0

Ang Kasuwapangan (Greed)

Posted on Thursday, 31 March 2016

Ang Kasuwapangan (Greed)
Ni Apolinario Villalobos

Ang kasuwapangan ng tao ay umiral na bago pa man ang panahon ng Bibliya. Ang kasuwapangan ng mga tao noon ay nagbunsod sa kanila upang mangamkam ng lupain ng iba na umabot sa mga digmaan sa pagitan ng mga lahi. Pati ang pamimirata (piracy) ay umiral din sa mga bahagi ng Mediterranean, Africa, at  Europe. Ang ganitong uri ng kasuwapangan ay umiiral pa rin ngayon kaya mayroong kaguluhang nagaganap sa West Philippine Sea o South China Sea, pati na kidnap-for-ransom na hindi lang din nangyayari sa Mindanao kundi pati sa ibang bahagi ng Africa at South America.

Marami pang uri ng kasuwapangan ang umiiral sa mundo tulad ng mga sumusunod:

·        Kasuwapangan sa kaalaman.  Ito ay umaabot sa pagnakaw ng kaalaman ng iba
na kung tawagin ay “plagiarism”. Ginagawa ito upang magkaroon ng diplomang hindi
pinaghirapan dahil ang mga ipinasang thesis ay kinopya lamang sa internet. Ang isa pang paraan ay pangongopya tuwing may exam dahil sa katamarang mag-aral kaya inasahan ang pinag-aralan ng iba na ang katumbas ay pera o goodtime o pagkain o pakikipagkaibigan. Ginagawa din itong pangongopya ng ilang propersyonal na manunulat upang magpa-impress sa mga mambabasa nila, o di kaya ay ng ilang mga pulitiko na ang mga kinopya ay ginagamit naman sa talumpati nila upang palabasing sila ay “matalino”. At lalong ginagawa ito ng ilang tao na ang gusto ay magkaroon ng “Masteral” o “Doctoral” pero ayaw magpakahirap.

·        Kasuwapangan sa karangalan. Nangyayari ito sa mga bagay na may kinalaman sa trabaho. May mga supervisor o manager sa opisina na inaako ang pinaghirapang “project study” na ginawa ng isang empleyado nila. Kahit pa sabihing kasama ang paggawa ng “project study” sa trabaho ng empleyado, dapat ay may katumbas itong dagdag sa suweldo o “commendation” man lang kung nagkaroon ng magandang resulta. Ang problema, kapag binigyan kasi ng dagdag sa suweldo o “commendation” ang naghirap na empleyado, dapat ay may dahilan, at ito ang ayaw na mangyayari ng supervisor o manager dahil gusto niyang ipabatid sa nakakataas pang amo sa opisina na siya ang gumawa ng “project study” kaya nagtagumpay sila.

·        Kasuwapangan ng kaibigan at kamag-anak. May mga kaibigan na ang gusto ay sila lang dapat tulungan ng mga nakakaluwag na mga kaibigan. Nagagalit sila o nagtatampo kapag nalamang may ibang tinulungan ang kanilang kaibigan. Ganito rin ang ugali ng ilang kamag-anak dahil kapag may nabalitaang tinulungan ang kamag-anak nila lalo na ibang tao ay nagagalit at nagsasabi agad ng, “mabuti pa ang ibang tao naalala, pero kami na kadugo ay hindi”. Ang isa pang malimit iparinig ng mga gahamang ito ay, “bakit sila lang?....ako, wala?” Sa totoo lang, may mga kaibigan at kamag-anak na mahilig umasa sa iba kahit na hindi naman nila kailangan ang tulong. Dahil sa ugaling nabanggit, ayaw nilang magsikap at itong ugali ang masama, hindi ang pagtulong ng nakakaluwag sa “talagang nangangailangan”.

·        Kasuwapangan sa physical na attention at karnal na pagnanasa. May pagkasekswal ito dahil nagreresulta sa selos sa pagitan ng mag-asawa na umaabot sa patayan. At, kung minsan ang mga walang malay na naging bunga ng pagkakasala (anak o mga anak) ay nadadamay. Sa isang banda, may kasalanan din ang isa sa mag-asawa na hindi nakapagkontrol ng kanyang kalibugan o pagnanasa kaya nagpadala sa damdamin hanggangan tuluyan siyang magtampisaw sa batis ng kasalanan. Nangyayari din ito sa mga magsyota pa lang na ang iba’y may ugaling kahit sa public area tulad ng Rizal park o bus stop ay naglalampungan….nagbabakasakali sigurong may maka-discover sa kanila upang lumabas sa independent film tungkol sa kalibugan!

·        Kasuwapangan sa pera dahil sa kahirapan. Ito ang dahilan kung bakit mismong mga magulang ang nagtutulak sa mga menor de edad na anak nila upang lumabas sa “cyber sex”, o di kaya ay magbugaw sa mga foreigner. Ito rin ang dahilan kung bakit 7:00AM pa lang ay may nakaistambay nang mga babae sa Avenida upang magpa-short time. Sila ang mga suwapang na ang gusto ay kumita sa pamamagitan ng “sales talk” at paghiga.

·        Kasuwapangan sa pera dahil nilukuban na ng demonyo ang buong katauhan. Ito ang makikita sa mga drug lord, mga drug pusher, at mga gun-for-hire na hindi alintana ang perhuwisyong dulot ng kanilang mga gawain.

·        Kasuwapangan ng mga pinagkatiwalaang opisyal ng gobyerno. Ito ang kasuwapangan ng mga ibinotong mga opisyal ng  bayan na may kakambal pang isang kasalanan – ang pagsira sa tiwala. Bukod sa “sinuwapang” na nila ang pera ng bayan, sinira pa ng mga sagad-butong mangangamkam na mga opisyal na ito ang tiwalang ibinigay sa kanila ng mga kababayan nila.

·        Kasuwapangan sa halaga ng botong piso-piso. Ito ang kasuwapangan ng mga taong nagbebenta ng kanilang boto sa maliit na halaga pero ang katumbas ay pagdurusa kapag naupo na ang bumili ng kanilang boto at nangamkam sa kaban ng bayan upang maibalik ang ginastos nila sa pagbili ng mga boto, na kung tawagin ay “payback time”.


Hindi nawawala ang kasuwapangan sa buhay ng tao, subalit nagkakaiba sa tindi, antas o “degree”. Pati ako na nagsusulat nito ay umaaming may kasuwapangan din – sa gulay, prutas, tuyo, bagoong, panahon sa pamamasyal at pagsusulat, etc.  Mabuti na ito kaysa naman sa kasuwapangan sa salapi na idinadaan pa ng iba sa dasal kay Lord….isang napakarumal-dumal na pagnanasa!

Discussion

Leave a response