Showing posts with label tula. Show all posts

0

LAMBAYONG (tula)

Posted on Saturday, 19 May 2018


LAMBAYONG
Ni Apolinario Villalobos

Sa tunog pa lang ng pangalan kung banggitin
Exotic na ang dating, mahiwaga pa kung isipin
Sinaunang bayan na saksi sa isang kasaysayan
Ng malawak na emperyo sa ka-Mindanawan.

Napapaligiran ng malawak, matabang lupain
At noon ay mga gubat, maaliwalas sa paningin
Sagana sa mga hayop, sa kalawaka’y mga ibon
Subalit nawala dahil sa pagbago ng panahon.

Nagkanlong ng mga dumayo mula sa Visayas
Na ang pagsisikap ay nag-iwan ng mga bakas
Nagsimula sa pusod ng minahal na Lambayong
Hanggang sa New Passi, barangay ng Tacurong.

Mula sa Midsayap tumagos sa kanya ay daan
Tungo sa Makar, pantalang malalim ng GenSan
Nang sa bayan ng Tacurong ito’y tumagos naman
Naging highway na ito at ipinangalan kay Alunan.

Nadugtong siya sa Buluan sa  bahagi ng Silangan
Tumagos sa Kipolot ang matalahib na mga daan
Umabot sa Sambolawan na  ngayon ay Quirino
Sentro ng masaganang kalakalan o mga negosyo.

Biniyayaan siya ng mga bukal ng matamis na tubig
Nagpapawi ng uhaw at sa kapaligiran ay nagdilig
Kaya’t masaganang ani ay hindi mapapasubalian
Mula sa mga nagluluntiang palayan sa kapaligiran.

Hindi lang mula sa kalikasan ang kanyang yaman
Pati na rin sa masisipag, mababait na mamamayan…
Lambayong, tungo sa kaunlara’y umaarangkada
Sa bilis ng pagsulong tila wala nang hahadlang pa!







1

Ang Lilim (tula para sa Lenten Season)

Posted on Saturday, 10 March 2018


Tula para sa Lenten Season…


Ang Lilim (Shade)
Ni Apolinario Villalobos

Ang lilim ay nagdudulot ng ginhawa
Sa katawang nanlata dahil sa init ng araw
Kasiyahang may ngiti ang sa labi ay namumutawi
Lalo na kung makakakita nito sa kainitan ng tanghali.

Sa ibabaw ng mundo ay marami nito –
Iba’t ibang lilim na na ating nadadanasan
Lalo na ang lilim ng tahana’t ating mga magulang
Mga lilim na sa buhay ay nagagamit na sanggalang.

Ngunit ang pinakamalawak na lilim
Na sa sangkatauhan ay nagbibigay-lakas
Ay sampalataya sa Panginoon na hindi matitinag
At sa tagal ng panahon ay lalo pa ring tumatatag!

PRAISE THE LORD!



0

Sa Amin...sa Mindanao

Posted on Sunday, 25 February 2018


Sa Amin…sa Mindanao
Ni Apolinario Villalobos

Luntiang kaparangang halos walang hangganan
Kabundukang kahi’t paano’y balot pa ng kagubatan
Mga batis na animo ay musika ang paglagaslas
‘Yan ang Mindanao na ganda’y ubod ng timyas.

Malalagong palay, sa ihip ng hangin ay umiindayog
Mga masisiglang alagang hayop, lahat ay malulusog
Mga halamanang gulay, mayayabong ang dahon
‘Yan ang Mindanao na nabibiyayaan ng panahon.

Maraming katutubo, iba’t ibang makukulay na tribu
Magkakapitbahay ay mga Muslim at mga Kristiyano
Sila’y nagbibigayan, taos-pusong nagkakaunawaan
‘Yan ang Mindanao na may pangakong kaunlaran.

Subali’t kung ang pagkagahama’y biglang umeksena
Ang mga minimithing pangarap, lahat ay nababalewala
Kung bakit naman kasi may mga taong puso’y sakim
At mga adhikaing baluktot na dulot ay paninimdim.

Sa amin sa Mindanao ay masaya at may kasaganaan
Kaya dinayo ng mga tao na ang hanap ay kapayapaan
Nguni’t dahil sa damdaming sakim ng ilang hangal
Nakakabahalang ang tinatamasa ay baka ‘di tumagal!










0

PILIPINAS (tula)

Posted on Saturday, 17 February 2018







Pilipinas
By Apolinario B Villalobos


Mga luntiang islang magkakahiwalay
Mga katutubong iba-ibang pananalita
Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin
Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon
Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol
Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino
Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi
Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi
May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon
Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

Mayabong na sining at mayamang kultura
Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa
Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan
Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

Inang Pilipinas, mahal nating bayan
Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan
Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal -
Nang kung sino - Pilipino man o banyagang hangal!

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod
Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod
Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa
Nag-uunawaan, nagkakaisa - sa buong mundo, ating ipakita.

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa
Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa
Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal
Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.

(This poem is dedicated to those who exerted effort to maintain peace, unity and understanding in Mindanao –to preserve the sanctity of our heritage as one nation and one people, despite a diversity in religion.)


0

Ang Minimithing Pagbabago (Tula para kay Rodrigo Duterte at Sambayanang Pilipino)

Posted on Thursday, 14 December 2017

ALAY KAY RODRIDGO DUTERTE AT SAMBAYANANG PILIPINO


ANG MINIMITHING PAGBABAGO
ni Apolinario Villalobos

Kay daling sambitin, katagang “pagbabago”
Marami ding kahulugan ang tukoy nito:
Ugali na maaari pang pasasamain
O kabutihan na lalo pang paiigtingin;
Di kaya’y pagbago ng tinatahak na landas
Na maaaring patungo sa magandang bukas
O di kaya ay tungo sa maahas na palanas!

Makakamit lang ang minimithing pagbabago
Kung may pakikipagtulungan ang mga tao
Dahil sila rin ang dahilan ng mga pagsisikap
Upang makamit ang matagal nang pangarap;
Kaliwa’t kanang batikos ay hindi inaalintana
Dahil nasimulan nang isulong ang isang panata
At paninindigan sa ngalan ng napariwarang bansa!

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO AT SI DUTERTE!








0

Pilipinas

Posted on Wednesday, 15 November 2017

This poem is dedicated to those who are exerting effort to maintain peace, unity, and understanding among the Filipino people, as well as, the sanctity of their heritage as one nation, despite diversities in religion and culture and in the face of the current adversities.

Pilipinas
By Apolinario B Villalobos


Mga luntiang islang magkakahiwalay
Mga katutubong iba-ibang pananalita
Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin
Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon
Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol
Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino
Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi
Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi
May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon
Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

Mayabong na sining at mayamang kultura
Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa
Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan
Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

Inang Pilipinas, mahal nating bayan
Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan
Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal -
Nang kung sino - Pilipino man o banyagang hangal!

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod
Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod
Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa
Nag-uunawaan, nagkakaisa - sa buong mundo, ating ipakita.

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa
Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa
Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal
Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.
















0

Kabuluhan ng Buhay (para kay Teddy Lapuz)

Posted on Tuesday, 14 November 2017

Kabuluhan ng Buhay
(…para kay Teddy Lapuz)
Ni Apolinario B. Villalobos

Nang tayo ay ginawa ng Diyos
Mula sa lupang kanyang hinubog
Sa palad nati’y ginuhit ang kapalaran –
Nakatalagang tuparin, mula sa sinapupunan.

Landas ng buhay, ating tinatahak
Batbat ng pagsubok, Kanyang itinadhana
Dahil  Kanyang layunin at gustong makita
Kung bawa’t  isa, karapat-dapat sa Kanyang biyaya.

Bawa’t buhay ay may kabuluhan
May landas na tinatahak at sinusundan
Habang binabagtas, nakatuon tayo sa layunin –
Layuning bigay Niya, kailangang nating tuparin.

Lahat tayong nilalang, dapat sumunod
Ano mang sa atin, itinadhana dito sa mundo
Iyan ang kabuluhan ng buhay, guhit sa ating palad -
Na buong mapagpakumbaba, dapat nating matupad.

Kasiyahan ang dapat nating madama
Kung bago natin marating ang dulo ng landas
Marami tayong nagawa, kabutihan sa ating kapwa -
Kaya sa mga pagkakataon, magpasalamat tayo sa Kanya.

Tayo’y dapat maging handa sa paglisan -
Sa mundong ginagalawan, sa ano mang panahon
Kung narating na natin ang dulo, landas ng ating buhay
Malugod na harapin, lalo’t sa mundo’y nagkaroon ng saysay.



0

Rosalinda

Posted on Friday, 27 October 2017

Rosalinda
(para kay Rosalinda Tambuyogan)
Ni Apolinario Villalobos

Inosenteng ngiti, sa labi ay namumutawi
Kahit sa kaunting kasiyahan na sa kanya’y dadampi
Sinapit niya’y higit pa sa maralitang kalagayan
Dahil hanggang lumaki, magulang ay di nasilayan.

Nagtiis sa piling ng sa kanya ay kumupkop
Nagpilit na siya ay mairaos sa kabila ng pagdarahop
Walang magawa pa, sa halip ay magpasalamat
Inunawa na lamang kahit sa maraming bagay ay salat.

Dahil gustong matupad ang mga pangarap
Siya ay hindi nag-aatubili sa masigasig na pagsisikap
Naglalakad sa ilalim ng matinding init ng araw
Wala mang laman ang sikmura niya, kahit kaning bahaw.

Ilang Rosalinda kaya ang meron sa mundo?
May mga pangarap na sana’y makaahon sa siphayo?
Sana ang katulad nila ay bigyan naman ng pansin
At, pang-unawa sa halip na walang awang libakin at kutyain!





Dampi – touch
Nasilayan- seen
Pagdarahop- difficulty, hardship
Salat- wanting
Hindi nag-atubili- did not hesitate
Kaning bahaw-leftover cold rice
Siphayo- distress

Kutyain-ridicule

0

TONDO

Posted on Wednesday, 11 October 2017

TONDO
Ni Apolinario Villalobos

Tambakan daw ng mga patapon
Pugad ng mga kapuspalad
Hangganan ng pangarap –
Ng mga taong
Madilim ang hinaharap.

Marami na ang sumumpa
Na sa Tondo’y hindi babalik
Nguni’t iba ang tawag
At hila ng ugat
Pilit nagpapaliwanag.

Tondo, oh, bakit ba?
Naturingan ka
Na pugad ng dalamhati
Pinagkaitan ng saya
Ng ngiti at ng ganda.

Ang lahat ay may pagbabago
Kung may araw, mayroon ding gabi.
Kung may lamig, mayroon ding init
Tulad ng Tondo
Gumaganda, dati’y pangit.

Ngayon, iba na siya
Unti-unting nagbabago
Nasisinagan ng pag-asa
Na ang dulot
Ay bagong buhay

At may ligaya!

0

Ano Ba Talaga ang Pag-ibig?

Posted on Tuesday, 10 October 2017

Ano Ba Talaga Ang Pag-ibig?
Ni: Apolinario B Villalobos

Mula pa noong panahong nauna
Ang pag-ibig ay sinisimbolo na ni kupido
Isang  anghel na laging hawak ay pana
Nakaumang sa magsing-irog
At handang magpakawala ng palaso
Na siyang tutusok sa mga puso
Magpapatibok sa mga ito ng mabilis
Hudyat na nabaon na ang pag-ibig
At handang bigkasin ng kanilang bibig.

Marami na ang namatay dahil sa pag-ibig
Marami na rin ang nasiraan ng bait
Marami  rin ang napariwara
Kaya sa murang gulang ay nagsama
Nagpadami ng supling sa mundong ibabaw
Naging  palamunin at sa kalye’y pakalat-kalat
Walang direksyon ang buhay nguni’t
Kung umasta sila akala mo’y sikat -
Mga katawang nanlilimahid sa gulanit na damit.

Masarap ang umibig kung isip ang mananaig
At hindi damdamin na malayo sa utak
Na siyang dahilan ng masakit ng pagbagsak
Kapag natauhan sa bulag na dikta ng damadamin
Na kung umiral ay animo ulap sa kalawakan -
Natatangay ng hangin at hininigop ng init
Patungo sa mga palanas na tigang -
Na naghihintay ng kahi’t ambon ay mabiyayaan
O di kay’y ng hamog sa magdamag, kinabukasan.

Di dapat umasa ng kung anu-ano na dala ng pag-ibig
Dapat hintaying kusang ialay ng taong nakakadama nito
Dahil pagkasiphayo lamang ang idudulot sa umaasa
Kung hindi dumating ang minimithi
Na nakikimkim ng damdaming kimi;
Dapat ding likas na maipakita sa mga kilos
Ang marubdob na nadarama ng isang umiibig
Huwag hintaying hingan ng kanyang irog
Ng mga bagay na sa harap niya ay dapat idulog.

Banal ang tunay na pag-ibig
Ito ay hindi libog na sa isang saglit
Kakawala sa katawang nag-iinit;
Kaakibat nito’y pagtatanging di nagdududa
At turingang may respeto sa isa’t isa,
Ang  bawa’t tibok ng puso para sa iniirog
Dapat ay laging dumadaan  sa utak
Nang sa gayon, lahat ng naipapakita sa kilos
At nasasambit ng bibig ay napag-iisipan ng lubos.

Ito pa:
Para sa magsing-irog, mapapatunayan nilang sila ay para sa isa’t isa kung sa kabila ng mga nakakawindang na pagsubok na dumating sa kanilang buhay ay sila pa rin ....sa kabila ng pagbuhos ng di basta-bastang pagsubok kaya marami silang ginawang trial and error hanggang na-perfect din nila at last ang isang paraan kung paanong timplahin ang kanilang samahan na tama lang sa tamis…..HINDI NAKAKASAWA!



0

Hagdan Tungo sa Pangarap

Posted on Friday, 6 October 2017

Hagdan Tungo sa Pangarap
Ni Apolinario Villalobos

Pangarap -
Pangarap na hinahabi
Hinahabi at sana ay mangyari
Mangyari at matupad na mga inaasam
Inaasam at tinatanaw nang may agam-agam
Agam-agam na nagbibigay din ng mga alalahanin
Alalahaning baka hindi mapagtagumpayang mga mithiin
Mga mithiin ito na nagbibigay ng lakas at sa atin ay nagtutulak

Nagtutulak sa ating likuran at lakas na sa harap pa rin ay humahatak!

0

Ang Buhay sa Lansangan

Posted on Saturday, 23 September 2017

Ang Buhay sa Lansangan
Ni Apolinario Villalobos

Kung pagmasdan silang pinagkaitan ng rangya
Di maiwasang may maramdaman tayong awa
Nakapaa at nagtutulak ng kariton kung minsan
Basang sisiw naman sila, kapag inabutan ng ulan.

Abala palagi sa pangangalakal o sa  pamamasura
Wala sa isip nila ang sumilong upang magpahinga
Habol ay makarami ng mga mapupulot  at maiipon
Hindi alintana pagbabadya ng masamang panahon.

Sa mga nadadampot na styrophor galing sa Jollibee
Bigay ay saya dahil may matitikmang tirang ispageti
Kahit iilang hibla lamang na may kulapol pang ketsap
Sa maingat na pagsubo, dama’y  abot-langit na sarap.

Gula-gulanit ang suot na kamiseta at nanggigitata pa
Ang damit, kung hindi masikip ay maluwag sa kanila
Kung pantalon naman, walang zipper, at butas –butas
Subali’t hindi alintana, may maisuot lang, kahi’t kupas.

Kapos sa mga ginhawa na dulot ay  materyal na pera
Puso namang may nakakasilaw na busilak ay meron sila
Walang hiling kundi matiwasay na umaga sa paggising -
Kahi’t mahapdi ang tiyan dahil sa gutom, di dumadaing.

May mga bagay, dapat nating mapulot sa mga ugali nila
Pampitik sa atin upang gumising at magbubukas ng mata
Gaya ng hindi maging sakim at mapag-imbot sa kapwa
Bagkus, maghintay at magpasalamat sa bigay na biyaya!












0

Ang Tao

Posted on Sunday, 13 August 2017

Ang Tao     
Ni Apolinario    Villalobos

Sa dami ng pagsubok na sa buhay nati’y dumaan
Halos naging bantad na tayo sa anumang kapalaran
Ang pagkatao natin, para na ring goma sa kalambutan
Tila ba ‘di na iniinda ang mga dilubyong nagdadatingan.

Sabi ng matatanda, dapat tayo’y may mahabang pisi –
Pisi ng buhay na siyang batayan ng masidhing pagtimpi
Subali’t hanggang saan ito aabot na may kabuluhan at silbi?
Kung kaguluha’y matindi na?...marami nang  gutom at nasawi?

Ang kapaligiran ay umaapaw na ng mga kasalaluan natin
Basurang itinatapon sa kung saan-saan, sa ati’y bumabalik din
Sayang ang talinong sa atin ay ibinigay ng Diyos, hindi pinapansin
Dahil ang nais nating pairalin ay ang  makasarili nating damdamin!!

Pagkagahaman sa salapi ay hindi na nawala sa puso ng tao
Sa mga babalang maka-Diyos, ang kasakiman niya’y ‘di pagupo
Sukdulan mang makatapak ng kapwa, kumita lamang ng todo-todo
Ano pa nga ba’t ga-bundok man ang salaping ninakaw, ‘di pa kuntento!

Anong landas ang dapat tahakin nang walang duda’t pasubali?
Upang maski papaano, maski kapiraso, sa katiwaliang nagawa ay makabawi?
Ang landas bang baku-bako, puno ng  pagsubok na sa kasalana’y makapawi?
O, landas na walang hadlang, malinis, subali’t sa mga kasalana’y magpapasidhi!


Notes:
masidhi – too much
kasalaluan - misdoing
pasubali - alibi


0

Ang Kalasingan

Posted on Sunday, 6 August 2017

Ang Kalasingan
Ni   Apolinario   Villalobos

Hindi lamang sa alkohol ng alak, ang tao’y nalalasing
Kundi sa mga bagay na sa hinagap ma’y di natin akalain
Nariyan ang kalasingan sa biglang yaman na naangkin
At  kalasingan sa karangalang, sa katagala’y nakamit din.

Hindi masama ang uminom ng alak kung ilagay sa wasto
Lalo na’t sa Misa, ito ay  simbolo rin ng dugo ni Hesukristo
Subali’t sadya yatang may mga taong sa katakawan nito
Sa labis na natunggang alak, ang alkohol ay napunta sa ulo.

Kung minsan ‘di natin masisisi, taong sinwerte ang kapalaran
Na dati ay lagi na lang kumakalam ang sikmurang walang laman
Subali’t sa pag-angat ng isinusumpa-sumpa niyang kinalalagyan
Kayamanang nakamit,  halos hindi niya alam kung paano dapaan.

Yong iba naman, lahat ng paraan, walang humpay nilang ginawa
Mangiyak-ngiyak na kung minsan dahil sa kawalan nila ng pag-asa
Makamit lang ang inaasam na karangalang sa kanila’y napakahalaga  -
Subali’t nang makamit , mga paang umangat,   hindi na maibaba sa lupa!


0

Ang Mabuhay in this World (fusion poetry in Tagalog and English)

Fusion Poetry….
(here’s one sa mga mahilig mag-slang kung mag-Tagalog)

Ang Mabuhay in this World
By Apolinario Villalobos

Ang mundo is not really full of roses
Not every moment is with happiness
Makulimlim din minsan ang paligid
Nagbabadya ng lungkot nitong bahid.

Maganda na sana noong unang time
When paradise was there yet…sublime
But, mahina si Adan, bumigay kay Eve -
Pinalayas tuloy, napatira sa mga yungib!

“Maghirap upang mabuhay” was the sumpa
Nakatatak sa dugo, one painful na pamana
Kasalanang tinubos naman by  Christ Jesus
When on Mt. Calvary, he died on the cross!

As we live in this slowly dying world, tiis lang
Not only humans suffer, marami ding nilalang
Nandiyan also ang mga trees, fishes, at hayop
Lahat tayong mga nilalang, hirap, nagdarahop.

Walang magandang gawin but to say, “salamat”-
Salitang ulit-ulitin mang ilang beses ay ‘di sapat
Hintayin lang our last moment sa planetang ito

And, where we’ll go, depends sa ating pagkatao! 

0

Marawi...Oh, Marawi!

Posted on Friday, 7 July 2017

Marawi…Oh, Marawi!
Ni Apolinario Villalobos

Marawi…Oh, Marawi!
Sa ‘yong sinapit, kami’y nakikidalamhati
Nagkagutay-gutay dahil sa mga nag-umpugang lakas
Kaya ngayon, animo ay kalansay na lamang ang mababakas.

Lunsod ng marangyang kultura
Kamaranawang niyayakap ay Islam
At ang iba naman ay ang Kristiyanismo
Subalit nagkakaunawaan kaya walang gulo.

Hindi nagpagapi sa mga Kastila
At kahit sa iba pang mga banyaga
Dugo ng mga magigiting ay dumanak -
Mga bayaning Maranaw, hindi mahahamak!

Nagsimula sa Gitnang Silangan
Adhikaing sa Marawi’y pinagpilitan
Islam nga kung ituring, pero di tanggap
Dahil sa karahasan nito na di mapaglingap.

Maute Group ang nagpasimula
Na sa lunsod ay unti-unting naglipana
At  nagpataranta sa mga naninirahan doon
Nagulat sa mga ratatat at dagundong ng kanyon!

Kalunos-lunos ang mga eksena
Dinig sa mga radyo at TV, lahat ay nakita
Na ikinagulat at nagpayanig sa mga Pilipino
Pangyayaring hindi inasahan, mistulang dilubyo!

Di pinansin kumalat na kuwento
Tungkol sa napansing kilos ng ibang tao
Marami ay dayo, naglipana sa buong lunsod
Na sa daloy ng pamumuhay sila’y nagpatianod.

Nang magkaroon ng perhuwisyo
At sa kapulisan ay dumagsa ang reklamo
Noon lang nalamang di tsismis ang kumalat
Dahil buong Marawi ay nasa loob na ng lambat 

Kaya nang kapulisa’y magsikilos…huli na ang lahat!


0

Alimu-om

Posted on Monday, 26 June 2017

Alimu-om
Ni Apolinario Villalobos

Sa biglang pagpatak ng ulan sa lupang tigang
Alimu-om ang sumisingaw
Animo ay manipis na usok
Ang amoy, nakasusulasok!

Ganoon din ang pagsingaw ng bahong itinago
Pilit sumisingaw, umuusbong
Hindi maitatago, umaalagwa
Mga pagbubunyag ang badya!

Akala ng mga tiwali, sila ay ganoon na katalino
Lahi daw, may bahid ng bayani
Wala pa namang napatunayan
Baka sakali, isa ding kawatan!

Ang mga ayaw umamin sa kasalanang nagawa
Naglilipana sa senado, kongreso
Kalinisan daw nila’y walang duda
Kahi’t tunay na kulay ay lantad na!

Mga alimu-om sa pagkatao ng mga taong tiwali
Naamoy sa apat na sulok ng bansa
Hindi natatakpan ng salita at ngiti
Dahil sa paningin ng Diyos –
sila’y talagang  maling-mali!


Note:
Nakakasusulasok – odorous
Umaalagwa – overflowing
Badya – warning


0

Mindanao

Posted on Saturday, 17 June 2017

Mindanao
By Apolinario B Villalobos

Itinuring na lupang ipinangako -
Ng mga Pilipinong dito ay napadako
Mga naglakas -loob na makipagsapalaran
Hindi inalintana panganib na madadatnan.

Maraming kuwento ang aking nalaman -
May mga kulay ng lungkot at kaligayahan
Nguni’t lahat ay puno ng hangarin, ng pag-asa
Sa lupang ipinangako, magigisnan, bagong umaga.

May mga Pangasinense, Kapampangan, Ilocano
Mayroong Bicolano, Bulakeño, Caviteño, Batangueño
Mga taga-Luzon silang dala ay lakas ng loob, kasipagan
Hindi ininda ang init sa  pagbungkal ng tigang na kabukiran.

Mayroon ding galing sa Antique, Negros, isla ng Cebu
Sumunod ang mga taga-Leyte, Antique, Guimaras at Iloilo
Ano pa nga ba’t sa malawak, mayaman at luntiang Mindanao
Iba’t iba man ang salita,  pagkakaisa pa rin, pilit na nangibabaw.

Hitik sa kwentong makulay ang buong isla ng Mindanao
Unang tumira’y mga kapatid nating sa relihiyon, iba ang pananaw
Silang mga  taal na katutubo, makukulay, matatapang at mahinahon
Tanging hangad ay mabuhay ng matiwasay, tahimik, sa lahat ng panahon.

Ang mga  Kristiyano, Muslim, Lumad – lahat sila ay nagkakaisa
Nagtutulungan, nagbibigayan, mga paniwala man nila ay magkaiba
Nguni’t dahil sa makasariling hangad ng ilang gahaman sa kapangyarihan
Animo kristal na nabasag, iningatang magandang samahan at katahimikan.

Nguni’t tayo ay Pilipino, iba tayo – lumalaban na may masidhing pag-asa
Sa harap ng masalimuot na mga problema, matatatag na kalasag ay nakaamba
Ito’y ang masidhing paniniwala sa Maykapal, malalim at marubdob na kapatiran
Ugaling nagbuklod sa mga taga-Mindanao, magkaiba man ang pananaw at kaugalian.

Ating isigaw-

Mabuhay ang Mindanaw!

0

Emma (tula para kay Emma P. Jamorabon)

Posted on Monday, 10 April 2017

EMMA
(para kay Emma P. Jamorabon)
Ni Apolinario Villalobos

Sa mga mata niyang animo ay nangungusap
Walang katapat na kasiyahan ang mababanaag
At sa matinis niyang boses, ang kausap na nagagalit
Huhupa, sa damdami’y nag-uumapaw na pagngangalit.

Mapagmahal na kabiyak, inang walang katulad
Sa mga kaibigan ay mapagbigay, kahit siya’y kapos
At handang magsakripisyo sa abot ng makakaya niya
Kapalit na pagtitiis ay buong puso niyang hindi alintana.

Mga huling yugto ng kanyang buhay na nauupos
Inalay sa mapagmahal na Inang Mariang sinandalan
Kaya kahit sa pagkaratay, hirap man siya sa paghinga
Katiwasayan ay maaaninag sa mala-birhen niyang mukha. 

Sa kanyang maaliwalas na pamamaalam sa mundo
Ipinahiwatig niyang sa Diyos tayo ay dapat magtiwala
Dahil sa buhay nati’y Siya lang ang nakakaalam ng lahat
Lalo na ang mitsa nito’t sinding may taning ….
Kung hanggang kaylan lamang sapat.

(Alay ng nagmamahal na pamilya, mga kaibigan at naging estudyante, lalo na ang NDTC Boys’ High School Batch ’70.)



0

Ang Kaunlaran

Posted on Sunday, 19 February 2017

ANG KAUNLARAN
Ni Apolinario Villalobos

Mga nagtatayugang gusali sa lunsod
Nagliliparang mga sasakyan
Mga ilaw na nakakasilaw
Kaya’t gabi’y parang araw.

Mga kamangha-manghang kagamitan
Sa mga tao ay nakakaagapay
Kaya’t buhay na guminhawa
Dapat pasalamatang biyaya.

Subali’t kasabay ng natamong ginhawa
Kapalit naman ay pagkalimot
Na sa likod ng mga natamo-
May ISANG naglalang ng mundo…
MUNDONG  NASAULALA…
AT, ANIMO’Y NAGAHASA!

Notes:
Nakakaagapay – helps, big help, assists
Naglalang - created

Nasalaula – abused, exploited, “binaboy”