0

Mga Karanasan Kong Kagila-gilalas Noong Naglibot Ako sa Pilipinas

Posted on Saturday, 25 November 2017

Mga Karanasan Kong Kagila-gilalas Noong Naglibot Ako sa Pilipinas
Ni Apolinario Villalobos

Bilang editor noon ng TOPIC Magazine, obligado akong maglibot upang mangalap ng mga impormasyong pang-turista para mailathala sa magasin. At, dahil iba-iba ang mga napupuntahan ko, iba-iba rin ang mga karanasan ko. Ang iba ay sobrang censored kaya hindi pwedeng banggitin, except sa ginagawa kong “memoir” na ilalabas kapag ako ay patay na, at ang iba naman ay sobrang nakakatuwa kaya dapat i-share “to make the day” ng mga nagtitiyagang magbasa ng blogs ko.

Sa isang bayan sa norte, nag-check in ako sa isang maliit na hotel, okey naman dahil may toilet subalit hindi ko nabuksan para ma-check ang loob dahil nagmamadali akong makapunta agad sa mga tourist spots. Pagbalik ko galing sa paglilibot ay naligo ako at gumamit ng kubeta. Nadismaya ako dahil nang umupo na ako sa “trono” hindi ko madiretso ang dalawa kong paa…dapat nakaangat ang kanan kong paa upang magkasya ang wetpu ko sa” trono” dahil halos dikit sa dingding ito. Kaya ang nangyari ay para akong aso na nakataas ang isang paa, halos pa-side view, habang nagpapalabas ng sama ng loob….ang mahalaga noon ay nakaraos ako. In fairness sa maliit na hotel, malinis ang toilet, ngunit ang kubeta ay pang-unano yata.

Sa isa pa ring bayan sa norte, ang toilet ng hotel na tinirhan ko ay barado. Mabuti na lang at nasa tabing-dagat ang maliit na hotel, kaya kahit gabi na ay nagsabi ako sa staff na kunwari ay  magsi-swimming ako kahit ang katotohanan ay may binabalak akong gagawing kabantutan! Nagtampisaw ako sa mababaw na dagat dahil low tide hanggang makaraos ako. Kinabukasan ay nag-check ako kung may nakalutang na ebidensiya sa ginawa kong karumaldumal nang nakaraang gabi…mabuti naman at inanod yata sa malayo!...nakaligtas ako sa batikos!

Sa mga maliliit na lunsod ay uso ang mga hotel na ang toilet ay nasa pagitan ng dalawang kuwarto…share ang occupants ng dalawang kuwarto sa paggamit ng toilet. Malalaman ng occupant ng isang kuwarto kung ginagamit ng taga-kabilang kuwarto ang toilet dahil naka-lock ang pinto niya sa loob, na dapat buksan kapag tapos nang gumamit ang taga-kabila, upang makapasok naman siya, at ila-lock naman niya ang pinto ng katabi niyang kuwarto. Nag-check in ako sa isang hotel na may ganitong uri ng kubeta. Nang hapong maliligo na ako (siyempre nakahubad) ay binuksan ko ang pinto ng kubeta…at nabuksan nga…nakalimutan kong may ka-share ako sa kubeta….at may chicks palang nakaupo sa “trono”….nakalimutan niyang i-lock ang pinto ko sa loob! Nahantad naman sa kanya ang kaluluwa ko! Nagkatinginan kami….nagpaka-gentleman pa rin ako at dahan-dahan kong isinara ang pinto habang nagbaba-bye. Nagkita kami uli sa dining room, kasama niya ang kanyang asawang egoy (black American)!...tinginan uli kami at nginitian niya ako ng pagkatamis-tamis…parang may nabistong secret na siya lang ang nakakaalam!


Ilan lang ang mga nabanggit sa mga  madilim na bahagi ng aking kahapon sa paglilibot ko sa Pilipinas dahil sa call of duty. Tiniis ko ang lahat dahil ayaw kong maging jobless at lumuwa ang mga mata dahil sa gutom. Noon ko lalong naunawaan na iba pala talaga ang buhay ng isang tunay na turista na hahamakin ang lahat makarating lang sa mga tourist spots! 

Discussion

Leave a response