PILIPINAS (tula)
Posted on Saturday, 17 February 2018
Pilipinas
By Apolinario B Villalobos
Mga luntiang islang
magkakahiwalay
Mga katutubong
iba-ibang pananalita
Iyan ang Pilipinas,
watak-watak sa paningin
Subali’t iisa ang
adhikain, iisa ang damdamin.
Halos gutayin ng
pabago-bagong panahon
Kasama na diyan ang
mga pag-uga ng lindol
Nguni’t buong tapang
na iniinda ng mga Pilipino
Animo’y kawayan,
sumasaliw sa hagupit ng bagyo.
Mula sa Batanes,
hanggang Tawi-tawi
Mga katutubo’y
nagbubuklod- iisang lipi
May isang kulay,
matingkad, hinog sa panahon
Nagkaisa- magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.
Mayabong na sining at
mayamang kultura
Taas-noong
maipamamalaki, saan mang bansa
Hindi nagpapahuli,
lumalaban, hindi nagpapaiwan
Sa ano mang uri ng
patas na paligsahan o tunggalian.
Inang Pilipinas,
mahal nating bayan
Huwag nating hayaang
siya’y tapak-tapakan
Huwag hayaang
mayurakan, iniingatang dangal -
Nang kung sino -
Pilipino man o banyagang hangal!
Mga Pilipino tayo,
kailangang magbuklod
Nang sa unos ng buhay
matatag, ating pagsugod
Walang kinikiling na
pag-imbot sa puso ng bawa’t isa
Nag-uunawaan,
nagkakaisa - sa buong mundo, ating ipakita.
Mapalad tayo sa
pagkakaroon nitong bansa
Na kung wariin,
mahirap pag-ugnayin at mapag-isa
Subali’t ito ang
itinadhana sa atin ng Poong Maykapal
Kaya’t buong puso nating
arugain ng masidhing pagmamahal.
(This poem is dedicated to those who exerted effort to
maintain peace, unity and understanding in Mindanao –to preserve the sanctity
of our heritage as one nation and one people, despite a diversity in religion.)
Discussion