0

Ang Mga "Negative" na Kapalit ng Ginagawa Ko ay Okey Lang Dahil Nag-eenjoy Naman Ako

Posted on Saturday, 10 February 2018


Ang Mga “Negative” na Kapalit ng Ginagawa Ko
ay Okey Lang Dahil Nag-eenjoy Naman Ako
Ni Apolinario Villalobos

Kung may masasayang bahagi ng buhay, mayroon ding nakakalungkot na hindi maiwasang madanasan ng isang tao sa kabila ng kanyang magandang layunin…yan ang nangyayari sa akin. Para sa akin ay madali lang ang pagsusulat, pero ang mahirap ay ang magpaunawa ng aking layunin.

Hindi nauunawaan ng mga taong makasarili o selfish kung bakit ako nagsasakripisyo sa pagsusulat at maipakita ang mga pagkakamaling dapat ituwid o mga pagkukulang na dapat punan. Ang nakakatuwa sa mga taong makasarili ay ang pag-isipan akong tumatanggap ng suweldo o kapalit ng mga ginagawa ko. Bilang makasarili, hindi kasi nila kayang gawin ang ginagawa ko kaya para sa kanila ay imposible. Hindi nila maunawaan kung bakit ako gumagastos para lang makarating sa mga liblib na lugar kung saan ay may makukuha akong magandang kuwento, tulad ng mga slum areas ng Tondo.

May mga taong nai-intimidate ng mga ginagawa ko dahil sa kakulangan ng kaalaman nila tungkol sa salitang “blogger” na akala nila ay bumabatikos lang. Ang hindi nila alam, ito ang equivalent ng mga nagsusulat sa diyaryo o magazine….sa simpleng salita, manunulat sa cyberspace o internet, at saklaw o sakop ang lahat ng larangan. Unang ginamit ng mga kabataang internet users ang salitang “blog” pero ang intention ay manira. Ito ay maituturing na bahagi ng “street language” o sa Pilipino ay “salitang kanto” tulad ng “toma” o pag-inom ng alak. At, dahil pa rin diyan, marami ang nagugulat kapag nakita ako nang personal dahil hindi ako bata.

Mayroon pa akong narinig na comment noon na, “blogger ba yan?...bakit walang camera?” at  “…ay!...matanda na pala”. Akala nila, ang pagba-blog ay hanggang paglagay lang ng mga pa-cute na mga larawan sa facebook na ginagawa ng mga kabataan. Ang hindi nila alam ay maraming sites ang internet na ginagamit ng mga seryosong blogger tulad ko. Kaya ako gumamit ng facebook ay dahil lang sa pakiusap ng mga kaibigan ko noon pa man na ang ginagamit ay cellphone na may application ng facebook.

May mga tao ring nai-insecure dahil sa ginagawa ko. Feeling nila ay nasasapawan ko sila sa mga dapat nilang gawin….silang mga nagsusuweldo pero wala rin naman palang binatbat sa trabaho. Sa halip na i-appreciate ang ginagawa ko o ay pinag-iisipan pa ako ng masama. Kulang na lang ay tanungin ako ng diretsahan kung tatakbo ba akong mayor. May joke tungkol sa taong nakita lang na naglilinis ng kalsada sa tapat ng bahay niya ay kinantiyawan ng, “tatakbo ka yata sa pagka- Barangay Chairman, pare….”.

May mga tao na dahil sa sobrang pagkamakasarili, ang tingin sa kapwa nilang nanlilimahid at namumulot ng mapapakinabangan sa mga basurahan, pati na sa mga taong mababa ang kalagayan sa lipunan, ay hindi  mapapagkatiwalaan at hindi dapat pakisamahan. Ang mga taong ito ay sobra rin ang “pagka-sosyal” ang ugali kaya pinandidirihan ang mga kainan sa tabi ng kalsada….mga karinderya….wa class daw! Dahil sa ugali nila, hindi nila maunawaan kung bakit gusto kong makipagkaibigan sa mga taong nabanggit o kumain sa mga pinandidirihan nilang kainan.

Bilib ako sa lakas ng loob ng mga nagtanong sa akin kung bakit daw mahilig akong magsulat tungkol sa mga tao at mga karinderyang nabanggit. Kung ginagamit nila ang kanilang utak sa pag-isip ng malalim kahit minsan lang, hindi na sila dapat pang nagtatanong. Nagpapakita lang sila ng kamangmangan at walang kaalaman sa iba’t ibang uri ng buhay sa mundo. Pero yong iba ay mahinahon ko namang sinagot ng,  “ kung hindi ko isinulat, malalaman mo ba na may masarap palang kainan at mura pa diyan lang sa kanto”? Ang alam lang kasi ng mga ungas ay mga kainan tulad ng Jollibee at iba pang mga kainan na ang mga binebenta ay dapat inilubog sa mantika!

Sa kabila ng mga nabanggit, natutuwa pa rin ako at nasusulit ang pagod ko…lalo na kapag ang kakainin ko sa mga paborito kong pastilan ay tutong na kanin at gulay na lalong pinasarap ng siling labuyo! Sa mga naiinis sa akin, ito lang ang masasabi…EAT YOUR HEART OUT, GUYS!








Discussion

Leave a response