0

Bernard Fetalvero-de la Cruz at Ian Paredes-Atrero...naghuhubog ng mga kabataan ng Real Dos (Bacoor City)

Posted on Tuesday, 1 March 2016

Bernard Fetalvero- de la Cruz at Ian Paredes -Atrero
...naghuhubog ng mga kabataan ng Real Dos (Bacoor City)
Ni Apolinario Villalobos

Kabataan pa lang niya ay nakitaan na si Bernard de la Cruz, 26 taong gulang ngayon, ng pagkahilig sa basketball, kaya hindi nakapagtataka ng naglaro siya sa koponan ng SFACS high school at sa college naman ay naging varsity player ng kanilang paaralan, ang Emilio Aguinaldo College. Nasa lahi nila ang pagiging basketbolista dahil ang kanyang tatay ay naging PBA player. Mapalad si Bernard dahil noong kabataan niya ay hindi pa uso ang computer at internet cafĂ© kaya ang panahon niya ay nagugol sa paglaro ng basketball. Malaki ang pasasalamat niya kay Wilson “Bong” de Jesus sa paghubog sa kanya pati na ang iba pa niyang kababata sa paglaro ng basketball. Hindi naging maramot si Bong sa pagbahagi ng mga nalalaman niya sa larong ito, kaya maraming natutuhan si Bernard at ang iba pang mga kabataan. Natanim sa pagkatao ni Bernard ang disiplina kaya madali niyang natutunan ang iba’t ibang teknik sa paglaro tulad ng pag-“grind”.

Ngayon, maliban sa pag-alaga ng nanay niyang na-stroke, full time din siyang Church worker na nagtitiyaga sa pagtuturo ng pag-unawa sa Bibliya sa mga kabataan ng barangay. Ayon sa kanya,
“…masaya na ako na gumagaling ang mga kabataan sa paglaro ng basketball at nalalayo sila sa masamang bisyo…nagiging responsible at disiplinado. At, naisi-share ko din yung faith ko kay Jesus Christ sa kanila….si Ian ang team mate ko na super solid brother ko in this life and the next ay nandiyan din na palagi kong katuwang.” Malaking bagay din ang pagiging magka-tandem nila ni Ian. Naging matatag ang spiritual foundation nito dahil sa naibabahagi niyang mga ispiritwal na bagay, lalo na ang pananalig sa Diyos.  Dahil sa tiwala nila sa isa’t isa, nabuo nila ang team ng mga kabataan ng Real Dos. Dagdag pa niya, “ang main goal talaga namin ni Ian sa pagtuturo ng basketball is to honor God, and to share our faith with the youth…guide them to become better persons on and off the court…kaya, lahat ng ginagawa namin is to honor God dahil sa paniniwala kong all glory belongs to Jesus, at lahat ng ginagawa namin ay in His name.”

Tulad ni Bernard, si Ian Atrero, na ngayon ay 25 taong gulang na, ay unang natutong maglaro ng basketball sa Perpetual Village 5 noong kabataan niya. Malaking bagay sa kanya ang mga natutunan niya dahil napasama siya sa Adamson Junior Falcons sa loob ng dalawang taon – 1969 at 1970. Napasama din siya sa coaching staff para sa “Camp and Play Basketball”  na pinangunahan noon ni Coach Dayong Mendoza, na coach din niya noong siya ay nasa high school. Si Mendoza ang naging inspirasyon ni Ian sa adbokasiyang paghubog ng mga kabataan ng Real Dos. Dahil sa inspirasyong nabigay ni coach Mendoza sa kanya, sumidhi ang pagpursige niya na lalong matuto sa larong ito.

Naging MVP siya ng BPO Classics, major league ng mga BPO companies. Nakamit niya ang karangalan sa murang gulang, kaya nasabi niyang, “… pag gusto mo ang isang bagay, magagawan mo ng paraan upang makamitt ito…minsan kasi choice lang lahat yan…kung choice mong mag-excel, eh, di sipagan mo…kung gusto mong maging tamad, eh, di choice mo pa rin yon”. Dagdag pa niya, “the choices we make today will determine our future…in personal matters, and in sports…I am a simple kid lang before na mahilig maglaro ng basketball sa village court kahit tanghaling tapat…nangarap at nagsipag para makasama din sa isang varsity team na natupad naman…nagpapasalamat ako sa mga taong nagturo sa akin noong bata pa ako…una, dahil wala silang bayad at ang goal nila ay may matutunan ako at mga kababata ko, kasama ang pag-enhance ng skills na meron na kami…at, ang isa pang masasabi ko ay natuto ako dahil sa pagtitiyaga at pagsisipag ko na rin...naniniwala ako na kaya kong makipag-compete sa iba…I am not born talented but I am born with determination to work hard coupled with determination.” Nagtatrabaho si Ian ngayon bilang Learning and Development Analyst or e-Learning Developer, ngunit, ang talagang balak niya noon ay maging propesor.

Dahil magkasama na mula noong bata pa sila, nag-usap sina Bernard at Ian tungkol sa kaya nilang gawin upang makatulong sa mga kabataan ng barangay Real Dos, at tulad ng inaasahan, sumentro ang usapan sa basketball na pareho nilang hilig. Ang unang pangarap ni Ian na maging propesor ay magagamit sa “pagturo” na animo ay titser, ng mga kabataan sa larangan ng basketball, na tatapatan naman ng pagiging maka-Diyos ni Bernard isang full-time Church worker ngayon, upang ang matutunan ng mga kabataan ay hindi “magaspang” na uri ng paglaro.

Nagtugma ang kanilang mga adhikain dahil para sa kanila, napapanahon na ang pagpasa ng mga natutunan nila…kung baga ay, “it’s payback time”, ayon na rin sa kanila. Hindi nila pwedeng bayaran ang mga nagturo sa kanila noon, kaya ang utang na loob ay ipapasa na lang nila sa iba. Naantig ang damdamin nila habang  pinapanood noon ang mga kabataan na nagpipilit na matutong mag-shoot ng bola at kumilos ayon sa hinihingi ng larong nabanggit. Walang technicalities at systematic organization. Umiral siguro ang mental telepathy sa pagitan nilang dalawa kaya sandal lang ay nakabuo agad sila ng mga plano. Inuna nila ang “inspirational stage” kaya nag-share sila ng mga karanasan nila sa mga kabataan upang matanim sa kanilang isipan na ang laro ay hindi lang pag-shoot o pagpasa ng bola. Ibinahagi nila ang dinanas nilang hirap at sarap upang matuto. Sumunod ay ang paggawa ng iskedyul – tuwing Sabado habang may pasukan sa eskwela, pero babaguhin pagdating ng bakasyon.

Sa ngayon, lahat ng gastos ay hinuhugot nina Bernard at Ian sa kani-kanilang bulsa, kasama na ang para sa paminsan-minsang snacks na kapalit ng magandang performance ng mga tinuturuan nila sa pag-practice. Hindi kasubuan ang turing nina Bernard at Ian sa pinasok nilang adhikain kaya handa sila sa mga bagay na may kinalaman sa kanilang sinimulan, tulad ng mga pinangarap na cones, bola, uniporme at iba pa. Hindi madaling sabihing pag-iipunan nila ang mga ito, na nakatanim sa kanilang isipan dahil sa laki ng halagang kakailanganin. Subalit tulad ng sinabi ni Ian sa unang bahagi nitong sanaysay, “kung gugustuhin ay talagang magagawan ng paraan”.

Naniniwala ako sa  “milagro” dahil isa ito sa mga ginagamit ng Diyos na paraan upang makapagbukas ng isipan ng tao upang siya magbago. At ang “milagro” ay nangyayari nang hindi inaasahan kung minsan, kahit hindi hinihingi ang isang bagay. Malay natin….may matanggap na “grasya” sina Bernard at Ian, ang dalawang taga-hubog ng kabataan ng Real Dos, na pondo upang magamit sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan, at susundan pa ng magagamit naman sa pagbili ng iba pa? Manalig lang sa kapangyarihan ng Diyos, wika nga ni Bernard!...at magsikap din, wika naman ni Ian!

Sa pamamagitan nitong isinulat ko, nanawagan ako sa mga may gintong puso at gustong tumulong sa adhikain nina Bernard at Ian.















Discussion

Leave a response