0

Nagtutulungan Dapat ang mga Magulang at Guro sa Pag-agapay sa Batang Nag-aaral

Posted on Thursday, 10 March 2016

Nagtutulungan Dapat ang Mga Magulang
At Guro sa Pag-agapay sa Batang Nag-aaral
Ni Apolinario Villalobos

Kadalasang maririnig sa magulang ng isang batang nag-aaral at nakitaan ng magaspang na ugali sa bahay ang, “yan ba ang itinuturo sa iyo ng titser mo?”. At ang titser namang taklesa o walang preno ang bibig ay nadudulas sa pagsabi sa batang sutil sa klasrum ng, “ganyan din siguro ang ginagawa mo sa inyo at hindi ka sinisita ng magulang mo!”

Kung may makitang hindi maganda sa isang batang nag-aaral, ang magulang at titser nito ay parehong may tungkulin sa pag-agapay o pag-alalay sa kanya upang mahubog nang maayos ang kanyang pagkatao habang lumalaki. Hindi sila dapat nagbabatuhan ng sisi. Dapat alalahaning magkaiba ang sitwasyon sa tahanan at sa paaralan kaya ang uri ng kanilang paghubog ay nagkakaiba rin, subalit may iisang layunin tungo sa kabutihan ng bata.

Ang mahirap lang ay kung ang mismong magulang ng bata ay wala man lang inilalaang panahon para sa anak dahil baka ni hindi man lang ito maipaghanda ng maayos na pagkain bago pumasok o di kaya ay mapaalalahanang magpakabait sa paaralan. Ganoong problema din ang kakaharapin ng bata kung ang titser niya ay hindi man lang makakapagparamdam ng pagiging “pangalawang magulang” sa labas ng tahanan. May ilang titser kasi na bukod sa malupit na sa mga bata ay halos nakatuon ang pansin sa mga oras ng recess, tanghali, at uwian.

May patakaran ngayon ang mga paaralan na dapat ay magulang o nakakatandang kapatid ang kumuha ng card ng batang nag-aaral, kaya sana ay gamitin ang pagkakataong ito upang maiparating ng mga guro ang mga hindi pangkaraniwang napansin nila sa bata. Ang problema lang ay kung sobra ang dami ng mga mag-aaral kaya hindi posible ang sinasabing “one on one” na pag-uusap ng guro at magulang. Subalit may kasabihan na kung kinakailangan ay may magagawang paraan, at diyan masusukat ang katapatan ng isang guro sa kanyang layunin, ganoon din ang magulang na nagbigay ng buhay sa bata na hindi naman humiling na siya ay iluwal.



Discussion

Leave a response