0

Habang Hindi pa Ulyanin, Pairalin ang Common Sense Bilang Paghahanda sa Pagtanda

Posted on Tuesday, 30 May 2017

Habang Hindi Pa Ulyanin, Pairalin ang Common Sense
Bilang Paghahanda sa Pagtanda
Ni Apolinario Villalobos

Kapag umabot na sa retired age na alam na ng lahat kung ano, dapat ang taong tumatanda ay palaging gumamit ng “common sense” habang hindi pa siya ulyanin at kaya pa niyang mag-isip ng maayos. Ang mga sumusunod ay mga suggestions na dapat gawin o pag-isipan bilang paghahanda (pero, take it…or leave it…walang pilitan):

·        Para sa mga mag-asawang parehong buhay pa, dapat ay dagdagan pa ang pagiging mabait sa isa’t isa upang ang unang mamatay ay hindi libakin ng naiwang nabuhay na partner tungkol sa mga kaaliwaswasang pinaggagawa nito (namatay). Marami akong nakausap na biyudo at biyuda na sa mismong lamay ng kanilang namatay na asawa ay pinagkukuwento ang mga katarantaduhan nila pero idinadaan sa biro, sabay sabi ng,”parang nabunutan ako ng tinik nang mategok yan (sabay turo sa kabaong)”.

·        Maging mabait sa mga anak para pagtanda mo ay may mag-aalaga na mabuti sa iyo, hindi yong hahayaan ka na lang na namamaho o nangangamoy sa isang tabi kung saan ka tumae o umihi, o di kaya ay pakakainin ka ng isdang maraming tinik, etc….bilang ganti sa pagmamalupit at pagpapabaya mo sa kanila. Maraming ganyang uri ng anak ngayon na mas mahal na mahal pa ang gadget kaysa magulang.  May nakita akong matandang nanay na halos hindi na makakilos, pero kinakaladkad ng anak sa labas ng bahay upang paliguan, hindi pwede sa banyo sa loob ng bahay dahil baka madumihan ang tiles na sahig! Ang isa ko pang nakita ay isang lola na wala nang ngipin na pinakain ng malaking hiwa ng karne kaya halos mamuwalan ito, pero dahil gutom ay nguya lang siya ng nguya gamit ang mga gilagid (gums) habang pinagtatawanan ng mga anak at apo.

·        Magtabi ng pera para sa katandaan at piliin ang anak na mapagkakatiwalaan na siyang mangangalaga sa naipong pera na gagamitin mo pagdating ng panahong hindi ka na makapunta sa bangko. Ang anak na ito rin  ang mangangalaga sa iyong mga pangangailangan gamit ang perang inipon mo. Kung walang anak na mapapagkatiwalaan, pumili ng kamag-anak na matagal mo nang kilala at mas maganda ang ugali kaysa iyong mga anak .

·        Kung lahat ng mga anak ay suwail, at ang mga kamag-anak naman ay puro mukhang pera kaya walang mapapagkatiwalaan, pumili ng isang “home for the aged” na ang nangangalaga ay mga madre at makipagkontrata tungkol sa balak mong pagtira sa kanila at ang kapalit ay donation mo. Ipaalam o sabihin sa mga mapapagkatiwalaang kaibigan mo at mga anak nila ang iyong ginawa upang pagdating panahon ay mati-check nila kung inaasikaso kang mabuti ng mga madre. Huwag nang asahan ang mga anak at kamag-anak tungkol sa bagay na ito.

·        Huwag piliting gawin ang pinagbabawal ng doctor dahil nakakasama sa iyong kalusugan, tulad ng pag-inom ng alak, pagsisigarilyo, pagkain ng mga pagkaing magbibigay ng sakit sa iyo, etc. Pero kung talagang ayaw mo nang mabuhay nang matagal, itodo mo ang pagkain ng mga bawal, magpakalasing at manigarilyo ka rin sa loob ng 24/7. Huwag ka lang magsisi kapag nagkaroon ka ng kanser, o na-stroke kaya nagkandangiwi-ngiwi ang mukha o hindi na halos makalakad, o di kaya ay bumubuga na ng dugo kapag umubo….dahil lumigaya ka naman sa mga bisyo mo!

Ang “common sense” ay hindi binibili kundi likas na bahagi ng ating diwa mula pa noong tayo ay ipinanganak at nadi-develop habang tayo ay lumalaki. Nakakatulong sa pag-develop ng common sense ang pagmamasid natin sa ating mga kapaligiran lalo na ang ginagawa ng ibang tao. Kung minsan, nalalaman natin ang ating pagkakamali kung nakita nating ginawa ito ng ibang tao…kaya dapat palaging handa tayong tumanggap ng pagkakamali upang hindi na maulit pa lalo na pagdating ng panahong tayo ay matanda na.


Palaging nasa huli ang pagsisisi, pero paano kung hindi na tayo makakilos habang nakahiga, o di kaya ay may Alzheimer’s disease o ulyanin na tayo, kaya makikita na lang tayo na nagtatampisaw sa sariling ihi o naglalamutak ng sariling tae? 

Discussion

Leave a response