Ang Pagmamahal ni Ian Abraham sa Kanyang Kapatid at Pamilya
Posted on Monday, 20 June 2016
Ang Pagmamahal ni
Ian Abraham
sa Kanyang Kapatid
at Pamilya
Ni Apolinario Villalobos
Talagang naniniwala na akong may dahilan
ang mga pagkakataong dumadating sa ating buhay. Tulad na lang nang maaga kong
pagpunta sa Antipolo upang makaiwas sa trapik ng Maynila kaya umalis ako noon
sa Cavite nang alas tres ng madaling araw pa lang. Subalit dahil dumating ako
sa Antipolo nang bandang alas says (6:30), at ang appointment ko sa kausap ko
ay alas otso pa, naghanap ako ng lugar na iistambayan kung saan ako makakahigop
ng murang kape. Pumasok sa isip ko ang makasaysayang simbahan ng Antipolo na
matagal ko na ring hindi napasyalan at hinala ko ay siguradong mayroong
makakapagkapehan sa paligid nito. Dahil sa kaagahan kong pagdating sa Antipolo
ay may nakilala akong namumukod-tangi ang ugali.
Nagulat ako sa malaking pagbabago na nakita
ko sa paligid ng simbahan dahil mayroon na palang malawak na liwasan sa harap
at napakalinis pa. Pagkabili ko ng kape sa isang vendo machine, naghanap ako ng
mapupuwestuhan at nang may makita akong mesa ay saka naman dumating ang tatlong
lalaki na ang isa ay naka-uniporme ng pang-eskwela. Gagamitin din sana ang
mesang napili ko pero nagdalawang-isip sila dahil siguro nahiya kaya naupo na
lang sa kalapit na circular concrete planter. Medyo nakonsiyensa pa ako dahil
hindi ako nagkusa na mag-share sa kanila ng mesa na pang-apatan naman.
Ang naka-uniporme ay may suot na headphone
kaya naging curious ako. Napansin ko rin na ang pumipindot o nag-aadjust sa
cellphone kung saan nakakonekta ang headphone ay ang isang kasama nito at
parang nagbibigay pa ng instructions. Gumawa ako ng paraan na makilala sila at
noon ko nalaman na ang may headphone ay si Billy Joe, 16 years old at isang
“special child”. Ang kumakausap naman sa kanya ay kanyang kuya na si Ian, 23
years old. Kasama din nila noon ang isang kaibigan.
Estudyante si Billy Joe ng San Isidro SPED
Center ng lunsod, na ayon kay Ian ay pampubliko. Ang cellphone naman ay
pag-aari niya at pinapagamit niya sa kanyang kapatid upang pansamantalang
malibang. Lahat daw ng hiling nito ay kanyang pinagbibigyan kasama na ang
paggamit ng cellphone niya upang makinig ng mga tugtog. Maaga daw silang umaalis
sa kanilang bahay na malapit lang sa Hinulugang Taktak upang makaiwas sa trapik, at malamang ay dahil
na rin sa pamimilit ng kapatid na special dahil nahalata ko ang kanyang
excitement upang pumasok. Maya’t maya ang pagtanong niya sa kanyang kuya ng,
“hatid mo ‘ko…school?”, na sinasagot naman ng malumanay ni Ian.
Sa pag-uusap namin, nalaman ko na isinakripisyo
ni Ian ang kanyang mga kapakanan para sa nakakabatang kapatid dahil siya ang
naghahatid at sumusundo rito…malamang pati na rin ang pagtuturo pagdating sa
bahay. Hindi na raw siya pumasok sa eskwela upang makaalalay sa kanyang kapatid
dahil ang iba pang mga nakakabatang kapatid ay pumapasok din. At sa kalagayan
ni Billy Joe, isang tulad ni Ian lamang ang may kakayahan at tiyagang
magbantay. Ang tatay nila ay construction worker na lingguhan ang uwi at ang
nanay naman nila ay may trabaho. Sa kabila ng kaunting kita ng kanilang mga
magulang ay nagawa nilang igapang ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid. Ang
sakripisyong ito ng kanyang mga magulang siguro ang nakita ni Ian kaya
tinapatan na rin niya ng sariling pagtitiis. Ipinaubaya na lamang niya sa mga
nakakabatang kapatid ang pagkakataong makatapos ng pag-aaral.
Naantig ang damdamin ko sa mga sinabi ni
Ian dahil sa panahon ngayon, pambihira ang katulad niya na namumukod-tangi ang
pagmamahal sa kapatid na may kapansanan at sa buo niyang pamilya sa halip na
magpakalulong sa pakikipagbarkada, na ginagawa ng ibang kasing-edad niya…at ang
masama pa, kung minsan ay humahantong sa
paggamit ng droga.
Discussion