0

Si "Mang Asyong" o "Mang Ace" (Ignacio Cabrera) ng PAL

Posted on Monday, 13 June 2016

Si “Mang Asyong” o “Mang Ace” (Ignacio Cabrera) ng PAL
 Ni Apolinario Villalobos

Unang na-touch ni Mang Asyong ang buhay ko noong unang araw nang pagpakita ko sa Philippine Airlines  “AOB” (Administrative Offices Building). Kasama ko ang ilang mga taga-Mindanao na mga bagong recruit para mag-training sa PAL. Inatasan siyang ihanap kami ng matitirhan o “boarding house” na malapit lang sa pagdadausan ng training, kaya ang ginawa niya ay dinala kami sa Airport Road, Baclaran. Dineretso niya kami sa isang “typical” na boarding house – ang mga kuwarto ay pinagkasyahan ng dalawa hanggang tatlong double deck na kamang bakal. Kilala siya ng may-ari kaya kahit wala kaming pinang-down payment ay tinanggap kami….ibig sabihin siya ang guarantor namin.

Pagkatapos ng training ay hindi ko na siya nakita dahil na-assign ako sa Romblon. Nagkrus uli ang aming landas nang ibinalik ako sa Manila upang ma-assign sa Tours and Promotions Division na ang opisina ay sa lumang domestic airport. Noon ko nalaman na kilalang kilala pala si Mang Asyong sa buong airport. Nakakautang siya kahit saang restaurant o karinderya. At, madalas pa niya akong nililibre ng tanghalian sa isang karinderya sa likod ng AOB. Dahil kulang ang kaalaman ko sa iba’t ibang trabaho sa PAL, akala ko noon, manager si Mang Asyong at malaki ang suweldo dahil maraming natutulungan, kasama na ako. Bandang huli ko nang malaman na ang puwesto pala ni Mang Asyong ay mataas lang ng kaunti sa puwesto ng janitor at messenger.

Ang hindi alam ng mga kasama ko sa PAL, kung hindi dahil kay Mang Asyong ay hindi ko narating ang Luneta, sa kabila ng kung ilang buwan na akong dumating sa Manila mula sa Romblon. Noong araw na samahan ako ni Mang Asyong sa Luneta, animo ay tour guide siya sa pagpaliwanag tungkol sa mga landmarks kaya lalo akong bumilib sa kanya. Nang magkapalagayan kami ng loob, madalas na kaming magpang-abot sa maliit na karinderya sa likod ng AOB, kaya animo ay pinag-usapan namin ang pagkikita. Habang nag-aalmusal, marami kaming napag-usapan tungkol sa buhay niya….mga gastos at ginagastusan. Nagkuwento rin ako sa kanya ng buhay ko kaya siguro naawa dahil nalaman niyang bata pa ay naging ulilang lubos na ako…sa madaling salita parang naging tatay ko siya. Noon ko rin nalaman ang tungkol sa mga pagkakawanggawang ginagawa ni Mang Asyong. Mula noon ay naging inspirasyon ko siya.

Dahil kay Mang Asyong ay marami akong nakilalang porter at janitor sa domestic airport na madalas kapusin ng pera kaya tulad niya, ay napasabak na rin ako sa “pag-abot” ng extrang barya para pamasahe o pambili nila ng pagkain. Kung hindi rin lang siya nauutusan sa ibang opisina upang maghatid ng mga dispatch envelop, magkasama kaming nanananghalian sa karinderya kasama ang mga porter at janitor kaya napasabak na rin ako sa pagkain ng kaning sinabawan lang o di kaya ay tinaktakan ng toyo o patis upang magkalasa, mapagkasya lang ang pera namin. Tuwing uuwi ako mula sa mga istasyong binibisita ko upang mangalap ng mga impormasyon para sa TOPIC magasin na pinahawakan sa akin, ang palagi kong dalang pasalubong ay “tuyong dilis” at “daing” para paghatian ng mga kaibigan naming porter at janitor. Madalas magpaubaya si Mang Asyong dahil ang kanyang share ay binibigay palagi sa isang taga-Novaliches na janitor.

Nang mag-retire si Mang Asyong ay nagkita kami nang mag-follow up siya ng retirement pay niya…payat at halatang may sakit. Inabutan ko siya ng kaunting pera na mabuti na lang ay tinanggap naman. Pinagbilinan ko siyang pasyalan niya ako palagi. Ang huling pagkikita namin ay sa ground floor ng Vernida building isang Disyembre (hindi ko matandaan ang taon), kasama ang kanyang apo. Tiyempo namang hindi ko pa nagalaw ang bonus ko kaya maluwag akong nakapag-abot ng pamasko sa bata at kay Mang Asyong…regalong katiting lamang kung ihambing sa mga naitulong niya sa akin at mga aral na napulot ko sa pakikisama ko sa kanya….mga aral na malaking tulong sa mga ginagawa ko ngayon.


Discussion

Leave a response