Ang Pagiging Mataba
Posted on Sunday, 19 June 2016
Ang Pagiging
Mataba
ni Apolinario Villalobos
Unang-una, dapat aminin ang katotohanan na
hindi maitatago dahil masyadong obvious. Huwag nang pagtakpan ng mga salitang,
“healthy”, “chubby”, etc. ang isang tao na obvious naman talagang mataba. Wala
namang masama sa pagiging mataba. Kung nagkaroon ng hormonal irregularity kaya
naging ganito ang katawan, hindi kasalanan ng may-ari ng katawan. Pero kung
tumaba dahil sa junk foods, ibang usapan na yan….kasalanan niya dahil sa
kasuwapangan.
Kaya naging isyu ang katabaan ay dahil sa
mga sticker na dinidikit sa ilang aircon van sa Maynila, tulad ng: “Slims
Only”, “Bawal ang Mataba”, “Tatlong Payat Lang Dito”, etc. na ayon sa LTFRB ay
bawal kaya papatawan ng parusa ang mga driver. Pero, pati ang mga operator o
may-ari ng mga tinutukoy na van ay dapat ding parusahan dahil ang ganitong
gawain, bukod sa nakakainsulto ay isang uri ng pang-aabuso at pangmumulestiya
ng karapatan. Hindi dahilan ang kalugian ng mga driver kung may sasakay na
mataba sa minamaneho nilang aircon van. Dahil kung ganyan ang pananaw nila,
dapat ang mga payat ay kalahati lang ang bayad!
Hindi naman nangyayaring sa tuwing biyahe
nila ay matabang sumasakay. Dapat ay asahan na nila ang ganitong sitwasyon
tulad halimbawa ng mga pagkakataong karamihan ng pasahero nila ay mga
estudyante o senior citizens kaya mababawasan ang kita nila dahil sa discount.
At, lalong dapat ding ihalintulad ito sa mga araw na matumal ang kita, wika nga
ay mahina kaya dapat ay tanggapin na lang nila. Hindi naman lahat ng pinagkikitaan
tulad ng negosyo ay sagana ang kita…ganyan din sa pagmamaneho ng public
conveyance tulad ng aircon van.
Ang hindi naisip ng mga abusadong aircon
van operators at drivers ay ang kasabihang ‘HUWAG MONG GAWIN SA IBA ANG AYAW
MONG GAWIN NILA SA YO”. Dahil diyan, kung hindi man sa kanila mismo mangyayari
ang kahalintulad na insulto at pang-abuso, ang mga ito ay maaaring sa anak
nila, asawa, kapatid, magulang, o iba pang mahal sa buhay!
AT, ANG PINAKAMASAMA AY NAGPATABA GAMIT ANG
NINAKAW NA PERA MULA SA KABAN NG BAYAN!
Discussion