Ang Isang Araw sa Buhay ni Duday
Posted on Thursday, 31 March 2016
Ang Isang
Araw sa Buhay ni Duday
Ni Apolinario Villalobos
Nabanggit ko na noon sa naunang blog kung
paanong sa gulang na 9 na taon ay ipinuslit si Duday mula sa Negros, sa
pamamagitan ng “pag-empake” sa kanya sa isang karton upang maisakay sa barko at
hindi masita ang recruiter. Nabanggit ko rin noon kung paano siyang ikinulong
sa kulungan ng asong pit bull ng malupit niyang amo dahil sa kawalan niya ng
kaalaman sa mga makabagong gamit, ay nasira niya ang rice cooker. At, sa loob
ng dalawang linggo ay nadanasan niyang kumain ng dog food dahil isang beses
lang sa isang araw kung siya ay bigyan ng pagkain. Upang makumpleto ang
maiikling yugto ng kanyang buhay ay binanggit ko rin kung paano siyang
pinagpasa-pasahan ng iba’t ibang amo na parang isag gamit, at ang
pinakasukdulan ng kanyang pagdurusa ay nang lokohin siya ng isang kaibigan na
nagtangay ng pinaghirarapan niyang pera na mahigit sampung libong piso.
Ngayon, inaamin ni Duday na halos hindi na
niya matandaan ang mga mukha ng mga kaanak sa Negros. Ganoon pa man, sa halip
na ituon ang isip sa mga nakaraang problema ay pamilya niya ang kanyang
pinagkakaabalahan ngayon kaya upang makatulong sa asawa ay tumanggap ng labada
mula sa mga taong nagtiwala sa kanya (hindi ko nabanggit sa unang blog),
hanggang sa maisipan niyang magbenta ng ulam at mga pagkaing bata (tsitseryang
piso ang isang balot) sa tindahan niya nasa labas lang ng kanilang tirahan. Sa
ganitong paraan ay hindi na niya naiiwan ang mga anak. Ang tindahan ni Duday ay
“nakasandal” sa firewall ng gusaling may mga paupahang kuwarto, na pag-aari ng
taong nagmagandang loob sa kanila na nagbigay ng libreng tirahan, at ang
kapalit ay ang pagbantay nila sa nasabing gusali.
Apat ang anak ni Duday, may mga gulang na 9
hanggang 5 taon kaya upang makapamili sa palengke ng mga gagamitin sa tindahan,
umaalis siya sa madaling araw, 4:00 AM,
upang pag-uwi niya bandang 5:30 AM, ay nakakapaghanda pa siya ng almusal
ng kanyang mga anak. Kung minsan ay nakakatulong ang kanyang asawa sa
pag-asikaso ng mga bata kung hindi pa ito nakakaalis ng bahay upang pumasok sa
trabaho.
Pagkagaling sa palengke ay nililinis na
muna niya at inihahanda ang mga iluluto. Paggising ng mga bata ay nakahanda na
ang almusal na kape at tinapay lang naman. Habang kumakain ang mga bata ay
ilalabas naman niya ang apat na mahahabang yerong luma at kalawangin upang isandal
sa bubong bilang harang sa init at sikat ng araw lalo na sa tanghali hanggang
hapon. Kung may palalambuting iluluto tulad ng butu-buto ng baka, ito ang una
niyang isinasalang sa lutuang kahoy ang panggatong. Isusunod niya ang iba pang
madaling iluto, pati na ang isasaing na bigas. Habang may nakasalang, ay
ilalabas naman niya ang mga pagkaing bata upang isabit – ilang piraso lang
naman.
Pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong oras ay
tapos na niyang iluto ang mga ulam kaya maaari nang i-display sa kanyang
tindahan. Nananatiling bukas ang kanyang maliit na tindahan hanggang alas otso
ng gabi upang makapagbenta man lang ng kape sa mga kapitbahay. Sa madaling
salita, ang isang araw ni Duday ay nagsisimula sa madaling araw hanggang alas
otso ng gabi. At sa “pagsara” niya ng tindahan ay hahakutin uli niya ang
mahahabang yero sa loob ng compound upang hindi manakaw….mag-isa niya itong
ginagawa kung wala ang kanyang asawa.
Ang tanong ko sa mga misis na reklamador sa
kabila ng pagkakaroon ng mapagmahal na mister at masaganang daloy ng pera mula
sa ATM tuwing araw ng suweldo niya….kaya ba ninyo ang ginagawa ni Duday? Kung
hindi, mag-sorry kayo sa mister ninyong madalas ninyong awayin dahil sa madalas
niyang pag-overtime o dahil hindi kayo naibili ng mamahaling alahas na ginto sa
araw ng inyong bertdey!
Ang isa pang leksiyon sa kuwento ng buhay
ni Duday…. magpasalamat tayo kahit sa katiting na biyaya lalo na ang pagkaroon
ng magandang kalusugan upang ma-enjoy natin ang buhay sa mundo. Magpasalamat
ang mga hindi niresetahan ng mga gamot para sa iba’t ibang sakit, at para sa
“maintenance” ng kalusugan. Hindi ko na isa-suggest na mag-share ng pera ang
may sobra-sobra nito dahil alam kong sasama lang ang loob nila at baka
mag-comment lang ng, “bahala sila sa buhay nila”, kaya sasama naman ang loob
ko.
At higit sa lahat……huwag humingi ng
limpak-limpak na salapi kay Lord sa pamamagitan ng dasal at baka kung mainis
Siya ay kidlat ang ipatama sa makukulit na mukhang pera habang nagdadasal sa
loob ng mga katedral! Sa dami ng mga mukhang pera ngayong nagdadagsaan sa mga
katedral upang humingi ng pera kay Lord, siguradong mawawasak ang mga katedral
kapag sabay na tumama ang mga kidlat!
Discussion