0

Ang Mga Sistemang Korap sa Gobyerno ng Pilipinas

Posted on Monday, 7 March 2016

Ang mga Sistemang Korap sa Gobyerno ng Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Kamakailan lang ay sinabi ni Secretary Abaya ng DOTC sa isang interview na huwag palaging paandarin ang mga escalator at elevator ng Metro Rail Transit upang hindi sila masira agad dahil sa pag-aagawan sa pagsakay ng mga pasahero. Ano kaya ang pumasok sa utak niya at sinabi niya ito? Kaya nga naglagay ng mga ganoong pasilidad ay upang magamit ng mga pasahero dahil kasama ang mga ito sa binabayarang pamasahe. At, lalong kailangan ito ng mga may kapansanan, matatanda, at buntis na pasahero. Para makumpleto ang mga “maganda” niyang panukala, sana ay sinabi na rin niyang huwag palaging ipagamit ang mga kubeta upang hindi pumanghi o bumaho!...yan ang Departmet of Transportation and Communication!

Talagang matindi ang virus ng korapsyon sa mga opisina ng gobyerno. Dahil sa kagustuhan din ng mga ahensiyang magkaroon ng malalaking bonus na binabatay sa natipid na pondo ay pinagpipilitan nila ang pagtitipid kahit hindi dapat, kaya ang mga bakanteng puwesto ay hindi nilalagyan ng bagong empleyado upang makatulong sana sa pagpabilis ng serbisyo nila. Ang ibang mga gamit sa opisina ay hindi binibili, at kung bilhin man, ay pinipili nila ang pinakamura kaya mahina ang uri. Halimbawa, ang stapler, kapag bumagsak sa sahig ay siguradong warat agad - sabog! Ang mga ballpen ay yong uri na sandaling gamit lang “naglalaway” na o kumakalat ang tinta kaya nakakadumi ng daliri at papel. May mga “pinapatay” na linya ng telepono upang makatipid, kaya hirap sa pagkontak ang taong bayan, at tinitipid din ang langis ng mga service cars kaya hindi nakakapagtupad ng mga responsibilidad.

Karamihan sa mga proyekto ng gobyerno ay magandang-maganda sa simula dahil kailagan para sa mga photo opportunities, pero makalipas ang ilang buwan at taon ay nanlilimahid na, tulad ng LRT at MRT, pati mga gusali. Ang mga concrete divider-cum-planter sa ilalim ng LRT sa simula ng operasyon ay may mga tanim, pero ngayon, ang nasa bahagi ng Baclaran at Pasay ay naging basurahan, at ang nasa bahagi naman ng Maynila ganoon din dahil ang ginawang pagpaganda noon ni Atienza ay hindi naipagpatuloy ng pumalit na si Lim, dahil hinayaang mamatay ang mga tanim. Ngayon ay tinatamnan uli sa ilalim ng administrasyon ni Estrada, subalit marami ang nagdududa dahil siguradong hindi rin tatagal.

Ang mga makukulay na poste ng ilaw sa kahabaan ng Roxas Boulevard, dahil gawa sa plastic, ngayon ay nanlilimahid na kung hindi man basag. Ganoon din ang nangyari sa mga ilaw ng mga tulay sa Quiapo at Sta. Cruz sa Maynila. Makulay sana sila subalit maigsi ang buhay, kaya hantarang hindi pinagplanuhang mabuti kung anong materyal ang nararapat upang tumagal. Hindi na kailangang ipaliwanag pa ang mga kalsadang maya’t maya ang pag-repair dahil obvious na mahina ang timpla ng semento at aspaltong ginamit. Paano nga namang pagkikitaan palagi kung matibay at tatagal ang mga ito ng maraming taon?

Noong panahon ni Gloria Arroyo ay sinisita niya ang ahensiyang nakatalaga sa paglinis ng mga estero, kaya kumikilos sila. Ngayon dahil walang pakialaman ang presidente, ang mga duming naipon sa mga estero ay  animo kalsada na dahil tumigas na ang makapal na basurang naipon at ang iba ay tinubuan pa ng damo!

Ganyang-ganyan ang nangyayari sa kawawang Pilipinas…naiipunan ng basurang dulot ng korapsyon. Ang sistemang tumigas na sa kapal ng korapsyon ay hindi na makagalaw, kaya mahirap baguhin.



Discussion

Leave a response