Ang Iba't-ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao...nagtatanong lang naman
Posted on Tuesday, 29 March 2016
Ang
Iba’t-Ibang Kasilbihan sa Buhay ng Tao
…nagtatanong
lang naman
Ni Apolinario Villalobos
Ano ang silbi ng magaling na abogado kung
ang kanyang kaalaman ay binabayaran ng mga tiwali sa pamahalaan, mga big time
drug dealers, illegal recruiters, landgrabbers, at iba pa upang maabsuwelto sa
mga kaso, o di kaya ay binabayaran ng mga talagang may kasalanan upang ang
walang sala na walang pambayad sa isang abogado ay makulong?
Ano ang silbi ng katalinuhan ng isang tao
kung gagamitin niya ito upang manloko ng kapwa, o di kaya ay upang makapasok sa
larangan ng pulitika kung saan ay nagmimistula na siyang demonyo dahil sa
walang tigil na pagyurak sa karapatan ng kanyang kapwa na nagluklok sa kanya sa
puwesto upang sana ay makatulong, subalit, kabaligtaran ang ginawa?
Ano ang silbi ng naaaaapaaakahabang dasal,
ganoong ang gusto lang namang hingin ng nagdadasal ay yaman “pa more”, di kaya
ay kapahamakan ng kapwa na sinasabayan pa ng pagtitik ng kandila?
Ano ang silbi ng dasal na maganda pa ang
pagka-kuwadro sa mga facebook na nila-like at sini-share, kung ang gumagawa ng
mga ito ay hanggang doon lang ang gusto – ang mag-admire lang sa prayer na
maganda ang pagka-layout at may background pa, at ang iba ay may accompanying
music pa kung i-like, sa halip na bigyan ito ng buhay sa pamamagitan ng
paggamit ng nakasaad sa sinasabi? (maski ilang milyong beses pang mag-share ng
“love your neighbor” ang isang taong hindi nagbabago ng masamang ugali, wala
ring silbi ang ginawa niya).
Ano ang silbi ng malalaking simbahan kung may
araw na sarado ang pinto nila dahil ang mga nangangasiwa sa mga ito ay nag
day-off?
Ano ang silbi ng mga sinasabi ng bagong
santo papa ng Romano Katoliko para sa pagbabago ng ilang mga “pastol” o mga
pari kung hindi naman sila sumusunod?
Ano ang silbi ng K-12 program na nagdudulot
ng bangungot sa mga magulang kung hanggang
Grade 9 lang ang kaya nilang tustusan, kaya bagsak pa rin ang mga anak
nila sa mga contractual na trabaho na sumusweldo ng 200-300 pesos sa isang
araw? (nagsayang lang ang mga bata ng dalawang taon na ginugol sa Grade 7- 8,
na dapat sana ay katumbas na ng diploma ng high school).
Ano ang silbi ng Kongreso at Senado kung
hindi rin lang sila makapagpasa ng mga batas na “angkop” sa mga kasalukuyang
sitwasyon at pangangailangan, dahil mga batas lamang na nakakatulong sa
pagtagal nila sa poder ang kanilang inaapura?
Ano ang silbi ng demokrasya kung mismong
mga namumuno ay pasimuno sa pag-abuso ng mga karapatan ng mga mamamayan?
Discussion