Ang Korapsyon sa Pilipinas
Posted on Friday, 17 June 2016
Ang Korapsyon sa
Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos
Bago dumating ang mga Kastila, ang mga
katutubong nakatira sa mga isla ng tinatawag ngayong “Pilipinas” ay
pinamumunuan ng mga “datu” o di kaya ay pinakamatandang miyembro ng tribu. Ang
pamamaraan ng pangangalakal ay “barter” o “palitan” ng mga kalakal. Ginamit ang
ginto at pilak sa pakikipagkalakalan sa ibang lahi na dumayo sa mga Isla tulad
ng mga Intsik at Hapon. Walang dahilan ang mga unang tumira sa mga isla upang
maging korap dahil walang ginamit na
pera noon, at napakasimple lang ang buhay ng mga tao noon.
Nang dumating ang mga Kastila, bitbit din
nila ang mga nakasanayang gawi sa kanilang pinanggalingan tungkol sa pera at
pagkamal nito kaya na-develop ang pagkaganid o pagkagahaman dito at nahawa ang
mga katutubo. Ang “kaunlaran” na dala ng pera ay mabilis na ninamnam ng mga
ninuno natin, subalit ang kaakibat naman ay ang korapsyon na naging talamak
kahit sa hanay ng mga prayle o kaparian dahil hantad naman sa kasaysayan ng
Pilipinas na sila ay nangamkam din ng mga lupain.
Nang pinalitan ng mga Amerikano ang mga
Kastila bilang mananakop, pinilit nilang sanayin ang mga Pilipino kung paanong
magpatakbo ng pamahalaan sa ilalim ng demokrasya. Subalit ang natikmang
kaluwagan ay nagpagahaman sa ilang namunong mga Pilipino kaya nagmadali sila sa
pagkaroon ng kasarinlan at lubos na kalayaan. Dahil diyan, kahit sa tingin ng
ilang namumunong mga Amerikano na hindi pa gaanong handa ang mga makukulit na
pulitikong Pilipino ay hinayaan na lang silang mamuno at tuluyang binigyan ng
kalayaan ang bansa.
Nangyari ang pinangambahan ng mga
Amerikano, na dahil minadali ang pagbigay ng kalayaan ay hindi masyadong
naunawaan ang mga prinsipyo na bumabalot dito. Inabuso ang kalayaan at
nagsimulang sumibol ang korapsyon. Sa halip na pairalin ang propesyonalismo,
umiral ang “kapatiran”, “kapamilya”, “kumparehan”, at ibang samahan sa
pagpatakbo ng pamahalaan. Naging malalim ang pagkabaon ng korapsyon ng
Pilipinas, na lalo pang yumabong sa ilalim ng mga presidente mula pa noong
panahon ni Quezon. Ngayon ang sagradong karapatan sa pagboto ay tinumbasan na ng halaga, dahil
naging talamak ang “vote-buying”. Pati ang mga nasa pribadong hanay ay
nagkaroon din nito.
Kung pag-isipang mabuti, masasabi na nang
dumating ang mga Kastila, naging Kristiyano ang karamihan sa mga katutubo pero
ang mga karatig-bansa ay nanatili sa pagkiling sa pinaniniwalaan nila tulad ng
Islam at Buddhism. Ngayon, kung may mabalitaang korapsyon sa kanila, iilan lang
ang sangkot, pero sa Pilipinas, iba ang sitwasyon ng korapsyon, kung saan ito
ay naging talamak na sakit at unti-unting nag-aagnas sa kultura ng lahing
Plipino. Ang resulta: habang sumusulong ang mga karatig-bansa ng Pilipinsa sa
Asya, ang Pilipinas naman ay halos hindi na makaahon sa kumunoy ng korapsyon!
Walang silbi ang paulit-ulit na sinasabi ng administrasyong Aquino na batay sa “GDP”
ay umunlad na ang Pilipinas dahil ang mga Pilipino o karamihan ng mga Pilipino
ay naghihirap pa rin!....dahil sa korapsyon!
Discussion