Ang Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya (tungkol ito sa "chain prayer" at iba pa)
Posted on Tuesday, 1 March 2016
Ang
Pagpapalaganap ng Pananalig o Pananampalataya
(tungkol
ito sa “chain prayer” at iba pa)
Ni Apolinario Villalobos
Maraming paraan ang maaaring gamitin sa
pagpalaganap ng pananalig o pananamapalataya sa Diyos. Subali’t magandang gawin
ito sa paraang walang karahasan o pamimilit.
Ang isang halimbawa ay ang ginagawa ng ISIS
sa Gitnang Silangan na gumagamit ng dahas upang maisakatuparan ang hangad
nilang mapalawak ang pamumuno ng “Islamic Caliphate”. Inabuso din nila ang
tunay na kahulugan ng “jihad” na ginamit nilang pangbalatkayo sa pulitikal
nilang layunin.
Ang iba naman ay gumagamit ng “literal” na
kahulugan ng mga sinasabi sa Bibliya upang ipakita na malawak na ang narating sa
kababasa ng nasabing libro. Hindi man lang nila naisip na ang Bibliya ay may iba’t-ibang
bersiyon na ginagamit ng iba’t- iba ring relihiyon. Ang matindi pa nga ay ang
sinadyang pagkaltas ng ibang bahagi ng nasabing libro upang umangkop sa layunin
ng mga namumuno ng relihiyon.
May mga taong sumasampa sa mga bus at jeep
o di kaya ay nagtitiyagang magsalita sa matataong lugar tulad ng palengke. Ang
iba naman ay naghahanap ng makikinig sa kanila kaya umiistambay sa mga mall at
liwasan o park tulad ng Luneta. Karamihan sa kanila ay nag-resign sa trabaho
upang bigyan ng halaga ang “nararamdaman” daw nilang utos sa kanila ng Diyos,
kaya ang resulta….pagtigil ng pag-aaral ng mga anak, at kagutuman ng pamilya.
Ang mga nasa palengke naman ay matiyaga din, at kadalasan ay grupo sila –
habang ang isa ay nagsasalita o kumakanta sa harap ng mikropono, ang mga kasama
naman niya ay nakakalat hanggang sa paligid ng palengke na hindi na abot ng
loud speaker, lumalapit sa mga tao habang may hawak na lagayan ng “donation”.
Noong wala pa ang computer, ang tawag sa daluyan
ng teknolohiyang hatid ng radyo at telebisyon ay “air wave”. Ngayon naman ay
may mas malawak na daluyang kung tawagin ay “cyberspace”. Kung noon ay may “air
time” na binabayan ang mga maperang pastor na kung tawagin naman ay “block
timer” upang magpalaganap ng mga salita ng Diyos ayon sa kanilang paniniwala, ngayon
ang napakasimpleng gagawin lang ng isang tao ay magbukas ng facebook account,
at presto!...mayroon na siyang venue, o outlet, o labasan ng kanyang mga
saloobin.
Ang “facebook” naman ay para lang sana sa
mga larawan ng mga magkaibigan upang maipakita nila ang aktwal nilang hitsura o mga ginagawa lalo na
ng pamilya, na maaring samahan ng maikling bagbati. Subalit dahil nakita ang
lawak ng inaabot ng facebook, naisip ng mga may malakas na pananampalataya na
magpalaganap ng kanilang paniniwala sa pamamagitan ng paglagay sa “frame” ng
mga dasal na ginamit sa “chain” o tanikala upang marami ang marating na
kaibigan. Ang nakasama ay ang “babala” o warning na kung hindi ipagpapatuloy ng
nakatanggap ay may mangyayaring sakuna o kamalasan sa kanyang buhay. Ang mga
may mahinang pundasyon ng pananalig ay natataranta at natatakot dahil kung
minsan ang natatanggap nila ay may warning na “dapat ay sa 50 na kaibigan” ipaabot. Kaya ang
mga kawawang nakatanggap na ang kaibigan sa facebook ay wala pa ngang 10 ay hindi na magkandaugaga sa paghanap ng iba pang
tao kahit hindi gaanong kilala upang umabot lang 50 ang kanyang padadalhan! Ang
iba ay hindi makatulog dahil dapat daw ay ikalat ang dasal sa loob ng 24 na
oras!
Sa isang banda, hindi dapat ipinipilit ang
pagyakap sa isang paniniwala na mula’t sapul ay ayaw ng isang tao. Hindi dapat
idaan sa “chain prayer” ang pagpapalaganap ng pananalig sa Diyos, kung mismong ang
nagpadala ay hindi rin gumagawa ng dapat gawin ayon sa dasal na ikinakalat
niya. Paano kung ang pinadalhan ay bistado ang ugaling masama ng nagpadala?
Alalahaning hindi nakokontrol ang ganitong uri ng pamamahagi o sharing at hindi
maiwasang magkakabistuhan ng ugaling “plastic”. Ang mangyayari niyan, baka
libakin pa ang nagpada ng “chain prayer”, ng mga pinadalhan niya dahil sa
kanyang pagkukunwari. Yan ang dapat pag-ingatan sa paggamit ng “social media”
tulad ng facebook.
At, ang pinakamahalaga….dapat alalahaning,
mas malakas ang internet sa “itaas”….iba ang gusto ni Lord na mangyari, ang
ipakita sa gawa at kilos ang mga Salita Niya, hindi ipakalat sa facebook na may
kasamang pananakot….dahil marami nang taong pagod sa mismong pananakot ng ibang
relihiyon na ang gagawa ng masama ay “mahuhulog sa nag-aapoy na impyerno”!
Discussion