Sinisira ng mga Panatiko ang Tunay na Kahulugan ng Pananalig at Pagsasampalataya
Posted on Tuesday, 1 March 2016
Sinisira
ng mga Panatiko Ang Tunay na Kahulugan
Ng
Pananalig at Pagsasampalataya
Ni Apolinario Villalobos
Kung ang mga taong nagkakaiba ang
pananampalataya ay nagpapakatotoo, maiiwasan sana ang kalituhan o kaguluhan sa
ibabaw ng mundo, pagdating sa ganitong bagay.
May mga sekta ng relihiyon na
pinagpipilitan ng mga kasapi na sila ang tama at ang iba ay mali, kaya sila
lang daw ang may karapatang makaligtas pagdating ng araw ng paghukom, kaya pati
ang mga namatay nilang kasapi ay babangon muli. Ang mga namumuno lang naman nila ang nagsasabi
niyan sa kanila, na ang batayan ay binagong Bibliya upang umangkop sa kanilang layunin. Sigurado
ba ang mga kasapi ng mga sektang ito na tunay na banal ang mga namumuno sa
kanila, kaya karapat-dapat na paniwalaan?
May isang relihiyon naman na pinasama ng
isang sekta nito nang gamitin ang kanilang pananampalataya upang makasakop ng
mga teritoryo, na dinadaan pa sa walang patumanggang pagpatay ng mga tao. Pati pandadamay ng mga
inosente sa pamamagitan ng paggamit ng mga nagpapatiwakal nilang kasapi ay
ginagawa din. Kaylan pa naging maka-Diyos ang pagpatay at pagpatiwakal?
Ang mga panatiko naman ng isang relihiyon
ay pasayaw-sayaw pa sa labas ng kanilang simbahan, o di kaya ay “naglalakad” na
paluhod patungong altar. Ang masama pa sa mga ginagawang ito, ang mga gumagawa
ay binabayaran ng mga tamad na gumawa ng mga nabanggit na penitensiya! Pati ang
pagsunog ng mga kandilang hugis tao upang makapaminsala ng kapwa ay ginagawa
din nila, sa labas mismo ng mga simbahan. Kaya marami ang yumaman sa pagbenta ng mga
kandilang may sumpa! Mga dasal din mula sa iba’t ibang pampleto ang kanilang
inuusal nang wala sa kanilang kalooban, kaya para na silang loro o parrot na
nagsasalita nang hindi naiintindihan ang mga sinasabi.
Mabuti na lang at kung may mga panatiko, ay
higit na nakararami naman ang mga talagang taos sa puso ang pagsampalataya, ano
man ang kinaaaniban nilang relihiyon. Ang mga taong ito na may busilak na
damdamin ang nagwawagayway ng mga
sagisag ng iba’t ibang pananampalataya upang patuloy na mamayagpag ang
pananalig ng sangkatauhan sa Nag-iisang Makapangyarihan!
Discussion