Ang Arenolang Pitsel sa Buhay Ko
Posted on Friday, 5 January 2018
Ang Arenolang Pitsel sa Buhay Ko
Ni Apolinario Villalobos
Noon ay may napanood ako sa pelikula ni Dophy tungkol sa
arenolang ginamit na pitsel upang timplahan ng gin, kalamansi at ice. Totoo
palang nangyayari talaga dahil nadanasan ko nang pasyalan ko ang isang kaibigan
sa Baseco Compound (Tondo)….umiinom pa ako noon ng alak.
Tuwang-tuwa ang kaibigan ko nang dumating ako na may dalang
pulutang tulingan. Niluto sa gata ang tulingan upang may pang-ulam din ang mga
bata. Habang nagluluto kami ay may kinuha siyang arenola….at nang mapansing
gusto kong magtanong, siya na mismo ang nagsabing, “malinis ito, pare”. Nagpabili ako ng tatlong beer grande at ice
na inilagay namin sa arenola. May dumating na dalawa pa naming kaibigan, tadtad
din ng mga tattoo ang mga katawan, yong isa ay Nazareno ang tattoo sa likod.
Dahil apat kaming uminom ng beer mula sa arenola ay hindi
inabot ang laman ng kalahating oras, pero napansin kong patingin-tingin sa loob
nito ang misis ng kaibigan ko at nang mapansing kaunti na lang ang laman ay
kumuha siya ng tabo at doon inilipat ang laman. Dinala niya sa loob ng kuwarto
ang arenola at may narinig akong sumasagitsit na tunog at isa pang tunog na
parang tubig na bumabagsak….umihi pala ang misis sa arenola. Maya-maya ay
lumabas at sabay sa matamis niyang ngiti sa mister ay inabot ang arenola na may
takip na tuwalya. Lumabas ito at itinapon sa malapit na kanal ang laman at
dumaan muna sa isang di-kalayuang gripo at binanlawan ang arenola.
Pagdating sa umpukan namin ay inilagay ang arenola sa gitna,
sabay sabing, “o…isa pang set”, ibig sabihin ay maglalagay uli ng tatlong beer
at ice sa arenola. Hindi pinag-usapan kung anong ginawa sa arenola habang
nag-iinuman uli kamo. Basta nang dumating ang pinabiling beer at ice ay
itinuloy namin ang inuman na naging masaya pa dahil may nahiram kaming gitara.
Ang una naming kinanta ay, “May Pulis sa Ilalim ng Tulay” na itinuro ko sa
kanila…maraming binanggit sa kanta tulad ng aso, PC, Navy, pati Malakanyang,
kaya tuwang-tuwa sila. (Isi-share ko ang mga lyrics ng kanta sa susunod na
blog).
Dahil ayaw nila akong pauwiin pa, ay sa bahay na rin ng
kaibigan ko ako natulog….tabi-tabi kami sa sala, katabi rin si “Burdagol” na
aso nila. Okey lang dahil kinabukasan ay Linggo kaya walang pasok. Yong curious
kung “sino” ako sa kanila, pwedeng mag-pm.
Discussion