0

Bacoor City Drainage (Ilog) Hinahayaang Tubuan ng mga Punong Kahoy!

Posted on Sunday, 27 March 2016

Bacoor City Drainage (Ilog) Hinahayaang Tubuan ng
Mga Punong Kahoy!
Ni Apolinario Villalobos

Ang maliit na sapa o ilog na ito na daanan ng tubig mula sa Dasmarias City ay hinahayaang tubuan ng punong kahoy sa gitna pa mismo, at may ilang lumalaki na sa mga gilid. Nakapagtatakang hindi ito napapansin ng mga taga-Barangay Panapaan 6 ganoong malapit lang ito sa Andrea Village 2 at katabi ng malaking tindahan ng isang kilalang brand ng foam at mattress, and Uratex. At ang nakakabahala pa ay lumulusot na ang mga sanga sa mismong screen na nakatakip sa ilog na nasa gilid ng highway. Tumatawid ang ilog na ito sa ilalim ng Aguinaldo highway na sa kaunting ulan ay bumabaha na dahil ang mga daluyan ng tubig na naiipunan ng basurang naging latak at putik ay bumabaw. Ngayong tag-araw, mapapansin ang paglitaw ng mababaw na lupang pinakasahig ng ilog na tinubuan na rin ng mga damo!

Ang uri ng kahoy na tumutubo sa ilog na nabanggit ay punong-gubat kaya lumalaking di-hamak at nagbabantang bumasag sa narip-rap na gilid. Malamang din na hindi tatagal ay aalsahin na rin ng puno ang nakatakip na screen. Ang pinakamatinding pangamba ay ang pagiging sagabal nito dahil sa mismong gitna ng ilog ito tumubo. Ang hindi maintindihan ay kung bakit hindi ito nire-report ng mga street sweeper sa kinauukulan ganoong tuwing umaga silang nagwawalis sa bahaging ito ng highway na malapit na rin sa SM Bacoor.

Ito ang isa sa maliwanag pa sa sikat ng araw na kapabayaan ng mga kinauukulan sa kapakanan ng bayan. Hindi nila “inuugat” o tinitingnan ang mga “talagang dahilan” ng mga problema. Tulad na lang ng mga punong tumutubo sa gitna ng ilog kaya humaharang sa mabilis na pagdaloy ng tubig…nagiging sagabal sila kaya ang mga basura ay naiipon at nagiging bara, dahilan ng mabilis na pagbaha sa mga nasa mababaw na bahagi tulad ng Malumot, Justinville, Luzville, Silver Homes 1 and 2, at Perpetual Village 5 at 7…pati na sa private na sementeryo ng mga Revilla.

Saka na lang ba aaksiyon kung tag-ulan na naman? Hindi dahilan ang eleksiyon 2016 upang hindi maaksiyunan ang ganitong problema dahil ang mga sinisuwelduhang empleyado na dapat ay nagtatrabaho ng maayos ay hindi naman nangangampanya. At lalong hindi pwedeng idahilan ang DENR na nagbabawal sa pagputol ng mga puno dahil ang mga nabanggit na tumububong puno ay nagbabadya ng perhuwisyo. Magkapalitan man ng mga opisyal na binoboto, sila ay nandiyan pa rin at inaasahang magtrabaho ng maayos upang masulit ang sinusweldo sa kanila.


Huwag itong isisi sa mayor dahil may mga taong nasa ilalim niya na inaasahang mag-asikaso nitong problema.






Discussion

Leave a response