Mag-ingat sa Email at Facebook Scams
Posted on Tuesday, 15 March 2016
Mag-ingat
sa Email at Facebook Scams
Ni Apolinario Villalobos
Huwag basta buksan ang email na natanggap
kahit may pangalan ng kaibigan, lalo na kung walang inaasahang ganito mula sa
kanya. Nakakaduda ang email kung walang subject man lang na dapat ay familiar
sa magkakaibigan. Nananakaw na kasi ang mga email password at ginagamit ito ng
mga hacker sa masamang paraan. Ang kadalasang mensahe sa email ay
nangangailangan daw ang nagpadalang “kaibigan” ng pera dahil “stranded” sa
isang bayan o bansa kaya kailangang padalhan agad ng dollar sa pamamagitan ng
Western Union.
Ang isa pang klaseng scam sa email ay yaong
may pangalang hindi kilala ng pinadalhan, at karaniwang subject ay “Hi”. Ang
nilalaman ng mensahe ay paghingi naman ng tulong dahil daw pinamanahan ang
nagpadala ng email ng malaking halagang pera, pero dahil baka maubos lang daw
sa tax na ipapataw ng kanilang bansa, kailangan daw ideposito ang pera sa ibang
bansa upang makaiwas kaya kailangang magbukas ang pinadalhan ng email ng dollar
account, pero may laman na at least ay $5k man lang. Mababawi naman daw ang
dinepositong pera at may 20% pang regalo mula sa perang ideneposito pagdating
sa Pilipinas ng nakipagkaibigan. At ang pinadalhan ng request ay pwede ring
sumama sa hinayupak na scammer sa pagbalik nito sa kanilang bansa o sa mga
babakasyunan-grandeng bansa sa Europe. Kapag kinagat ito, goodbye ka na sa $5k mo!
Ang isa pa ay nanggagaling naman sa isang
“estudyante” daw, taga-ibang bansa pa rin, at pinagmamalupitan daw ng magulang
kaya lumayas at nakikitira lang sa isang kaibigan. Matataas daw ang mga grado
niya at sayang kung titigil kaya kailangan ng perang pang-tuition. Ang isa pang
style ng mensahe ay nakikitira naman daw ang “estudyanteng” nagpadala ng email
sa isang kumbento at gusto niyang magtrabaho na lang o maging working student
kaya kailangan niya ng perang pang-upa sa boarding house para sa limang buwan
man lang at pambili ng pagkain sa loob din ng panahong nabanggit.
Dalawang beses akong napadalhan ng mga
email na nabanggit ko, pero dini-delete ko agad. Ang isa naman ay pumasok naman
sa message ng facebook ko at ang nakita kong larawan ng nagpadala ay sa isang
matandang foreigner. Ang message ay “how are you?”. Nang i-check ko ang
facebook niya ay walang laman as in talagang wala kahit na personal info man
lang! Hindi ko siya kilala kaya hindi ko pinansin. Nagsawa din yata sa
pagmi-message kaya tumigil na. Naisip ko
na kung viewer ko siya, at seryosong gumagamit ng social media, dapat ay may
laman ang facebook niya. Hindi rin dapat
sa facebook ko siya nagpadala ng message kundi nag-comment sa ibang sites na
nilalagyan ko ng blogs na dapat ay nabasa niya, dahil ang mga sites na ito ang
karaniwang nababasa ng viewers sa ibang bansa.
Kamakailan lang, ang pinakamalaking scam na
idinaan sa cyberspace ay ang pumutok na balita tungkol sa na-hack na bank
account ng Bangladesh at ang perang
nakuha ay inilagak sa ilang kilalang bangko sa Pilipinas. Bilyong dolyar ang
nanakaw na pera at muntik nang makalusot kung walang nangyaring pagkakamali sa
isang transaction.
Bilang payo……huwag matakaw sa pagnanasa ng
maraming kaibigan sa facebook at maging gahaman sa pera upang makaiwas sa
kapahamakan…
Discussion