Kung Hindi Nagmatigas si Marcos...Komunista na ang Pilipinas
Posted on Thursday, 23 June 2016
Kung Hindi Nagmatigas
si Marcos
…Komunista na ang
Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Hindi nawawala ang anumang banta sa kahit
anong bansa. Nariyan ang banta sa ekonomiya na maaring sinasabotahe ng malalaki
at gahamang kaalyado daw o katuwang at kaibigang bansa. Nariyan ang banta sa
seguridad dahil sa pagdami ng mga terorista. Nariyan din ang banta sa
kinabukasan ng kabataan at katahimikan dahil sa banta ng kriminalidad at droga.
Ang pinakamabigat ay ang banta sa ideyolohiya. Kung hindi isasama ang relihiyon,
dalawa lang ang lakas ng ideyolohiyang naglalaban – ang komunismo at
demokrasya.
Dahil mula’t sapul ang Pilipinas ay
kumiling na sa demokrasya na ipinamulat ng Amerika, ang komunismo na namayagpag
noong kapanahunan ni Mao Tse Tung ng Tsina ay itinuring na pinakamalaking
banta. Ang HUKBALAHAP (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) na naging api-apihan ay
nagkaroon ng dahilan upang yumakap sa komunismo kaya nagkaroon ng NPA (New
People’s Army), na kalaunan ay nagbigay-buhay sa KMU ng mga kabataan at iba
pang “pulahang” grupo. Sila ang nagbigay ng sakit ng ulo kay Ferdinand Marcos
kaya napilitan naman kuno itong magdeklara ng Martial Law. Dahil sa mga
sinasabing iba’t ibang uri ng pagkontrol o pagsupil sa pagkilos ng mga
komunista, kasama na diyan ang mga walang habas na pagmamalupit (torture) noong panahon ng Martial Law na isa sa mga
mapagkunwaring instrumento ng demokrasya, NANALO si Marcos, pero hindi ang
demokrasya.
Kung ang mga Pilipino mula pa man noon ay
nakikipagtulungan sa pamamagitan ng pagpapairal sa mga dapat gawin ng isang “disenteng Pilipino”,
wala sanang dahilan ang mga komunista o si Marcos na “magligtas” daw sa
sambayanang Pilipino mula sa kapariwaraan. Ginawang dahilan ang demokrasya
upang makapagdeklara ng Martial Law si Marcos. Ginawa ring dahilan ng mga
komunista ang kahirapan ng mga PIlipinong tamad at nagpagamit sa mga tiwaling
opisyal upang isulong ang ideyolohiyang galing sa Tsina….hanggang ngayon, na
talagang hindi pwede dahil sa pagkasaradong Katoliko ng mga Pilipino.
Bago magsisihan o magturuan kung sino ang
may sala sa mga nangyayaring kahirapan ngayon, dapat ay pag-isipan kung anong
tulong ang nagawa upang maiwasan SANA ang lalo pang pagyabong ng korapsyon.
Kung ayaw kay Marcos, dapat noon pa lang ay kumiling na sa mga komunista upang
pantay-pantay lahat ng Pilipino….kung ayaw naman ng komunismo, dapat ay hindi
pinatalsik si Marcos na sinisisi ngayon dahil sa kanyang diktadurya. Nang
bumalik ang mga Marcos at sumabak pa uli sa pulitika, nagbulag-bulagan ang mga
Pilipino, at pilit pinagtakpan ang kahangalang ito sa pagharang sa pagpalibing
ng bangkay ng diktador sa “Libingan ng mga Bayani”, para lang masabing buhay pa
and demokrasya!...DEMOKRASYA NG MGA KORAP?
Bilang huling hirit sa pagligtas sa
sambayanang Pilipino, hindi pa man nakakaupo si Duterte bilang bagong
presidente na may mala-bakal na pamamaraan upang matuligsa ang mga tiwali, may
mga nagpapapansin na sa pagsabing haharangin nila ang mga gagawin niya sa
NGALAN DAW NG KARAPATANG PANGTAO!...PWEEHHH!
Discussion