0

Mula't Sapul Hindi na Maayos ang Pamamalakad ng COMELEC

Posted on Wednesday, 9 March 2016

Mula’t Sapul Hindi Na Maayos ang Pamamalakad
Ng COMELEC
Ni Apolinario Villalobos

Kahit kaylan ay palagi na lang nakukuwestiyon ang kredibilidad ng COMELEC, tulad na lang sa isyu ng paggamit ng makina sa pagbilang ng boto. Kung gagamitin lang sanang maayos ng ahensiyang ito ang makinang gagamitin sa pagbilang ng boto, kung saan ay kasama ang pag-isyu ng resibo, wala na sanang problema. Ang sinasabi nilang gagamitin sa dayaan lalo na sa bilihan ng boto ang resibo ay malabo dahil may resibo man o wala, noon pa man kahit wala pa ang makinang ginagamit, ay talagang may bentahan o bilihan na ng boto…noon pa man ay talamak na ang kawalang-hiyaan ng mga kandidato na habang lumalaon ay lalong lumalakas ang loob sa hantarang pagbili ng boto.

Ang resibo ay dapat iniisyu ng makina dahil bahagi ito ng tamang paggamit dito. Kasama ang pag-print ng resibo sa sistemang binili ng malaking halaga kaya hindi pwedeng hindi gamitin. Pera ng mga Pilipino ang ginamit sa pagbili ng makina at sistema kaya dapat gamitin sa kabuuhan nito, at hindi pera ng mga opisyal ng COMELEC.  Hindi dapat idahilan ang kawalan ng training ng mga poll inspectors sa pagsubo ng resibo, o di kaya ay inaasahang paghaba ng proseso ng pagboto. Kung ganyan ang mga dahilan ng COMELEC ibig sabihin ay nagpabaya ang mga opisyal nito sa kanilang tungkulin…isang malinaw na paglabag sa tungkuling itinalaga sa kanila na may kaakibat na kaparusahan! Nagkaroon ang ahensiya ng panahon upang paghandaan ang eleksiyon 2016 subalit nagpabaya sila at ipinipilit ang sarili nilang kagustuhan.

Dapat isipin ng COMELEC na bukod tanging kopya lamang ng resibo na hahawakan ng botante ang magpapatunay kung sino ang binoto niya at maaari niyang gamiting ebidensiya kung sakaling magkaroon ng protesta. Napatunayan nang hindi mapapagkatiwalaan ang COMELEC dahil sa “hello Garci” scandal noong panahon ni Gloria Arroyo, kaya paano pang paniniwalaan ang ipinipilit nito na ang ebidensiya daw ng boto ay nasa “memory” ng makina at makikita din ng botante habang binabasa ang balotang ginamit niya, kaya okey lang maski walang printed copy? Paano kung may nag-utos na “kalikutin” itong memory? Dapat tandaang ang mga taong involved noon sa “hello Garci” ay nasa COMELEC pa rin! Kasalanan ng COMELEC kung bakit nasa balag ng alanganin ngayon ang seguridad ng eleksiyon, lalo na at siguradong tatakbo si Grace Poe na sa simula pa lang ay marami na ang may gustong madeskwalipay. May inaasahan na naman kayang “milagro”? …o di kaya ay magiging dahilan ang problemang ito ng pagkaanatala o postponement ng eleksiyon?

Kung may problema sa pagpapatupad ng mga patakaran sa panahon ng pangangampanya, palaging sinasabi ng COMELEC na wala silang “police power” kaya hindi nila kayang patawan ng parusa ang mga pulitikong nangangampanya nang wala sa ayos. Bakit hindi sila humingi sa Kongreso at Senado ng mga batas na magbibigay sa  kanila ng “kamay na bakal” at “pangil” noong-noon pa man? At, ang dalawang kapulungan namang ito, bakit hindi rin manguna sa paggawa? Bakit pa nagkaroon ng COMELEC kung wala rin lang pala itong kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga patakaran upang magkaroon ng maayos na botohan?... at lalong, bakit nagbubulag-bulagan ang kongreso at senado sa problemang ito?

Kung may natalo namang kandidato na naghain ng reklamo, inaabot ng siyam-siyam bago maglabas ng resulta, at palagi na lang ilang buwan bago matapos ang termino ng inireklamo, kaya wala ring saysay ang pag-upo ng talagang nanalong kandidato. Ganoon kabagal ang COMELEC sa pag-aksiyon, lalo na kung kontra-partido ng administrasyon ang inirereklamo, dahil mabilis pa sa kidlat ang paglabas ng desisyon tulad ng ginawa nila kay Ejercito sa Laguna noon.

Sa isyu naman ng allowance ng mga itinatalagang titser upang tumulong tuwing panahon ng botohan, palagi na lang lumulutang ang mga reklamo na halos kalahati na ng taon ay hindi pa nila natatanggap ang ipinangakong allowance na hindi pa nga sapat sa ibang itinalaga sa mga delikadong lugar. Palaging sinasabi rin ng COMELEC na na-“release” na daw nila ang pera, ganoong naririnig ang ingay ng reklamo. Tinitipid pa ang allowance ng mga titser ganoong tuwing italaga sila sa mga polling precincts ay animo nasa hukay ang isa nilang paa dahil sa nakaambang panganib sa kanilang buhay.


Nakakatawa din ang naging reaksiyon nila sa desisyon ng Supreme Court sa kaso ni Grace Poe, na nirerespeto daw nila pero hindi katanggap-tanggap. Huwag nilang sabihing bobo ang siyam na mahistrado ng Supreme Court na gumawa ng desisyon pabor kay Grace Poe. Sa reaksiyon ng COMELEC sa isyung ito, may hindi maganda silang pinapahiwatig na lalong nagdidiin sa kanila upang mawalan ng respeto sa kanila ang taong bayan.

Discussion

Leave a response