Kabuluhan ng Buhay (para kay Teddy Lapuz)
Posted on Tuesday, 14 November 2017
Kabuluhan ng Buhay
(…para kay Teddy
Lapuz)
Ni Apolinario B. Villalobos
Nang tayo ay ginawa ng Diyos
Mula sa lupang kanyang hinubog
Sa palad nati’y ginuhit ang kapalaran –
Nakatalagang tuparin, mula sa sinapupunan.
Landas ng buhay, ating tinatahak
Batbat ng pagsubok, Kanyang itinadhana
Dahil Kanyang layunin
at gustong makita
Kung bawa’t isa,
karapat-dapat sa Kanyang biyaya.
Bawa’t buhay ay may kabuluhan
May landas na tinatahak at sinusundan
Habang binabagtas, nakatuon tayo sa layunin –
Layuning bigay Niya, kailangang nating tuparin.
Lahat tayong nilalang, dapat sumunod
Ano mang sa atin, itinadhana dito sa mundo
Iyan ang kabuluhan ng buhay, guhit sa ating palad -
Na buong mapagpakumbaba, dapat nating matupad.
Kasiyahan ang dapat nating madama
Kung bago natin marating ang dulo ng landas
Marami tayong nagawa, kabutihan sa ating kapwa -
Kaya sa mga pagkakataon, magpasalamat tayo sa Kanya.
Tayo’y dapat maging handa sa paglisan -
Sa mundong ginagalawan, sa ano mang panahon
Kung narating na natin ang dulo, landas ng ating buhay
Malugod na harapin, lalo’t sa mundo’y nagkaroon ng saysay.
Discussion