Duday: Nakadanas Makulong sa Kulungan ng Aso sa Gulang na 9 na taon
Posted on Wednesday, 30 March 2016
Duday:
Nakadanas Makulong
sa
Kulungan ng Aso sa Gulang na 9 na taon
Ni Apolinario Villalobos
Maliit si Duday, lampas lang ng kaunti sa
apat na talampakan (four feet) sa edad niya ngayong wala pang 30 taon, kaya
naisip kong noong 9 taong gulang pa lang siya ay kasya nga siya sa kulungan ng
aso, na kasama ang asong pit bull ng malupit niyang amo.
Ayon sa kuwento ni Duday, taga-Negros siya
at sa edad niyang 9 taon ay itinago siya ng isang recruiter ng mga katulong, sa
isang malaking karton upang maipuslit sa barko patungong Maynila. Ni-recruit
daw siya upang mamasukan sa Maynila na pinayagan naman ng mga magulang dahil sa
labis nilang kahirapan. Pagdating sa Maynila ay idiniretso siya sa opisina ng
recruitment agency sa Pasay. Marami daw silang “nakatira” sa opisina habang
naghihintay ng mapapasukan, at ang mga inabot niya ay matatanda na at mga
tin-edyer. Kalaunan ay dinala siya sa isang bayan ng Cavite at pinagtrabaho sa
kamag-anak ng recruiter, at dahil bata pa, ang alam lang daw niyang gawin ay
maghugas ng pinggan. Nang masira daw niya ang rice cooker, ikinulong siya ng
kanyang amo sa kulungan ng alaga nitong pit bull sa loob ng dalawang linggo. Sa
loob ng panahong yon, sabay silang pinakakain ng aso. Dahil kaunti lang ang
pagkaing bigay sa kanya, sa sobrang gutom daw ay nadanasan niyang kumain ng dog
food na ibinibigay sa aso…ibig sabihin, sa loob ng dalawang linggo ay dinanas
niya ang mamuhay na parang hayop!
Mula sa amo niyang malupit, nang sumunod na
taon, sa gulang na 10, inilipat siya sa isang bahay sa Cavite City at
nanilbihan naman sa matandang mag-asawa at doon nakaranas siya ng makataong
pagtrato subalit hindi rin tumagal dahil namatay ang asawang babae. Ibinalik siya sa pinanggalingan niyang bayan
sa Cavite pa rin, kung saan ay nagpalipat-lipat siya sa apat na mga amo. Ang
naipon niyang pera na mahigit sampung libong piso ay ipinagkatiwala niya sa
isang kaibigan na magpupundar daw nito upang lumago, subalit ni anino ng
pinagkatiwalaang kaibigan ay hindi na niya nakita.
Noong panahong naninilbihan siya sa
pang-apat na amo, nakilala niya ang
asawang si Chary na electrician ng isang power line agency. Ang pagsasama nila
ay nabiyayaan ng apat na anak, na ang panganay ay 11 taong gulang at nasa Grade
5; ang ikalawa ay 9 na taong gulang at nasa Grade 3; ang ikatlo ay 7 taong
gulang at nasa Grade 2; at ang bunsong 5 taong gulang ay ipapasok niya sa
preparatory school sa susunod na pasukan. Kahit hirap sila sa pera ay pipilitin
daw nilang mag-asawa na igapang ang pagpapaaral sa mga anak.
Tinutulungan ngayon ang pamilya ni Duday ng
isang may magandang kalooban na nagpatira sa kanila sa isa nitong compound na
may mga paupahang kuwarto, at ang kapalit ay ang kanilang pagiging “bantay”,
kaya kahit papaano ay nakalibre sila ng tirahan. Subalit kailangan pa rin
nilang kumita, kaya upang makatulong sa asawa ay naisipan ni Duday na magtinda
ng mga ulam at ilang pirasong pagkaing pambata. Sa paraang ito ay nairaraos ni
Duday ang pagkain nila sa maghapon kahit sa paraang pagpira-piraso ng ulam
upang makatipid.
Walang ugaling maglabas ng hinaing o
problema si Duday kaya nang umagang masalubong ko siyang humahangos ay wala
siyang binanggit na may hinahabol palang taong uutangan sana ng pandagdag sa
puhunang pambili ng mga ilulutong ulam. Sa hindi ko maipaliwanga na dahilan ay
bigla kong naisipang sundan si Duday.
Nakita ko ang “tindahan” ni Duday – apat na
maiikling lumang yerong bubong na nakasandal sa firewall ng gusali, may
dalawang plastic na upuan at ang isa ay walang sandalan, maikling “counter”at
isang maliit na mesa. Nabisto kong pinagkasya niya ang perang dala nang umagang
yon sa kalahating kilong pinaghalong atay at balun-balunan (chicken liver and
gizzard) ng manok na ilulutong adobo, kalahating kilong buto-buto ng baka na
isisigang, dalawang kilong bigas, ilang
pirasong mais na panlaga, at isang balot na toge (monggo sprout)….yon ang mga
niluluto niya nang dumating ako.
Nang may dumaang nagtitinda ng isda at
gusto sana niyang utangan ng kahit kalahating kilong tulingan sa halagang Php60
pesos ay hindi siya pinagbigyan dahil may Php200 pa siyang utang. Mabuti na
lang at may dala akong kaunting halaga kaya ang utang niya ay binayaran ko at
binili ko na rin ang kalahating kilong tulingan na nagustuhan niya upang
idagdag sa ititindang ulam. Para hindi magkahiyaan, pinaliwanag ko na lang kay
Duday na nagpapaikot lang din ng puhunan ang nagtitinda ng isda kaya kailangan
din nito ang pera. Sa tantiya ko, ang tinutubo ng nagtitinda ng isda ay hindi
aabot ng Php150, at kung malasin pa ay baka uutangin pa rin ang iba.
Sa pakikipag-usap ko kay Duday ay inamin
niyang uutang sana siya ng Php1,000 sa taong hinahabol niya noong makita ko
siya pero hindi nga niya inabot, kaya inabutan ko siya ng nasabing halaga para
maipambili niya ng mga paninda at ilulutong ulam kinabukasan. Ang perang
itinulong ko kay Duday nang umagang yon ay galing sa padala ni “Perla”, isa sa
mga nagbabasa ng blogs ko, at gagamitin sanang pambili ng salamin ni Anna, ang
babaeng nagtitinda ng mga napulot na junks sa Divisoria at ang isang mata ay halos
bulag na, nai-blog ko na rin. Pero dahil nalaman kong tinulungan na pala si
Anna ng isang pulitikong nangangampanya, binawasan ko ang perang padala ni
“Perla” para magamit naman ni Duday. Pinapaliwanag ko lang ito para masagot ang
tanong ng ibang mambabasa kung saan ako kumukuha ng pantustos sa mga ganitong
gawain dahil mahirap lang din naman ako.
Ang buong pangalan ni Duday ay Luzviminda
Legario at ang kanyang asawa ay si Chary Pelarca, na tubong Antique. Nang
pasyalan ko si Duday ay nasa trabaho ang asawang si Chary at ang ibang anak ay
may mga ginagawa kaya ang isang anak nitong babae ang napasama sa larawan. Bago
ako nagpaalam kay Duday ay maluha-luhang inamin niya na halos hindi na niya
maalala ngayon ang mukha ng kanyang mga magulang at mga kapatid na naiwan niya
sa Negros dahil mula nang ipinuslit siya ng recruiter papuntang Maynila ay wala
na siyang komunikasyon sa kanila.
Ilang “Duday” pa kaya meron sa ating
paligid?
Discussion