Mga Panahon ng Buhay
Posted on Friday, 4 March 2016
Mga
Panahon ng Buhay
Ni Apolinario Villalobos
Hindi lamang kalikasan ang may mga panahon
na kung sa Pilipinas ay ang panahon ng tagtuyot o tag-init at panahon ng
tag-ulan o tag-baha. Ang buhay man ay mga panahon na dumadating sa iba’t ibang
yugto nito.
Ang mga yugtong dinadatnan ng iba’t ibang
panahon ay nagbibigay ng magagandang kulay at nagsisilbing pagsubok sa
kakayahan ng tao sa pagpupumilit niyang maabot ang kanyang layunin. Dahil dito,
hindi lahat ng panahon ay kaiga-igaya…mayroon ding makabagbag-damdamin o nakakapanlumo.
Ang panahon ng kabataan ang pinakamaselang
yugto ng buhay ng tao dahil sa panahong ito hinuhubog ang kanyang pagkatao.
Malaki ang papel na ginagampanan ng magulang at kapaligiran sa paghubog ng
kabataan. Kasama na rin dito ang mga guro at paaralan. Dito dapat natututuhan
ng kabataan ang mga magagandang kaugalian lalo na ang paggalang. Para sa
kanyang ispiritwal na aspeto, malaking bagay ang nagagawa ng pagiging
maka-Diyos ng magulang o paaralan.
Mula sa pagiging bata, ang tao ay tutuntong
sa yugto ng adolensiya o pagiging tin-edyer kung saan ay may mga pagkakataon na
siya ay malilito kung kanino papanig – sa barkada ba na palagi niyang
natatakbuhan at nakakaugnayan o magulang na maski nagbigay ng buhay sa kanya ay
sa wari niya, hindi niya “mapagkatiwalaan” tungkol sa ilang bagay. Kung matibay
ang pundasyon niya bilang bata, hindi siya basta na lang matitinag mula sa mga
nakalakhan nang gawi na naaayon sa kabutihan. Subali’t kung naging pabaya ang
magulang at mga guro o paaralan na nakalimot nang magturo ng mga magagandang
asal, hindi malayong siya ay mahila ng kanyang mga barkada tungo sa daang
baluktot.
Ang panahon ng pagiging nasa tamang gulang
ay yugto kung saan ay gagawa ng maselang desisyon ang tao kung siya ba ay
papasan na ng responsibilidad na maghahanda sa kanya bilang magulang na may
sariling tahanan para sa darating na mga supling. Mabigat sa kalooban para sa
iba ang basta na lang iwanan ang tahanan kung saan siya ay iniluwal at lumaki
sa kalinga ng mga magulang at mga nakakatandang kapatid. Subali’t dahil sa
sinusundang ikot ng buhay, hindi maaaring siya ay mag-atubili kung siya ay
handa na rin lang. Sa panahong ito
maaalala ng tao ang hirap na dinanas ng magulang upang siya ay mapalaki ng
maayos at hindi salat sa mga pangangailangan – dahil gagawin na rin niya para
sa kanyang mga supling.
Ang panahon ng katandaan ay siyang
naghahanda sa tao upang magpaalam sa mundo. Sa mga naniniwala sa Diyos na
nagpapaalala na dapat putulin ang mga kaugnayan sa mga bagay na materyal habang
nabubuhay sa mundo, abut-abot ang kanilang pamamahagi ng mga yamang naipon.
Subali’t ang ibang hindi maatim na iwanan ang kanilang mga yaman ay nahihirapang
magpaalam sa mundo dahil nadadaig sila ng panghihinayang sa kanilang
pinaghirapan.
Ang mga panahong nabanggit ay nakukulayan
ng saya o lungkot, depende sa pananaw ng tao. Kung ang tao ay hindi naghahangad
ng luho, o masaya na sa kaunting kaginhawahan, lahat ng yugto sa buhay niya ay
nakukulayan ng kasiyahan. Subali’t kung kabaligtaran naman ng nabanggit ang pananaw
ng tao, dahil ang gusto niya ay umangat ang kanyang kabuhayan ng todo-todo para
magkaroon siya ng pakiramdam na animo siya ay nakatayo sa isang mataas na tore,
ano mang dami ng yaman ay hindi makakapagbigay sa kanya ng kasiyahan sa lahat
ng panahon ng kanyang buhay.
Ang mga nabanggit na sumasaklaw sa lahat ng
mga panahong dumarating sa buhay ng tao ang nagpapainog sa mundo. Kaya dahil
may mga tao na gustong saklawan ang karapatan ng iba, masiyahan lamang,
nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Ang resulta ay digmaan at mga maliitang
girian. Kung alin sa dalawa ang iiral pagdating ng panahon ay walang
makakapagsabi.
Discussion