0

Ang Fantastic at Recycled na Goodbye Speech ni Pnoy

Posted on Sunday, 12 June 2016

ANG FANTASTIC AT RECYCLED
NA GOODBYE SPEECH NI PNOY
Ni Apolinario Villalobos

Lalong idiniin si Pnoy sa kalagayang nakakahiya dahil sa goodbye speech niya. Halatang recycled ito at talaga din namang “fantastic”. Ilang beses na niyang “ipinipilit” noon pa ang mga accomplishment daw niya na nakapaloob sa kanyang speech at ang kuwento tungkol sa ginawa daw ng kanyang tatay.

Ang tungkol sa edukasyon, sinabi niyang dumami na daw ang mga silid-aralan. Nasaan ang mga ito?...kung meron may ay malamang inilagay sa mga developed areas. Bakit nagsisiksikan ang mga bata sa mga silid-aralan sa Manila kaya nagkakaroon ng “shifting” na inaabot ng gabi? Ang mga bata sa mga liblib na lugar ay nahihirapan pa rin dahil kailagan pa nilang tumawid sa mga ilog at umuugoy na hanging bridge upang makarating sa pinakamalapit na baryo kung nasaan ang kanilang eskwela. At, aanhin ang mga silid-aralan kung kapos naman sa mga gamit kaya upang may magamit lang ay mismong mga guro ang bumibili ng mga teaching aids gamit ang kakarampot nilang suweldo. Ang tungkol sa “progress” at “development” ng bansa, tumaas nga ang GDP, pero ang nabibiyayaan ay mga mayayaman, hindi ang mga mahihirap kaya dumadami pa rin ang mga nagugutom. Ano na ang nangyri sa Maguindanao Massacre at Mamasapano Killing?

Sa panahon niya, ang smuggling at droga ay lalong umalagwa o hindi nasawata, laya lalong lumala. Napansin kasing walang ginagawa ang mga ahensiya, at mismong siya ay hindi kumikibo. Kumalat ang mga balita tungkol sa recycled drugs na bahagi ng mga kinumpiskang mga droga. Mistulang binastos na ang Pilipinas at ginago ang mga Pilipino dahil sa ginawa ng mga sindikato at mismong nagpapatupad ng batas. May mga PIlipinong “importer” na ang operating capital ay wala pang kalahati ng halaga ng kanilang in-import kaya halatang ginamit na dummy ng mga dayuhang smuggler. Ang drug lords mula sa ibang bansa, lalo na China ay dumagsa, at ang drug laboratories ay bumaha, dahil nagkaroon din ng mga “kitchen-type” laboratories. Nabisto din ang pagluto ng shabu sa loob ng Bilibid.

Sa panahon niya, hindi nakontrol ang pagsirit ng presyo ng mga pagkain na hanggang ngayon ay hindi na bumalik sa dating presyo….nakakatawang, ang kangkong kung bilhin sa palengke ay piso kada dalawang tangkay dahil ang isang tali na may sampung piraso ay limang piso, at kung bilhin sa mga tindahan ay piso isang tangkay, doble na ang presyo!...marami pang iba. Ang Telcos ay lalong lumakas ang loob sa pag-abuso sa tiwalang ibinigay ng mga gumagamit ng kanilang serbisyo. Hanggang ngayon ay wala silang ginawa sa kabila ng opisyal na pagpapatunay na talagang mahina ang kanilang mga pasilidad kaya maraming reklamo. Hantaran rin ang pagsalaula ng budget dahil sa nakakahiyang mishandling ng pork barrel funds. Dumami daw ang mga kalsadang ginawa? Nasaan ang mga ito? Ang nakita ng mga Pilipino ay ang pagsira sa mga maaayos pang kalsada upang palitan ng mga bago kaya gumamit ng malaking budget!...at ang ibang binungkal ay papitik-pitik pa ang pag-ayos kaya inabot ng tag-ulan!

Ang pinipilit niyang isyu tungkol sa “kalayaan” at ang kuwento tungkol sa ginawa daw ng kanyang tatay ay animo awit sa sirang plaka na paulit-ulit ang pagtugtog…masakit sa tenga. Hindi rin maganda ang dating ng sinabi niya tungkol sa nabawi daw na kalayaan at mga karapatan dahil BAKA MAULIT, kaya dapat maging mapagmatyag at magpagmasid ang mga Pilipino. Sino ang pinapasaringan niya?


Natupad daw niya ang mga pinangako at “panata” niya sa kanyang mga “boss”….WOW AT BOW!!

Discussion

Leave a response