Ang Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba
Posted on Wednesday, 23 March 2016
Sana ay pairalin ang mga sumusunod ngayong
Banal na Linggo at iba pang araw…
Ang
Pagpapaubaya at Pagpapakumbaba
Ni Apolinario Villalobos
Ang pinakamahirap gawin ng isang tao lalo
na ang may masyadong bilib sa sarili ay ang magpaubaya at magpakumbaba. Hindi
matanggap ng isang taong masyado ang pagkabilib sa sarili ang basta na lang
yumuko sa ugali o kagustuhan ng iba, lalo na kung pareho sila ng ugali. Sa ganitong
pagkakataon, ang panalo sana ay ang taong magpapaubaya at magpapakumbaba, dahil
lalabas na mas malawak ang kanyang pananaw. Ang girian na nangyari dahil lamang
sa tinatawag na pride o pagkabilib sa mga sarili nila ay walang katapusan,
hangga’t walang yumuko. Sa mata ng ibang tao, lalo na ng Diyos, ang gagawa nito ay nakakabilib. Sa
pagkatanggal ng galit sa kanyang dibdib, para na rin siyang natanggalan ng
tinik at bigat sa kanyang balikat, dahil nawala ang inaalala niyang hidwaan na
para sa kanya ay tapos na. Kadalasan, ang hindi yumuko ay nakokonsiyensiya pa!
May mga pagkakataong ang girian ay sa
pagitan ng mag-asawa. Dahil sa tradisyong hindi dapat sinasaktan ang babae, ang
dapat na magpaubaya ay ang asawang lalaki. Umiwas na lang hanggang lumamig ang
ulo ng asawa niya. Kung sa pagitan ng magulang at anak, dapat lawakan pa ng
magulang ang pang-unawa at pagpasensiya. Dapat niyang isipin na kung maaga
niyang dinisiplina ang anak, hindi ito magkakaroon ng ugaling barumbado. Dapat
aminin ng magulang ang kapabayaang ito na pagsisihan man niya ay huli na. Ang
ganyang kaisipan ang dapat magpakalma sa kanya – isang kaisipang may pagsisisi.
Hindi naman bulag ang Diyos para hindi makita ang ginagawa niya – yan na lang
ang konsuwelo niya.
Walang masama sa pagiging mapagpaubaya
basta ang pinagbigyan nito ay hindi naman abusado. May iba kasing tao, lalo na
mga magulang, na maipakita lang ang kanilang poder o kapangyarihan, ay hindi
pinagbibigyan ang hiling ng anak kahit nasa ayos naman. Palagi lang sana nilang
paalalahanan ang anak na bilang mga magulang, hindi sila nagkulang, upang
pagdating ng panahon hindi sila masumbatan o makonsiyensiya sa pag-isip na
nagkamali sila sa pagpalaki ng kanilang anak.
Madaling sabihin subali’t mahirap gawin…yan
ang siguradong reaksiyon sa sinulat na ito. Subali’t sa ibabaw ng mundo, wala
namang imposibleng gawin. Dapat lang alalahanin na kung ipipilit gawin ang
isang bagay, may paraan palagi. Ang balakid lang dito ay ang “pride” o
masyadong pagkabilib sa sarili.
Discussion