0

Si Mang Ompong...patuloy na pinagkakatiwalaan ng mga taga-PAL

Posted on Friday, 24 June 2016

Si Mang Ompong...patuloy na pinagkakatiwalaan
ng mga taga-PAL
Ni Apolinario Villalobos


Sa pagkakaalala ko, si Mang Ompong (Rodolfo Frondoso) ay dating team leader ng mga janitor ng Stellar na na-assign sa dating Administrative Office Building (AOB) na ngayon ay Data Center na. Maliit siya at malumanay magsalita. Hindi siya gaanong nag-uutos sa mga janitor na nasa pamamahala niya. Hindi rin niya pinupuna kung para sa kanya ay “bitin” ang ginawang paglinis ng ilan sa kanila, dahil siya na lang ang gumagawa uli upang mapaayos ang kanilang trabaho. Kahit janitor siya, napapakiusapan din siyang bumili ng mga empleyado sa canteen at kahit sa labas ng opisina.

Bumilib ako sa kanya nang minsang marami sa mga tauhan niya ang hindi pumasok dahil sa malakas na ulan. Sinalo niya ang lahat ng mga gawain na lalong dumami dahil sa maya’t mayang pag-mop ng sahig sanhi ng ulan. Ni minsan ay hindi ko rin napansing siya ay umabsent.

Nang mapalipat ang Division namin sa Vernida building sa Makati, nabalitaan kong nagkasakit siya at muntik nang mamatay. Inopera naman daw at nakaraos. Subalit ang hindi ko alam ay kanser pala sa lalamunan ang naging sakit niya kaya kasama sa operasyon ay ang pagbutas ng lalamunan upang mapasakan ng instrumento na makakatulong sa kanyang pagsalita.

Nakita ko si mang Ompong uli nang masalubong ko siya sa Airport Road (Baclaran). Nang batiin ko siya, sumagot subalit sinabayan ng paghawak niya sa kanyang lalamunan at noon ko narinig ang boses na parang galing sa robot. Hindi malinaw ang mga sinabi niya subalit nang sumunod pang mga pagkikita namin ay nasanay na ako kaya naiintindihan ko na ang mga sinasabi niya.

Makalipas ang napakaraming taon, nagkita uli kami nang kumuha ako ng alokasyon kong libreng tiket sa PNB Building kung saan naroon ang Administrative Benefits office. Nagkagulatan kami, pero lalo akong nagulat dahil nalaman ko na kahit matagal nang hindi siya janitor ng Stellar na nabuwag na, “konektado” pa rin siya sa maraming empleyado ng PAL na patuloy na nagtitiwala sa kanya bilang “messenger” nila. Wala man siyang buwanang suweldo, ay nakakaraos pa rin siya sa inaabot ng mga nag-uutos sa kanya kaya araw-araw ay nagti-check siya sa kanila kung meron silang iuutos.

Ang napansin ko lang ay hindi na gaanong malinaw ang mga sinasabi niya at lalong humina ang “boses” dahil talagang walang akong maintindihan nang mag-usap kami. Kaya upang makuha ko ang tamang pangalan at kontak niya ay isinulat niya ang mga ito sa kapirasong papel. Nang nagtanung-tanong ako sa iba tungkol sa instrumento sa lalamunan, ang sabi sa akin, kailangan din daw palitan ito pagkalipas ng ilang taon. Ang hinala ko, hindi na napalitan ni mang Ompong ang ginagamit niya dahil sa kakapusan sa pera. Inisip ko na lang din na malamang ay idinadaan na lang sa pagsulat ang lahat ng instructions na binibigay ng mga nag-uutos sa kanya.

Ang pinakamahalagang nalaman at ikinatuwa ko ay ang tiwalang ibinibigay pa rin sa kanya makalipas ang mahigit tatlumpong taon ng mga dati at bago niyang mga kaibigan sa PAL... isang bagay na bihirang mangyari sa isang taong may kapansanan tulad ni mang Ompong. At ang pinakamatinding dapat tularan ay ang pagsisikap ni mang Ompong na kumita sa malinis na paraan sa kabila ng kanyang kapansanan.


Makokontak si Mang Ompong sa cellphone: 09196391930. Huwag lang sana siyang kausapin, at sa halip ay text lang ang gamitin sa pakikipag-ugnayan sa kanya. Ang batiin siya sa pamamagitan ng text ay malaking bagay na para malaman niyang may mga nakakaalala pa pala sa kanya. Kung may ibibigay kayong regalo sa kanya, mas lalong mabuti….


Discussion

Leave a response