May Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino pero Hindi Pinansin...
Posted on Thursday, 3 March 2016
May
Proposal pala noon si Marcos kay Cory Aquino
Pero
hindi Pinansin…
Ni Apolinario Villalobos
Noong panahon ni Cory Aquino bilang
presidente at si Doy Laurel naman ang Bise-Presidente, may proposal pala ang
naghihingalo nang si Marcos na ibabalik niya ang 90% na perang sinasabing
kinamkam niya at mag-iiwan na lang ng 10% para sa kanyang pamilya kapalit ng
pag-uwi niya sa Pilipinas kung saan niya gustong mamahinga nang tuluyan. Pilit
pinarating ito kay Cory sa pamamagitan ni Doy Laurel na kahit minsan ay hindi
pinagbigyang makausap hinggil dito. Kung pinagbigyan ni Cory si Marcos, sana
ngayon ay hindi nagkaka-problema ang gobyerno sa isyung ito. Sa pagpasubasta
nga lang ng mga alahas ni Imelda ay pinoproblema na ng gobyerno kaya ang
pag-asa ng mga Pilipinong mabawi ang nakaw na yaman ay parang bula na nawala –
nalusaw!....at yan ay dahil sa pulitika na malalim na ang pagkakaugat sa
sistema ng gobyerno. Wala ring nangyari sa mga sequestration effort dahil
napag-alaman na pinagkitaan lang din daw. Ilang dekada na ang nakaraan at ilang
presidente na ang pumalit kay Cory, pero ang balak na pagbawi sa mga ninakaw na
yaman ay “balak” pa rin hanggang ngayon.
Bago pa lang si Cory noon ay napansin nang
maraming mga kaibigan at kamag-anak ang naitalaga sa iba’t ibang puwesto….kasama
na diyan si Binay na tuluyang iniluklok sa Makati bilang mayor. Bukambibig ni
Binay ang utang na loob nito sa pamilya ng mga Aquino, kaya ang malaking
katanungan ay kung kakasuhan ba niya si Pnoy at mga kaalyado nito kung mananalo
siya bilang presidente. Kaya tuloy marami rin ang nagsasabi na dahil halata
namang hindi mananalo si Roxas, ang talagang “fallback” daw ni Pnoy ay si
Binay. Dapat pansinin na ni minsan ay hindi nagpalitan ng maaanghang na mga
salita sina Pnoy at Binay. Ang bumabatikos kay Binay ay “iilan” na kalaban niya
lalo na sina Trillanes, Cayetano at Pimentel, maski ang Malakanyang ay tipid sa
pahayag laban sa kanya. Ano ang ibig sabihin nito?
Hindi pa man bumababa si Cory noon ay
marami na ang nag-speculate na makakabalik din ang mga Marcos sa Pilipinas,
subalit, kung namayapa na ang dating diktador. Nasa kultura ng Pilipino ang
pagiging mahabagin, maawain, kumikiling sa underdog o inaapi na nangyari sa mga
Marcos nang hindi pinayagang umuwi habang buhay pa ang diktador kahit naghihingalo
na, at lalo na nang hindi pinayagang ilibing ang mga labi niya sa Libingan ng
Mga Bayani. Nasa kultura din ng Pilipino
ang hindi pagtanim ng matinding galit kahit hindi makalimot sa mapait na
nakaraan. Karamihan kasi ay mga Kristiyano kaya nagising sa mga turo o aral
tulad ng pagpapaubaya at pagpapakasakit. Kung hawak ng grupo ni Cory ang
Hukbong Sandatahan noong umupo siya, lalo pa at nasa likod niya sina Enrile at
Ramos, bakit siya natakot sa pagbalik ni Marcos sa Pilipinas ganoong ito ay naghihingalo
na? Isa pa, bakit hindi ilagay sa pipirmahan ni Marcos na kung magpapasimula
siya ng kaguluhan ay ibabalik siya sa Hawaii?
Ang korapsyon sa gobyerno ay patuloy sa
pamamayagpag nang umupo si Cory, kaya marami ang nadismaya. Hindi rin napansin
ang pagbalik ng mga Marcos sa Pilipinas, at kung may nakapansin man ay
nagkibit-balikat na lang. Kung seryoso ang gobyerno ni Cory noon na hindi
pabalikin ang pamilya, bakit hindi gumawa ng mabigat na batas para dito? Nagkaroon
ng bagong Konstitusyon noong panahon niya, bakit hindi gumawa ng batas na
haharang sa “political dynasty”? Ngayong sumabak sa pulitika ang mga miyembro
ng pamilya Marcos maliban kay Irene, at si Bongbong ay maraming sinasabi upang
linisin ang pangalan nila, ay saka naman nagri-react ang mga mapagkunwaring
marurunong daw. Hindi dapat sisihin si Bongbong dahil anak siya ng taong
binabatikos kaya umiiral ang likas na damdamin niya bilang anak. Kung noon pa
lang sana ay hinarangan na ang mga Marcos bago nakabalik, wala na sanang mga
binibitiwang mapagkunwaring mga salita ang mga nasa puwesto pa at ibang
aali-aligid na mga hunyangong pulitiko…naghihintay sa bagong mahahalal na
presidente na uungguyin na naman nila at hahalikan sa paa at puwet!
Ngayon, sa henerasyon ng mga kabataan na
karamihan ay walang kamuwang-muwang sa People Power dahil hindi naman ito
itinuturo sa mga eskwelahan, ang mga nagpakitang-gilas noon na magbabangon daw
sa nakalugmok na Pilipinas ay nangangako pa rin….at may nagbabanggit pa ng
tuwid na daan! Pinipilit ding agawin ng mga gahamang ito ang karangalan sa
pagpatalsik sa diktador, mula sa mga nagbuwis ng buhay na mga estudyante, mga
madre na humarang sa mga tangkeng pandigma sa EDSA, sa mga nagpakagutom sa
lugar pa ring yon ng kung ilang gabi at araw, at sa mga magsasakang nagtiyagang
makisakay sa mga trak at naglakad makalahok lang sa pagpapatalsik. Tanggap ko
na ang nagsilbing mitsa ng People Power ay kamatayan ni Ninoy Aquino, pero
hindi dapat kalimutan na ang langis na nagpaapoy sa mitsa na yan ay ang
katapangan, dugo at buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Paano na kung walang
sumipot sa panawagan ni Cardinal Sin?... siguradong nilangaw ang EDSA at nakalaboso
sina Enrile at Ramos!
Dahil sa kapabayaan ng mga namuno na
nagsimula nang mawala si Marcos, nagpatung-patong na ang iba’t ibang uri ng
korapsyon. Dahil ang mga dati nang mayaman ay lalo pang yumaman, wala silang
problema ano man ang mangyari sa Pilipinas….samantalang ang mga mahihirap ay
lalong naghihirap at nakanganga sa harap ng mga ampaw na pangako na
naman…ngayong palapit na ang eleksiyon!
Discussion