May Isang Roger....
Posted on Sunday, 21 May 2017
May Isang Roger…
By Apolinario Villalobos
May isang Roger (hindi tunay na pangalan) akong nakilala sa
barangay na aking dinaanan. Napansin ko kasi ang isang magandang resort na
pang-international and kalibre. Nang magtanong ako ay binanggit ang pangalan
niya kaya hinanap ko. Ang nakilala kong may-ari ay naka-short ng maong at
t-shirt na kupasin at may mga butas, parehong halatang binili sa ukayan.
Ayon sa kanya, hindi siya degree-holder dahil kapos sa pera
ang kanyang mga magulang. Magsasaka ang kanyang tatay at may maliit na tindahan
naman ang kanyan nanay. Pagtatanim at pag-aani ng palay ang kanyang
kinalakihang trabaho at isa pang kapatid na lalaki na si Zaldy (hindi tunay na
pangalan). At kahit sa baryo ipinanganak at lumaki, hindi naging hadlang ang
kanyang katayuan sa kanyang pinangarap na maginhawang buhay pagdating ng tamang
panahon.
Wala siyang diplomang pinagmamalaki , pero proud siya dahil
ang kanyang kapatid na babae ay naging degree holder at nagkaroon ng mataas na
puwesto sa isang government agency, at tatawagin kong Myrna (hindi tunay na
pangalan). Hindi rin siya naiimbitahan sa mga pagtitipon sa bayan dahil ang mga
barkada niya ay tulad din niyang mga taga-baryo. Lahat silang magkakapatid ay
nagsikap sa abot ng kanilang makakaya upang mapakinabangan ang kapirasong
lupang kanilang nililinang. Ang buong pamilya nila ay nagsiksikan sa isang
maliit na bahay na unti-unting dinugtungan upang magkaroon ng kaluwagan sila sa
pagkilos sa loob lalo na sa pagtulog.
Hindi siya nasiraan ng loob nang pumanaw ang kanilang mga
magulang, at sa halip ay pinag-ibayo pa niya ang kanyang pagsisikap bilang
panganay sa mga lalaking magkapatid. Sinubukan niyang mag-buy and sell ng palay
at nagtagumpay naman hanggang makapagpatayo ng gilingan (rice mill) at makabili
ng trak ng panghakot ng mga palay. Lalo pa siyang nagtagumpay nang
makapag-asawa ng isang masinop at magaling humawak ng pera. Sa pag-usad ng
panahon nagkaroon sila ng mga anak na naigapang nilang mag-asawa upang lahat ay
makatapos ng kolehiyo.
Dahil ang kanilang baryo ay nasa paanan ng burol kung saan
ay natuklasan ang isang bukal, naisipan niyang magpatayo ng isang maliit na
resort na sa kalaunan ay lumaki at lumawak ang nasasakupan. Nagkaroon ito ng
mga overnight facilities at mga fish pond na ang inaaning tilapia, hito at dalag
ay binebenta rin sa mga taong hindi naliligo sa resort. Sa kabila ng pagiging
busy ay nagawa pa niyang tumakbo bilang Barangay Chairman at nanalo naman. Lalo
pang naging tanyag ang kanyang resort dahil sa kanyang katayuan bilang opisyal.
Sa kabila ng natamong tagumpay, hindi nakitaan ng kayabangan si Roger.
Naka-tsinelas pa rin siya palagi, naka-maong na short pants at t-shirt na
binili sa ukayan.
Bilang pasalamat sa natamong tagumpay, regular na nag-aambag
si Roger sa isang parukya (parish) na nag-iipon ng pera na magagamit sa
pagpapatapos ng simbahan.
SI ROGER ANG PATUNAY
NA HINDI KAILANGANG MAGKAROON NG DIPLOMA UPANG UMASENSO. KAHIT ANG ISANG TAO AY
GRADUATE PA SA ABROAD O KILALANG UNIBERSIDAD KUNO (NA ANG MGA ESTUDYANTE AY
MAHILIG MAG-RALLY PARA LANG MASABING MATALINO KUNO DAHIL ALAM ANG MGA
NANGYAYARI SA GOBYERNO), WALA RIN SIYANG SILBI KUNG WALANG DISKARTE SA BUHAY….ANG
NABANGGIT KONG URI NG MGA ESTUDYANTE ANG MASASABI KONG NAKAKAHIYANG BATIK NG
LIPUNAN!
Discussion