansa. Nariyan ang banta sa seguridad dahil sa pagdami ng mga terorista. Nariyan din ang banta sa kinabukasan ng kabataan at katahimikan dahil sa banta ng kriminalidad at droga. Ang pinakamabigat ay ang banta sa ideyolohiya. Kung hindi isasama ang relihiyon, dalawa lang ang lakas ng ideyolohiyang naglalaban – ang komunismo at demokrasya.

Dahil mula’t sapul ang Pilipinas ay kumiling na sa demokrasya na ipinamulat ng Amerika, ang komunismo na namayagpag noong kapanahunan ni Mao Tse Tung ng Tsina ay itinuring na pinakamalaking banta. Ang HUKBALAHAP (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) na naging api-apihan ay nagkaroon ng dahilan upang yumakap sa komunismo kaya nagkaroon ng NPA (New People’s Army), na kalaunan ay nagbigay-buhay sa KMU ng mga kabataan at iba pang “pulahang” grupo. Sila ang nagbigay ng sakit ng ulo kay Ferdinand Marcos kaya napilitan naman kuno itong magdeklara ng Martial Law. Dahil sa mga sinasabing iba’t ibang uri ng pagkontrol o pagsupil sa pagkilos ng mga komunista, kasama na diyan ang mga walang habas na pagmamalupit (torture)  noong panahon ng Martial Law na isa sa mga mapagkunwaring instrumento ng demokrasya, NANALO si Marcos, pero hindi ang demokrasya.

Kung ang mga Pilipino mula pa man noon ay nakikipagtulungan sa pamamagitan ng pagpapairal sa  mga dapat gawin ng isang “disenteng Pilipino”, wala sanang dahilan ang mga komunista o si Marcos na “magligtas” daw sa sambayanang Pilipino mula sa kapariwaraan. Ginawang dahilan ang demokrasya upang makapagdeklara ng Martial Law si Marcos. Ginawa ring dahilan ng mga komunista ang kahirapan ng mga PIlipinong tamad at nagpagamit sa mga tiwaling opisyal upang isulong ang ideyolohiyang galing sa Tsina….hanggang ngayon, na talagang hindi pwede dahil sa pagkasaradong Katoliko ng mga Pilipino.

Bago magsisihan o magturuan kung sino ang may sala sa mga nangyayaring kahirapan ngayon, dapat ay pag-isipan kung anong tulong ang nagawa upang maiwasan SANA ang lalo pang pagyabong ng korapsyon. Kung ayaw kay Marcos, dapat noon pa lang ay kumiling na sa mga komunista upang pantay-pantay lahat ng Pilipino….kung ayaw naman ng komunismo, dapat ay hindi pinatalsik si Marcos na sinisisi ngayon dahil sa kanyang diktadurya. Nang bumalik ang mga Marcos at sumabak pa uli sa pulitika, nagbulag-bulagan ang mga Pilipino, at pilit pinagtakpan ang kahangalang ito sa pagharang sa pagpalibing ng bangkay ng diktador sa “Libingan ng mga Bayani”, para lang masabing buhay pa and demokrasya!...DEMOKRASYA NG MGA KORAP?


Bilang huling hirit sa pagligtas sa sambayanang Pilipino, hindi pa man nakakaupo si Duterte bilang bagong presidente na may mala-bakal na pamamaraan upang matuligsa ang mga tiwali, may mga nagpapapansin na sa pagsabing haharangin nila ang mga gagawin niya sa NGALAN DAW NG KARAPATANG PANGTAO!...PWEEHHH!

0

May Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino pero Hindi Pinansin...

Posted on Thursday, 3 March 2016

May Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino
Pero hindi Pinansin…
Ni Apolinario Villalobos

Noong panahon ni Cory Aquino bilang presidente at si Doy Laurel naman ang Bise-Presidente, may proposal pala ang naghihingalo nang si Marcos na ibabalik niya ang 90% na perang sinasabing kinamkam niya at mag-iiwan na lang ng 10% para sa kanyang pamilya kapalit ng pag-uwi niya sa Pilipinas kung saan niya gustong mamahinga nang tuluyan. Pilit pinarating ito kay Cory sa pamamagitan ni Doy Laurel na kahit minsan ay hindi pinagbigyang makausap hinggil dito. Kung pinagbigyan ni Cory si Marcos, sana ngayon ay hindi nagkaka-problema ang gobyerno sa isyung ito. Sa pagpasubasta nga lang ng mga alahas ni Imelda ay pinoproblema na ng gobyerno kaya ang pag-asa ng mga Pilipinong mabawi ang nakaw na yaman ay parang bula na nawala – nalusaw!....at yan ay dahil sa pulitika na malalim na ang pagkakaugat sa sistema ng gobyerno. Wala ring nangyari sa mga sequestration effort dahil napag-alaman na pinagkitaan lang din daw. Ilang dekada na ang nakaraan at ilang presidente na ang pumalit kay Cory, pero ang balak na pagbawi sa mga ninakaw na yaman ay “balak” pa rin hanggang ngayon.

Bago pa lang si Cory noon ay napansin nang maraming mga kaibigan at kamag-anak ang naitalaga sa iba’t ibang puwesto….kasama na diyan si Binay na tuluyang iniluklok sa Makati bilang mayor. Bukambibig ni Binay ang utang na loob nito sa pamilya ng mga Aquino, kaya ang malaking katanungan ay kung kakasuhan ba niya si Pnoy at mga kaalyado nito kung mananalo siya bilang presidente. Kaya tuloy marami rin ang nagsasabi na dahil halata namang hindi mananalo si Roxas, ang talagang “fallback” daw ni Pnoy ay si Binay. Dapat pansinin na ni minsan ay hindi nagpalitan ng maaanghang na mga salita sina Pnoy at Binay. Ang bumabatikos kay Binay ay “iilan” na kalaban niya lalo na sina Trillanes, Cayetano at Pimentel, maski ang Malakanyang ay tipid sa pahayag laban sa kanya. Ano ang ibig sabihin nito?

Hindi pa man bumababa si Cory noon ay marami na ang nag-speculate na makakabalik din ang mga Marcos sa Pilipinas, subalit, kung namayapa na ang dating diktador. Nasa kultura ng Pilipino ang pagiging mahabagin, maawain, kumikiling sa underdog o inaapi na nangyari sa mga Marcos nang hindi pinayagang umuwi habang buhay pa ang diktador kahit naghihingalo na, at lalo na nang hindi pinayagang ilibing ang mga labi niya sa Libingan ng Mga Bayani.  Nasa kultura din ng Pilipino ang hindi pagtanim ng matinding galit kahit hindi makalimot sa mapait na nakaraan. Karamihan kasi ay mga Kristiyano kaya nagising sa mga turo o aral tulad ng pagpapaubaya at pagpapakasakit. Kung hawak ng grupo ni Cory ang Hukbong Sandatahan noong umupo siya, lalo pa at nasa likod niya sina Enrile at Ramos, bakit siya natakot sa pagbalik ni Marcos sa Pilipinas ganoong ito ay naghihingalo na? Isa pa, bakit hindi ilagay sa pipirmahan ni Marcos na kung magpapasimula siya ng kaguluhan ay ibabalik siya sa Hawaii?

Ang korapsyon sa gobyerno ay patuloy sa pamamayagpag nang umupo si Cory, kaya marami ang nadismaya. Hindi rin napansin ang pagbalik ng mga Marcos sa Pilipinas, at kung may nakapansin man ay nagkibit-balikat na lang. Kung seryoso ang gobyerno ni Cory noon na hindi pabalikin ang pamilya, bakit hindi gumawa ng mabigat na batas para dito? Nagkaroon ng bagong Konstitusyon noong panahon niya, bakit hindi gumawa ng batas na haharang sa “political dynasty”? Ngayong sumabak sa pulitika ang mga miyembro ng pamilya Marcos maliban kay Irene, at si Bongbong ay maraming sinasabi upang linisin ang pangalan nila, ay saka naman nagri-react ang mga mapagkunwaring marurunong daw. Hindi dapat sisihin si Bongbong dahil anak siya ng taong binabatikos kaya umiiral ang likas na damdamin niya bilang anak. Kung noon pa lang sana ay hinarangan na ang mga Marcos bago nakabalik, wala na sanang mga binibitiwang mapagkunwaring mga salita ang mga nasa puwesto pa at ibang aali-aligid na mga hunyangong pulitiko…naghihintay sa bagong mahahalal na presidente na uungguyin na naman nila at hahalikan sa paa at puwet!

Ngayon, sa henerasyon ng mga kabataan na karamihan ay walang kamuwang-muwang sa People Power dahil hindi naman ito itinuturo sa mga eskwelahan, ang mga nagpakitang-gilas noon na magbabangon daw sa nakalugmok na Pilipinas ay nangangako pa rin….at may nagbabanggit pa ng tuwid na daan! Pinipilit ding agawin ng mga gahamang ito ang karangalan sa pagpatalsik sa diktador, mula sa mga nagbuwis ng buhay na mga estudyante, mga madre na humarang sa mga tangkeng pandigma sa EDSA, sa mga nagpakagutom sa lugar pa ring yon ng kung ilang gabi at araw, at sa mga magsasakang nagtiyagang makisakay sa mga trak at naglakad makalahok lang sa pagpapatalsik. Tanggap ko na ang nagsilbing mitsa ng People Power ay kamatayan ni Ninoy Aquino, pero hindi dapat kalimutan na ang langis na nagpaapoy sa mitsa na yan ay ang katapangan, dugo at buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Paano na kung walang sumipot sa panawagan ni Cardinal Sin?... siguradong nilangaw ang EDSA at nakalaboso sina Enrile at Ramos!


Dahil sa kapabayaan ng mga namuno na nagsimula nang mawala si Marcos, nagpatung-patong na ang iba’t ibang uri ng korapsyon. Dahil ang mga dati nang mayaman ay lalo pang yumaman, wala silang problema ano man ang mangyari sa Pilipinas….samantalang ang mga mahihirap ay lalong naghihirap at nakanganga sa harap ng mga ampaw na pangako na naman…ngayong palapit na ang eleksiyon!