0

Ang Ulan

Posted on Friday, 4 March 2016

Ang Ulan
Ni Apolinario Villalobos

Biyayang bigay ay ginhawa sa nanunuyong lalamunan
At nagpapalambot ng nagkandabiyak nang kabukiran
Pagbagsak nito sa kalupaan mula sa nalusaw na ulap
Dulot ay ginhawa’t pag-asa sa mga taong nangangarap.

Sa bawa’t patak ng ulan, may mga namumuong buhay
Nagkakaugat, sa lupa’y kumakapit at ayaw humiwalay
Sa pag-usbong ng mga ito’y luntiang paligid, dulot nila
Na sa iba pang nilalang sa mundo ang dulot ay ginhawa.

Subali’t kung minsan, kanyang pagdating ay may kasama
Hindi lang iisa, kundi dalawang masaklap na mga sakuna
Dilubyo kung ituring dahil may umiihip, malakas na hangin
At kung minsa’y baha na sa pag-agos, lahat kayang dalhin.

Ginagamit din kaya ito ng Diyos upang ang tao’y gisingin?
Mula sa kanyang kayabangan at sagad- butong pagkasakim?
Nararapat lang yata dahil kung wariin ay tila nakalimot siya
Sa Isang dapat ay pasalamatan…Diyos na naglalang sa kanya.   



Discussion

Leave a response