Asher: Masipag na "Errand Girl"
Posted on Tuesday, 22 March 2016
Asher:
Masipag na “Errand Girl”
Ni Apolinario Villalobos
Nang minsang kumain ako sa isang maliit na
karinderya sa kanto ng mga kalyeng Soler at San Bernardio sa Sta. Cruz ay
natawag ang pansin ko ng isang batang lumapit sa may-ari ng karinderya at
nagsabing, “pwede na po akong bumili”. Ang nagsalita ay isang maliit na batang
babae, na maayos ang bihis at ang kausap niya ay ang may-ari ng karinderya.
Siya si Asher na nakapalagayan na ng loob ng may-ari ng karinderya upang bumili
ng mga kailangan niya sa kabilang kalye lamang.
Nakakatuwa si Asher dahil sa gulang na
pitong taong gulang ay marunong nang dumiskarte upang makaipon ng pambaon sa
eskwela. Sa pasukan, siya ay tutuntong na sa grade 2 at ayon sa lola niyang si
Marissa Marcelino na may karinderya rin sa katabing bahagi lamang, masipag daw
itong mag-aral at hindi tamad gumising ng maaga upang makapaghanda sa pagpasok.
Ang nanay ni Asher na si Aizza ay anak ni
Marissa, at sidewalk vendor din sa Cubao. Halos lumaki na sa lola si Asher na
nakatira rin sa lugar na yon kaya kahit sa buong maghapong wala ang nanay niya,
ay palagay ang kanyang loob. Maliban kay Asher ay nasa kalinga rin ng lola ang
isa pang apo na umaalalay sa kanya sa karinderya dahil nauutusan din subalit
may pagkasutil nga lang kaya alaga nitong kulitin ang kanyang pinsan na hindi
kumikibo. Mas matanda kay Asher ang kanyang pinsan dahil ito ay siyam na taong
gulang na subalit nasa grade one pa rin.
Matatas at diretso sa pakikipag-usap si
Asher kahit sa mga nakakatanda sa kanya at hindi nakikitaan ng pagkakimi o
pagkamahiyain kaya natutuwa sa kanya ang mga nakakakilala sa kanya. Ganoon pa
man hindi nawawala ang pamumupổ nito sa mga nakakatanda. Hindi tulad ng
ibang bata, hindi na raw hinihintay ni Asher na utusan siya kung ano ang
gagawin paggising niya sa umaga. Kusa siyang naglilinis ng katawan bago
magpresenta ng sarili upang mamili.
Nang umagang yon na natiyempuhan ko si
Asher, namili muna siya bago kumain ng almusal kasabay ang pinsan niya. Subalit
ang kapansin-pansin ay ang pagiging tahimik niya at kawalan ng kilos-paslit.
Tuluy-tuloy ang pagkain niya hanggang makatapos, walang kung anu-ano pang
ginagawa na karaniwang ginagawa ng ibang bata. Pagkatapos niyang kumain ay
umupo lang siya sa isang tabi upang maghintay na naman ng iuutos sa kanya. Sa
bawat utos ay may binibigay sa kanyang pera na iniipon naman niya.
Ang palayaw pala ni Asher ay “pango”
(flat-nosed), pero itong bansag ay natatakpan ng pagkatao niya na ang
pagkabusilak ay nakakasilaw!
Discussion