0

Allan: Taho Vendor na Nag-aruga at Nagmahal ng Batang Anak sa Pagkakasala ng Misis

Posted on Monday, 28 March 2016

Allan: Taho Vendor na Nag-aruga at Nagmahal
Ng Batang Anak sa Pagkakasala ng Misis
Ni Apolinario Villalobos

Madaling araw nang makasakay ko si Allan Recato sa jeep papuntang Baclaran.  Masuwerte siya at pinasakay siya ng drayber ng jeep dahil ang iba ay ayaw sa mga magtataho na ang dalawang timb ay kumakain ng malaking espasyo na ayaw ng ibang pasahero. Galing Cavite ang jeep na iilan lang ang sakay. Dahil magkaharap kami, naramdaman ko ang ang mainit na singaw ng taho mula sa timb nitong stainless na ang bigat ay mahigit 30 kilo.

Payat si Allan kaya hindi ko napigilan ang sarili kong magtanong kung okey lang siya. Nakangiti siyang sumagot na okey lang naman dahil mahigit 18 taon na niyang pinagtitiyagaan ang pinagkikitaan niyang ito. Sa kabubusisi ko ay nalaman kong apat ang anak niya pero nang tanungin ko kung ano ang trabaho ng misis niya, hindi agad siya sumagot. Bandang huli ay sinabi niyang “inabandona” sila ng misis niya dahil nakakita na ng bagong asawa sa abroad…sa Gitnang Silangan. Wala na silang kontak sa isa’t isa.

Naging palagay yata ang loob niya sa akin kaya tuluy-tuloy lang ang pagbigay niya ng impormasyon tungkol sa pamilya niya kaya nalaman ko rin na ang panganay niya ay 17 taong gulang na at ang gusto ay maging nurse. Ang sumunod na dalawa, 13 at 12 taong gulang ay inabot ng K-12 program kaya pinag-iipunan naman niya ang pang-matrikula. At, ang bunsong 6 na taong gulang ay nasa elementarya pa. Habang nagsasalita siya ay kinunan ko siya ng litrato dahil pumayag naman, pero bago yon ay talagang inamin kong balak kong isulat ang makulay niyang buhay. Naputol ang usapan namin nang bumaba ako sa kanto ng MIA Road.

Habang naglalakad ako papunta sa bahay ng kaibigan kong nakaratay upag hatiran ng mga pagkain at diaper, ay naalala kong hindi pala kami nagpalitan ng celfon number, lalo pa at naramdaman kong parang may gusto pa akong dapat malaman.

Kagustuhan yata ng Diyos na maisulat ko talaga ng maayos ang buhay ni Allan dahil pagkagaling ko sa kaibigan ko at sumakay ng jeep papuntang Baclaran, nadatnan ko siyang nakatayo malapit sa LRT station. Upang hindi na magkalimutan, nagpalitan agad kami ng numero, at noon ko nalaman na hindi pala talaga siya taga-Las Pias, kundi taga-Pasay. Pumupunta lang pala siya sa Las Pias tuwing madaling araw upang humango ng taho upang ibenta, at ginagawa niya ito dalawang beses sa maghapon. Pagbaba niya ng Baclaran ay naglalakad na siya papuntang Taft Avenue sa Pasay hanggang makarating sa Vito Cruz, sa Malate na bahagi na ng Maynila.

Sa pag-uusap namin uli, humingi siya ng tulong kung paanong matunton ang misis niya na ang pagkaalam niya ay kung ilang beses na nagpalit ng pangalan. Ipinakita niya sa akin ang larawan ng misis niya at lalaking kinakasama nito. Walang kagatul-gatol ding inamin niyang ang bunso niyang anak ay hindi niya talagang tunay na anak kundi anak ng misis niya sa bagong lalaking kinakasama. Umuwi lang pala ito noon nang mabuntis at upang sa Pilipinas isilang ang anak niya sa pagkakasala. Akala ni Allan ay magbabago ang misis niya pagkatapos maisilang ang bata, subalit, nang mailuwal ay iniwan na silang tuluyan. Masakit man, ay tinanggap na lang niya ang kanyang kapalaran. Pinipilit na lamang niyang igapang ang pangangailangan nilang mag-aama, pero para sa kursong nursing ng kanyang panganay, hihingi daw siya ng tulong sa kanyang dalawang kapatid.

Kaya pala noong sa jeep pa lang kami nag-uusap, parang may gusto pang sasabihin si Allan sa akin subalit bigla akong bumaba. Mabuti na lang din at parang may lakas na tumugaygay sa akin patungo sa LRT kung saan siya nakapuwesto na parang hinintay lang ako, dahil pagkatapos naming mag-usap ay umalis na rin siya upang ituloy ang paglako ng taho. Sa Ingles, ang tawag yata sa ganoong uri ng lakas  ay “Divine Providence”.

Sa gulang na 41 taon, bakas sa mukha ni Allan ang mga hagupit ng kapalaran kaya sa biglang tingin ay mukha siyang mahigit nang 60 taong gulang, lalo pa’t halos puti na rin ang kanyang buhok. Nang maghiwalay kami uli ay pinalakas ko ang kanyang loob at nangakong magkikita uli kami upang makilala rin ang kanyang mga anak. Habang naglalakad akong palayo ay pinagdasal ko na lang na sana ay huwag siyang magkasakit dahil ang tingin ko ay parang bumabagsak na ang kanyang katawan na nakikita sa sobra niyang kapayatan.






Discussion

Leave a response