Ang Kagitingan ng Babae
Posted on Sunday, 6 March 2016
For the International Women’s Month (March)
Ang Kagitingan ng
Babae
Ni Apolinario Villalobos
Kung babalikan ang Bibliya, nakatala doon
sa sinasabing alamat ng paraiso, na ang dahilan ng pagsuway ni Adan sa utos
ng Diyos ay babae, si Eba. Kung sinasabi
din na silang dalawa ay binigyan ng malayang kaisipan, ang ginawa ni Eba ay ang
paggamit nito dahil sa kagustuhan niyang mahigitan ang kaalaman ng Diyos.
Masisisi ba natin siya? Kung ang kaisipang ibinigay ng Diyos sa mga una niyang
nilalang ay hindi malaya, hindi sana nagpatukso si Eba sa ulupong, at si Adan
ay hindi nagpadala sa pangbubuyo ni Eba. Sa ginawa ni Eba, ipinakita niya ang
lakas ng kanyang loob na magpairal ng kanyang saloobin, kaya pati ang
Manlilikha ay nakaya niyang suwayin. At, kung hindi napalayas ang tatlo (kasama
ang ulupong) mula sa paraiso, hindi sana nagkaroon ng pagkakataon ang tao na
masubukan ang kanyang katatagan sa harap ng mga pagsubok na ibinigay ng Diyos.
Sa kasaysayan, maraming mga Ebang nagpakita
ng kanilang katapangan, katatagan at kagitingan. Unahin na natin si Maria na sinasabing ina ni Hesukristo.
Nagpakita siya ng katatagan sa pagharap sa nakasisilaw na anyo ng anghel nang
pagsabihan siya nito na dadalhin niya sa kanyang sinapupunan ang manunubos ng
mundo. Hindi siya nalito at natakot, sa halip ay tinanggap niya ang anunsyo ng
buong puso at katatagan, at sa kabila ng nakatakda nilang pagsasama bilang
mag-asa ni Jose.
Marami na rin ang mga naging bayaning
babae, at ang pinakamatunog na pangalan ay si Santa Juana (St. Joan), na maski sa kaliitan ay nagawa pa rin niyang pangunahan
ang isa sa pinakamadugong pag-aklas laban sa
mapanupil na hari noong kapanahunan niya na humantong sa pagsunog sa
kanya habang nakatali sa isang tulos. At sa makabagong panahon, ang isa sa
pinakarespetadong pinuno ng bansa ay si Indira Gandhi na hanggang ngayon
ay itinuturing na simbolo ng talino ng mga kababaehan.
Sa Inglatera, nagkaroon din ng babaeng
pinuno, si Margaret Thacher, na kinilala sa kahusayan niya sa pagharap sa mga
bantang pinakita ng kalapit nilang mga bansa. Sa Pilipinas, naman ay merong
Corazon Aquino na sa kabila ng kakulangan ng kaalaman sa pagpapatakbo ng
gobyerno ay buong tapang na umako ng mga responsibilidad sa ngalan ng kalayaan.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, nababanggit ang kagitinigan ni Gabriela Silang,
Teodora Alonzo at marami pang iba, at sa isa pang alamat, si Prinsesa Urduja.
Marami pang mga kwento ng kagitingan ang
umiinog sa katauhan ng mga babae, mga matatawag na ring bayani at martir na
pilit nilabanan ang lungkot dahil sa pansamantalang pagkakalayo mula sa mga
pamilya, kumita lamang ng maayos sa ibang bansa. Sila ang mga binubugbog at
pinagsasamantalahan ng mga amo, at kung malasin ay isinasakay sa eroplano
bilang cargo dahil nasa loob na ng kabaong, maiuwi lamang sa Pilipinas. Sila
ang mga babaeng halos pigilan ang mga kamay ng orasan, magkaroon lamang ng
mahabang pagkakataon upang kumita sa pinapasukang beerh house bilang
receptionist o mananayaw. Sila ang mga babaeng maghapong nakatayo sa mga mall
bilang mga dispatsadura. Sila rin ang mga babaeng hanggang ngayon ay nasa
kabundukan at pilit na pinaglalaban ang mga karapatan ng mga inaapi. At sila
ang mga babae na halos maputol ang
hininga sa pag-ere, mailabas lamang ang isang buhay mula sa kanilang
sinapupunan.
Sila ang ating mga anak, asawa, kapatid,
pinsan, tiyahin, pamangkin, ina, lola, kapitbahay, kasambahay – mga nilalang na
malimit hindi maunawaan, kaya kung minsan, ang tanging paraan upang mabawasan
ang sama ng loob, ay ang pag-iyak na lamang. Subali’t hindi na ngayon, dahil
unti-unti na ring kinikilala ang kanilang kagitingan at dahil diyan,
nagkakaroon na rin ng imahe na dapat igalang.
Discussion