Ang Ambisyon ni Macmac..."errand boy" na may kusa (initiative)
Posted on Wednesday, 29 June 2016
Ang Ambisyon ni
Macmac
…”errand boy” na
may kusằ (initiative)
Ni Apolinario Villalobos
Nang pasyalan ko si Marissa, ang lola ni
Asher o “Pango” (blogged: Asher…ang maipag na “errand girl”) sa karinderya nito
sa Sta. Cruz upang kumustahin ang bata ay nalaman kong sa isang eskwelahan sa Cubao
pala ito ipinasok at doon ay kasama niya ang kanyang nanay na nagtitinda din sa
bangketa. Habang nag-uusap kami ni Marissa, napansin ko ang isang batang
nagwawalis sa kabilang puwesto. Sa tantiya ko ay walo hanggang siyam na taong
gulang ito at abala sa kanyang ginagawa. Nang omorder ako ng kape, inihatid ito
ng batang Macmac pala ang pangalan, pinsan
ni Asher na “nagpapautos” din upang kumita ng pambaon sa eskwela.
Nang iabot ko ang isang makapal na
disksiyunaryong pambata kay Marissa para kay Asher ay nakatanghod si Macmac at
dikit na dikit ang paningin sa libro. Pinabibigay ng isang viewer ng blogs ko
ang diksiyunaryo kay Asher. Napansin ito ng ale sa kabilang puwesto na
inaalalayan ni Macmac, na nagsabing mahilig din daw magbasa ang bata at sa
pagguhit. Ang paborito daw nitong aralin ay Mathematics. Dahil sa sobrang
pagkamahiyain hindi kumikibo si Macmac. Subalit pagkatapos niyang magwalis ay
kumuha ito ng isang pad paper na gamit niya sa eskwela at kunwari ay binuklat
ito habang sinisigurong nakikita ko ang mga drawing niya. Magaganda naman kaya
pinuri ko siya. Sunod niyang inilabas ay isang bulsito (coin purse) na kunwari
ay tinitsek niya ang laman pero siniguro ding nakikita ko ang mga lamang
tiniklop na tigbe-beynte pesos…..mga ipon niya. Lalo ko siyang pinuri. Dahil sa
ginawa ko, lumapit na siya sa akin subalit hindi pa rin nagsasalita.
Hindi pa man siya nakakasagot sa mga tanong
ko ay biglang umalis si Macmac upang iligpit ang pinggang kinainan ng isang
kostumer mula sa mesa naman ng kanyang lola na kausap ko. Nang makita ang nakatambak
na hugasing pinggan, baso at kubyertos, ay hinugasan din lahat kahit hindi niya
halos abot ang palanggana. Pagkatapos ay pumunta muna sa kabilang puwesto at
animo ay matandang nakipag-usap sa may-ari. Nang may mapansing dumi na hindi
natanggal sa una niyang pagwalis ay kinuha uli ang walis at dust pan upang
tanggalin ito. Nang makatapos ay saka bumalik sa akin. Noon ko siya tinanong
kung ano ang gusto niyang “maging” paglaki niya. Ang tagal bago sumagot at tila
malalim na nag-isip bago nagsabi ng, “holdaper” sabay ngiti….para marami daw
siyang perang ipamigay sa iba. Ang sabi ko sa kanya, pwede naman siyang kumita
sa malinis na paraan upang makatulong sa iba. Yon pala ay nagbibiro lang siya
dahil may mas matayog pa pala siyang pangarap na ayaw pa niyang sabihin kung
ano.
Habang nag-uusap kami, ay may dumating na matandang
lalaking may gulang na kinakausap ang sarili. Marami akong nakitang ganito…kinakausap
ang sarili kapag nalipasan ng gutom. Nagugutom daw siya. Hindi na nag-atubili
pa ang lola ni Macmac sa pagsandok ng kanin at ulam at ibinigay agad sa lalaki.
Nagtinginan kami ni Macmac. Alam kong natanim sa isip niya ang ginawa ng
kanyang lola. Binulungan ko siya ng tanong na, “tutulong ka rin ba sa iba tulad
ng ginawa ng lola mo?” Bilang sagot, abut-abot ang kanyang pagtango, pero
napansin kong namumula ang kanyang mga mata.
Ang pagkakataon nga naman! Ang pagdating ng
matandang lalaking humingi ng pagkain at binigyan naman agad ng lola ni Macmac
ay nakita ng bata at halata kong may natutunan siya. Ito ang inaasahang dapat
na nangyayari….ang ipakita ng matanda sa bata ang tamang gawain upang magaya
nito. Naipakita rin ng lola kung paanong makuntento sa kung ano lang ang kaya
at ang kahalagahan ng pagtitiyaga, tulad ng pagtulog sa patungan ng mga pagkaing
ginagawa nilang “kama” pagdating ng gabi. Kasama din sa pagtitiyagang yan ang
pagiging kuntento sa dalawang pares na unipormeng pangpasok ni Macmac sa
eskwela na nakaita kong nakasabit. Wika nga, sa katitiyaga, siguradong
makakakita rin ng pag-asa upang umunlad ang buhay, o kahit makaraos man lamang.
At, sa murang gulang ay nakita ko ang katatagan kay Macmac dahil sa mga
napapansin niya….
Discussion